GORGY RULA
Ayon sa nakalap na impormasyon ng PEP Troika mula sa ilang reliable source, ang total gross daw na nalikom sa buong panahon ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) ay umabot ng halos PHP770 million.
Pero hindi pa official iyan.
Mas mabuting hintayin na lang natin kung ano ang official announcement ng mga taga-MMFF.
Read: MMFF 2024, ma-achieve kaya ang PHP800M target sa box office?
Ayon sa nakausap naming ilang producers na may entry sa MMFF 2024, baka tatlo o hanggang apat na pelikula lang ang bahagyang kumita o baka break-even lang.
Ang iba ay talagang lugi at malabo nang makabawi kahit mabenta pa nila ang TV rights at streaming service kagaya ng Netflix.
May ilang producers na nagbabakasakaling mai-release sa ibang bansa ang kanilang pelikula, para kahit paano ay mabawas-bawasan ang pagkalugi nila.
Nakipag-meeting ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) at ilang movie producers sa Department of Trade and Industry (DTI) na tutulong ibenta ang local films sa international market.
MMFF 2024 BOX-OFFICE WINNERS
Ibinalita ng mga taga-And The Breadwinner Is… na naka-PHP400M sila sa kabuuan ng filmfest.
Puwede talaga silang kumita dahil may mga screening pa sila sa iba’t ibang bansa, at meron pang streaming kagaya ng Netflix.

Pumangalawa ang Green Bones, na mukhang kumita rin dahil nakikita naman sa pelikulang hindi ito gaanong magastos.
Nakatipid pa sila sa promo dahil meron silang malakas na TV network, ang GMA-7.

Pumangatlo ang The Kingdom, na mukhang naglabas ng malaki-laking production cost. Pero baka makabawi pa sila.

Itong tatlong pelikula lang din ang nakikita nating may trailer sa telebisyon dahil meron silang TV network.
HIGH PRODUCTION COST
Nakausap namin ang ilang production staff ng ilang pelikulang kalahok sa MMFF 2024.
Ayon sa kanila, ang isa sa nagpalaki ng kanilang production cost ay ang pagsunod sa ipinatutupad na Eddie Garcia Law.
Read: President Ferdinand Marcos Jr. signs Eddie Garcia Law
Nadodoble raw sila ng shooting days dahil limitado lang ang working hours ng mga artista at production staff.
Hindi raw biro ang nagagastos bawat shooting day, kaya napapalaki ang production cost.
Tumaas nga ang presyo ng ticket sa sinehan, pero ang dami namang kaltas, lalo na yung mga kasali sa MMFF.
Napagtanto raw ng ilang film producers, sa susunod ay magtitipid sila sa budget na magagawa lamang kung simpleng kuwento, simpleng pelikula na hindi nagre-require ng special effects, magastos na production design, etc., etc.
Naiisip na raw ng ibang producers na magbawas sa paggawa ng pelikula o kaya'y magtipid nang husto para hindi ganoon kalaki ang malulugi kung hindi ito maghi-hit sa takilya.
Isa lamang ito sa masakit na katotohanang nakalap natin pagkatapos ng 50th Metro Manila Film Festival.
Read: MMFF 2024: Breadwinner, highest earner; Green Bones, pumangalawa
JERRY OLEA
Naka-P1.2B ang 49th MMFF, kung saan ipinalabas ang sampung official entries sa 800+ cinemas nationwide.
Sa golden edition ng MMFF, sampu muli ang kalahok.
Nadagdagan ang mga sinehan, sabi’y 900+.
Pero hindi kinabog ng 50th MMFF ang MMFF 2023.
Ang target na kabuuang gross ng MMFF 2024 ay PHP800M.
May mga nagsasabing naabot iyon, meron ding mga nagsasabing hindi.
The fact remains na hindi iyon naka-PHP1B.
Read: MMFF 2024 extended hanggang January 14, 2025
WHY MMFF 2024 DID NOT SURPASS MMFF 2023'S BOX-OFFICE GROSS
Maraming dahilan o factors kung bakit ganoon lang ang kinita ng MMFF 2024, kahit ang gaganda at matitino lahat ng sampung entries.
Iyong Rewind na topgrosser ng 49th MMFF ay napaka-commercial ng pagkagawa. Nagpaiyak sa maraming manonood, and at the same time nakapagpagaan ng kanilang kalooban.
Pila-pila ang moviegoers sa Rewind sa first day pa lang ng filmfest. Araw-araw, pinipilahan ang DongYan movie.

