JERRY OLEA
Kapag sinabing Cooky Chua ng Color It Red, matic na naiisip ko ang kantang "Paglisan" (1994).
Noong Marso 1995 na bibitayin si Flor Contemplacion sa Singapore, paulit-ulit yung pinatutugtog sa himpapawid.
Humahaplos at kumukurot sa puso at kaluluwa ang lyrics ng kanta, lalo na yung chorus: “Kung ang lahat ay may katapusan / Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan / At sa iyong paglisan / Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig”
Sa mediacon ng Frontmen & Rock Chix concert noong Enero 10, 2025, Biyernes ng hapon sa Borro restaurant sa Sct. Bortomeo St., Quezon City, nagulat ako sa ipinagtapat ni Cooky kaugnay sa nasabing awit.
Ani Cooky, “Mas may newfound appreciation ako. Dati parang nagkaroon ng time, inis na inis na akong kantahin yung 'Paglisan.'
“Yun na naman?!’ Lalo na pag may bago kaming album, and then magtu-tour 'tapos ang nire-request, 'Paglisan.'
“Parang, ‘Makinig naman kayo ng ibang kanta namin!’
"Pati sa TV show, di ba? Magpo-promote ka ng bagong song, hindi na naman papayag. Kailangan kantahin.
“Pero recently, parang mas naging kinder ako and appreciative of what happened. So hindi na ako ganun kainis.”
Nasa lyrics ng "Paglisan" yung mga linyang “Di mo man silip ang langit” at “Alaala mo ay nakaukit sa pisngi ng langit.”
Binigyan iyon ng ibang connotation, na kesyo there’s something sensual or ecstatic about the song.
Ano ba talaga ang ibig ipahiwatig ng nasabing awit?
Napangiting tugon ni Cooky, “Actually in any song naman, siyempre, nasa basa naman ng audience yan. Ganyan ang kagandahan ng music. Depende sa interpretation ng nakikinig.
“Pero sinulat talaga siya, yung lyrics ni Barbi because, ahhh... namatay yung father nung manager namin that time.
“And then nasulat niya yun, and then binigay niya, ginawan ng music ni Mike Villegas. So death talaga.
Ang mga tinutukoy niyang gumawa ng kanta ay sina Barbi Cristi na rhythm guitarist ng Color It Red at ang dati rin nilang miyembro at kilalang session guitarist na si Mike Villegas.
Patuloy ni Cooky, “Pero nung sumikat siya, parang akala ng marami, tungkol sa love life na iniwan. Na ikinatuwa din namin.
“Kasi as I said, depende naman sa interpretation nung nakikinig. Ganun ka-open para sa akin yun.”
NOEL FERRER
Never namatay ang passion ni Cooky Chua sa pagkanta, bukod sa mga kanta ng rock band na Color It Red, nag-venture din siya sa jazz at standards.
“Mahilig talaga akong kumanta ng old songs. So nai-ignite siya. Ang talagang in love ako, sa mga lumang kanta,” sabi ni Cooky.
“Hindi naman talaga sa ’90s. Tinuruan lang ako ng mga kabanda ko pero mas gusto ko yung mas luma, mga ’40s, ’50s.
“So spare time ko, nagre-regular ako sa mga hotels or mga lounges. Ang mahirap lang dun, kailangan kong mag-gown. Pero yung songs talaga, mahilig talaga ako sa old songs.
“On the side, since hindi yata talaga naniniwala ang marami na hindi talaga lucrative ang pagbabanda, so meron akong day job.
“I have a day job for 12 years now na part-time, sa data. Data management…”
Siyanga pala, kasama ni Cooky sina Wency Cornejo ng AfterImage, Naldy Padilla ng Orient Pearl, at Lei Bautista ng Prettier Than Pink sa concert na Frontmen & Rock Chix na gaganapin sa Enero 25, 2025, Sabado ng gabi sa Music Museum, Greenhills, San Juan City.
Ang halaga ng tiket ay P4500 (orchestra center), P2500 (orchestra side), at P1500 (balcony). Mabibili ang tiket sa Ticket World at Ticket 1 branches.

GORGY RULA
Noon pa man, kapag nagpe-perform si Cooky Chua, kapansin-pansin na napi-feel niya nang sobra ang kinakanta niya.
Kuwento ni Cooky, “Ang tendency ko kasi nung bata ako, sobra-sobra siya to the point na naiiyak ako sa stage.
“Parang nahihiya ako malait na mala-Imelda Papin. 'Tapos nahahawa ko yung best friend ko, si Barbi. Kasi super-best friend ko yun.
“Pag umiyak na ako, may problema ako—nakikita ko, umiiyak na rin yun! So, may campus show kami na hindi ko natapos yung kanta.
“Siguro as I age, andoon pa rin yung lalim ng pakiramdam pero mas mentally prepared na ako na kaya ko nang mag-perform.”
Singit ni Lei Bautista, “Mentally stable.” Sabat ni Cooky, “Pero hindi pa rin totally. Ha-ha-ha! Parang mas, ahhh... kunwari, hindi na ako iinom ng ganun katindi kung meron akong dinaranas para hindi ko naman…”
Hirit ni Naldy Padilla, “Bakit ba sinisisi nyo lagi ang alak?! Wala namang kasalanan yung alak! Ha-ha-ha-ha!”
Pagpapatuloy ni Cooky, “Parang hindi na siya ganun ka… parang mas kaya ko na siyang i-handle nang mentally pero andoon pa rin yung mas huhugutin mo yung lalim pero hindi ka na magkakalat onstage.
“Mas nako-concern na ako sa audience as I age. Parang mas nahihiya na ako. Hindi katulad noon na talagang rock and roll!”
