GORGY RULA
Mukhang maganda ang pasok ng 2025 sa noontime shows na sinusubaybayan natin.
Kapag January 1, tinitiyak ng mga Dabarkads ng Eat Bulaga na live sila.
Ang ganda ng pagsisimula nila ngayong unang araw ng 2025 dahil sa malawak, maaliwalas at malaking studio na pinagtatanghalan ng naturang noontime show.
“Sobrang laki, mga Dabarkads, at mas kumportable na ang mga ka-bonding natin dito sa studio,” bulalas ni Maine Mendoza.
Sabi naman ni Joey de Leon, “Mga kaibigan, huwag nating kalimutan. Dito pa rin kami sa studio 4 ng TV5 Media Center, Reliance Street po sa Mandaluyong, para sa isang libo’t isang tuwa na mag-aapatnapu’t anim na taon na ngayong 2025!”
Noong paglipat ng Eat Bulaga sa TV5, nahahalata naman talagang maliit ang studio na malapit ang stage sa audience.
Napapabalita noon na ililipat daw sila sa Meralco Theater para mas malaki at ma-accommodate ang maraming gustong manood sa studio. Pero hindi raw totoo iyun.
Ngayon ay kitang-kita ang laki at nagagawa na ngang tumakbo ni Ryan Agoncillio nang mahaba-haba sa studio.
“Kitang-kita na po namin ang ganda ng studio, parang ang luwag-luwag. Mas lumaki!” sabi ni Jose Manalo na nasa isang barangay sila sa Pasig City.
Nilinaw na rin ni Vic Sotto na ni-renovate ang kanilang studio, pero hindi sila lumipat.
Ang saya nilang lahat dahil na rin sa box-office success ng The Kingdom ni Bossing Vic.
Nagbiro na rin ang comedian/TV host na magbabago na raw siya ng career. Gusto na raw niyang maging drama actor, dahil maganda naman ang malaking pagbabago na ginawa niya sa The Kingdom na kung saan hindi talaga siya nagpatawa rito.
Ngayong nasa 46th year na ang Eat Bulaga, lalong nagpursige ang TVJ dahil noon pa man ay sinasabi nilang ang gusto lang talaga nila ay maabot nila ang 50th anniversary ng longest-running noontime show.
NOEL FERRER
Tiyak na excited ang It’s Showtime sa pagpasok ng 2025 kung saan ay patuloy pa rin silang mapapanood sa GMA-7.
Tinanong namin si Atty. Annette Gozon-Valdes noong Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival (MMFF) kung nagkapirmahan na sila ng renewal.
Ngayong buwan daw ng Enero 2025 ang contract-signing para ma-announce na rin ang pananatili ng It’s Showtime sa Kapuso network.
Hindi lang niya sinagot kung ilang taon ang napagkasunduan nila.
JERRY OLEA
Topgrosser sa 50th MMFF ang And The Breadwinner Is… na bida ang main host ng It’s Showtime na si Vice Ganda, kasama sina Jhong Hilario, Kulot, at Argus.
Bukas, Enero 2, Huwebes ay matutunghayan ang And The Breadwinner Is… sa tatlong GV cinemas sa Singapore — GV Plaza, GV Paya Lebar, at GV Yishun.
Pinost iyan sa Facebook ng The IdeaFirst Company at ABS-CBN Film Produnctions, Inc. (Star Cinema), na co-producers ng movies.
Magsanib-puwersa kaya muli ang dalawang produksyon para sa next movie ni Vice?
DAPAT!!!
Post ni Vice sa X (dating Twitter) noong Disyembre 30, 2024, Lunes nang hapon, “Maraming nagtatanong kung bakit maraming pumipila sa mga pelikula ko lalo na tuwing Pasko. Ito po ang sagot.
“Dahil po ako at ang masa ay may ugnayan. May relasyon. Nagkakaunawaan kami. Nagmamahalan. Iisa ang lenggwahe namin. Iisa ang pulso. Nagkakaintindihan.
“Kaya’t di namin iniiwan ang isa’t isa anuman ang mangyari. Yan ang karangalan na patuloy kong tinatanggap mula sa kanila noon pa man hanggang ngayon. Karangalang di lang pang isang gabi. Pangmatagalan.
“Yan din ang dahilan kung bakit maraming nakarelate sa #AndTheBreadwinnerIs. Dahil totoong istorya nila ito. Kwento ng aming mga pamilya.
“Masa ang nagbibigay sakin ng tagumpay. Sila ang pamilya ko. Kaya sa masa labis labis ang pagmamahal at pasasalamat ko!”

Pumapangalawa sa And The Breadwinner Is… sa takilya ng 50th MMFF ang The Kingdom, kung saan bida si Vic Sotto na isa sa main hosts ng Eat Bulaga.
Co-stars ni Vic sa movie sina Piolo Pascual, Sid Lucero, Sue Ramirez, Ruby Ruiz, at Cristine Reyes.
Ang role dito ni Cristine ay naikukumpara sa ginampanan niya sa pelikulang Maid in Malacañang (2022), sa direksyon ni Darryl Yap.
Ang bagong movie ni Direk Darryl ay The Rapists of Pepsi Paloma, na ang teaser ay pinamagatang “Laban o Bawi” at ilalathala online ng VinCentiments umpisa Enero 1, Miyerkules ng 5:00 P.M.
Kabilang sa cast ng The Rapists of Pepsi Paloma sina Gina Alajar bilang Charito Solis (na nakatrabaho ni Vic sa Okay Ka, Fairy Ko), Shamaine Centenera-Buencamino bilang ina ni Pepsi, Mon Confiado bilang Dr. Rey de la Cruz, at Andres Balano Jr. bilang Richie D’Horsie.

Post ni Direk Darryl sa Facebook nitong Disyembre 31, Martes, “FAQs
“1. ididiin mo ba ang TVJ? - Kung Ano lang ang nangyari, kung ano ang published at with Evidentiary Support, yun lang ang ipapakita sa Pelikula. Hindi tungkol sa TVJ ang Pelikula. Tungkol kay Pepsi.
“2. rapists? di ba inurong ni Pepsi ang kaso? - Ako o ang prod ko ba ang nagsasabi na ang title ay TVJ, kayo lang yan. Hindi tungkol sa TVJ ang Pelikula. Tungkol kay Pepsi.
“3. lalabas po ba ang karakters ng TVJ sa pelikula? - Oo, pero Hindi tungkol sa TVJ ang Pelikula. Tungkol kay Pepsi.
“Maraming Salamat.”
May kasunod agad na FB post si Direk Darryl sa huling araw ng 2024, “ang THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA ay hindi produced ng mga Jalosjos (Kaaway ng TVJ) o ng mga Discaya (Kalaban ni Vico);
“hindi ako padidikta sa pelikulang pangarap gawin ng bawat Batang Gapo, hindi pulitikal ang pelikulang tungkol sa kababayan ko.
“Wala akong pake sa mga drama nila.
“pero kung pakiramdam nila eh pabor sa kanila ang paglalahad ko ng buong kwento— at gusto nila akong bigyan ng pera— SINO BA NAMAN AKO PARA TUMANGGI?! Hindi ako mapagmalaking tao. Hindi ako mapride.
“Tag nyo nga.”