Iyong tatlong topgrossers ng MMFF 2024 — And The Breadwinnner Is…, Green Bones, at The Kingdom — pawang drama rin kung saan ang bida ay nategi.
Si Vice Ganda sa And The Breadwinnner Is…, si Dennis Trillo sa Green Bones, at si Vic Sotto sa The Kingdom.
Hindi kasing-commercial ng Rewind ang pagkakabuo ng mga pelikulang iyon.
Noong Nobyembre 13, 2024 ay nag-showing ang KathDen reunion movie na Hello, Love, Again.
Pinilahan iyon ng moviegoers, at iyon nga ang pinakamalakas na pelikulang Pinoy sa kasaysayan (hindi adjusted sa inflation).

Bago ang Kapaskuhan ay may tentpole films ng Hollywood na rumatsada rin sa perlas ng silanganan.
Nobyembre 20, 2024 ipinalabas sa local cinemas ang Wicked.
Nobyembre 27 rumatsada ang Moana 2.
Disyembre 4 umariba ang Gladiator II.
Disyembre 18 nagpaandar ang Mufasa: The Lion King.
Iyong second season ng Squid Game, nag-umpisang mag-streaming noong Disyembre 26.
Iyong siyam sa sampung kalahok sa MMFF 2023, nag-streaming afterwards sa Netflix o Amazon Prime Video.
Baka napag-isip-isip ng iba na hintayin na lang mag-streaming ang mga pelikulang iyon.
Marami namang ibang magagandang palabas na puwedeng panoorin online for the meantime.
Sa Netflix pa lang, andiyan nga ang Squid Game at mga seryeng When The Phone Rings, La Palma, at When The Starts Gossip.
Andiyan din ang mga pelikulang Carry-On, Scream, Meg 2: The Trench, It Ends With Us, The Intruder, Ad Vitam, Knock at the Cabin, at The Secret Life of Pets 2.
NOEL FERRER
Nakausap ng PEP Troika si Senator Bong Revilla nung Huwebes, January 16, sa 50th birthday at book launch ng librong Tapatan ni Ka Tunying na ginanap sa Solaire North, Quezon City.
Ayon kay Senator Bong, naiintindihan niya ang nararamdaman ng movie producers dahil isa rin siya sa nagpo-produce ng pelikula at TV show.
Ang latest nga ay ang action-comedy series niyang Tolome, Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis na umeere sa GMA-7
Isa raw siya sa nag-push maipasa ang Eddie Garcia Law, pero nakikita niyang maaring mahihirapan dito ang producers.
Read: Leo Martinez slams Eddie Garcia Bill
Saad ni Bong, “Siyempre ako… producers din kami, nag-take side ako on the other side. Pero ginawa namin yun, sinunod namin yung Eddie Garcia Law.
“Katulad nung paggawa namin nung Tolome sa telebisyon, nag-co-prod with GMA at saka Imus Productions.
“Pero nakita talaga namin na medyo mahirap… magdadagdag ka talaga ng additional cost sa production. Medyo mabigat talaga.”

PRODUCERS MAY ASK FOR RECONSIDERATION
Kaya ang sabi ng actor-politician, puwedeng makipag-usap sa kanila ang film producers para posibleng magkaroon ng reconsideration.
“Siyempre, titingnan din natin yung epekto nito. So, let’s see.
"Kung talagang hirap din yung mga producers, baka meron tayong puwedeng i-reconsider, or puwede silang umapela sa amin sa Senate at sa House para kung ano ba talaga yung karapat-dapat.
“Pero siyempre, marami na namang magrereklamo diyan. Ang magsa-suffer diyan, e, kung itutuloy yung pagtitipid, ang magsa-suffer diyan yung quality.
“Pero siyempre, katulad ko, hindi naman ako papayag na magsa-suffer yung proyekto ko. Kaya nga lang, medyo dagdag talaga ng ano sa cost. Naramdaman namin yun.
“Pero siyempre, naisip ko rin yung mga workers kasi subject to abuse din, e. Ayaw din nating maabuso yung mga workers natin.
“Kailangan case-to-case basis… dapat yung tama lang talaga,” pahayag ni Senator Bong.
HIGH PRICE OF MOVIE TICKETS
Pagkatapos ng 50th MMFF, maganda rin sanang magkaroon ng pagkakataong mag-usap ang film producers at iba pang stakeholders sa mga taga-gobyerno.
Idinadaing ng karamihan na mahal talaga ang ticket sa sinehan. May magagawa pa kayang solusyon dito?
Matagal na nga raw itong pinag-uusapan ng mga mambabatas, ayon kay Bong.
“Isa na siyempre yung pagtaas ng presyo sa sinehan, baka puwedeng i-consider ng mga theater owners na ibaba yung presyo ng bayad sa sine?
“Napag-usapan na namin yan... Iyon yung isang napag-usapan kung papano matulungan yung movie industry.
“Siyempre, hindi naman natin puwedeng ibaba agad. We have to consult the theater owners, producers, kung ano yung makakabuti talaga para sa kanila,” saad ni Bong.
