JERRY OLEA
Balitang-barbero na kesyo “pinormahan” ng dating Presidente Ferdinand E. Marcos (1917-1989) ang beteranang aktres na si Boots Anson Roa-Rodrigo.
“Alam mo, hindi totoo yun talaga!” bulalas ni Tita Boots sa mediacon ng Groovin’ Boots concert nitong Enero 21, 2025, Martes ng hapon, sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City.
“Tsismis talaga yon. In fact, in one of the events — kasama si Mrs. [Imelda] Marcos, 'no — kami, kasama ang ilang artista, ‘Sir! Sir! Picture-taking! Picture-taking!’
“Sinabi niya sa amin, ‘Naku, huwag na kayong mag-picture-taking sa akin. Matsitsismis na naman kayo!’”
Read: Boots Anson Roa-Rodrigo recalls being bashed for starring in “bold” movies
Ang retro-concert na Groovin’ Boots ay isa sa tatlong pasabog ni Tita Boots kaugnay sa ika-80 kaarawan niya sa Enero 30.
Sa mismong kaarawan niya ay merong grand family reunion.
Sa Enero 31 iyong Groovin’ Boots concert sa Music Museum sa Greenhills, tampok sina Leah Navarro, Ding Mercado, Ray An Fuentes, at Pat Castillo.
Panauhin sina Mitch Valdes at Nanette Inventor.

At sa Marso, book launch ng biography niyang Grateful.
“Malaking okasyon yung maging ochenta, di ba?” nakangiting sambit ni Tita Boots.
“Hindi lang iisa yung selebrasyon ng pagka-ochenta. Threefold ito. Una, yung birthday. My children are all coming home from Virginia [USA].
“Mga kapatid ko, mga pinsan ko. So grand reunion.
"Kasi ako yung pinakamatanda sa pamilya ngayon, e. Kaya they’re all coming. And then, yun nga, that’s January 30.
“Sa 31 naman, meron kaming retro concert ng ‘70s, ‘80s and ‘90s.”
RETRO CONCERT ON BOOTS' 80TH BIRTHDAY
Kauuwi lang ni Ray An mula sa Toronto, Canada, para sa retro concert.
Paano iyon nabuo? Sino ang nag-conceptualize?
“Alam mo, kaibigan ko si Anna Ylagan, yung ating line producer dito. Si Anna, showbiz din yan,” lahad ni Tita Boots.
“Ang nanay niyan, si Barbara Perez. At ang tatay niya, si Robert Arevalo. Tapos kasama din namin sa production si Jackie Aquino na anak naman ni Butz Aquino.
“Kaya showbiz na showbiz din lahat ang pedigree ng mga iyan. And I saw a production of Anna, natuwa ako, e. Kasi napaka-successful at saka napaka-appealing sa audience.
“So naisip ko, teka, since hindi matutuloy yung… kasi, kami nina Perci Intalan, early last year, meron na kaming pinag-uusapan na production.
“So, walang mahanap na material na akma, o hindi available yung artista. Maraming mga preventives kumbaga.
“So naisip ko, dito na muna ako. Parang something to enter into, and showbiz din naman. So inisip ko, pasukin ito.
“Pangatlo, yung libro ko, finally after ten years. Ha! Ha! Ha! Mumultuhin na ako ng tatay ni Gary Valenciano. Pinsan yun ng father ko, e.
“Dahil siya ang nagpasimuno niyan. E, namatay na! So sabi ko, sa deathbed niya, ‘Naku, Tito Vic, itutuloy ko ito kahit anong mangyari.’ So yun na iyon.”
Beneficiary sa tatlong birthday pasabog ni Tita Boots ang Mowelfund (Movie Workers Welfare Foundation), kung saan siya ang chairperson.
Ang president at CEO ng Mowelfund ay si Rez Cortez, samantalang ang founder ay si dating Presidente Joseph “Erap” Estrada.
Read: Boots Anson Roa-Rodrigo ibinahagi ang highlights ng kanyang buhay
GORGY RULA
Panay-panay ang pasasalamat ni Boots Anson Roa-Rodrigo sa pagiging octogenarian.
“Yung book, ang title niyan, Grateful, which is the title also of my birthday celebration, Grateful at 80,” sabi ni Tita Boots.
“Itong aming concert, e, thank you for the music. It’s all about thank you’s.
“Yung libro is a biography... from beginning to the present, pero magko-contribute ako ng mga essays ko.”
Iyong retro-concert, meron bang tema, o glimpses sa buhay ni Tita Boots?
“Hindi naman necessary pero ang naisipan ni Anna saka ni Jackie, ang gawin nilang title, Groovin’ Boots.
“Sabi ko nga, ‘Teka, matanda na ako, baka hindi na bagay ang Groovin.’ Kasi, they want to start a series ng mga Groovin’ and ito yung pasimuno.
“And tamang-tama naman kasi those were the years na talagang alam na alam ko yung mga music na yon. So I hope everybody will enjoy.”
May special participation ba siya sa retro concert? Sasayaw ba siya?
“Ang plano nila, sa ending, kasi nga birthday ko, maglalabas yata sila ng cake. Or maglalabas ng bulaklak, so tatawagin ako,” tugon ni Tita Boots.
“And then I’ll call the kids siguro and my children para umakyat sa stage. Tapos may mga inimbita rin kaming kaibigan from showbiz.
“E, di kung mahatak sa itaas tapos sasayaw kami ng 'Celebration.'”
REUNION WITH ERAP
Invited ba sa birthday concert ni Tita Boots ang mga naging leading man niya, kabilang ang 78-anyos na si Dante Rivero at 87-anyos na si Joseph “Erap” Estrada?
“Oo naman. Si Erap, I don’t know if his health will allow him. Pero nabanggit ko kay Senator Jinggoy [Estrada].”
Nagkita at nagkausap sila ni Erap sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal noong Disyembre 27 sa grand ballroom ng Solaire Resort sa Parañaque City.

“Oo, magkatabi kami, yeah. It was a nice reunion. Pero nakakatuwa, e. Nakilala niya ako pero ang natandaan niya, si Pete, yung late husband ko,” kuwento ni Tita Boots.
“Kasi yun ang barkada niya, si Pete. So yun ang natandaan niya nung sinabi sa akin, ‘Long time no see! Kumusta si Pete?’”
Ano ang isinagot niya?
“Alam mo kasi, ninong namin siya ni King when we got married. Ninong namin siya, e. So parati kaming nagmamano,” pagtatapat ni Tita Boots.
Wala na sa isip ni Erap na si Francisco “King” Rodrigo Jr. na ang asawa ni Tita Boots mula 2014.
Si Pete Roa ay noong 2007 pa pumanaw.
Dagdag ni Tita Boots, “Ang na-associate niya, ako with Pete.”
Read: Boots Anson Roa-Rodrigo experiences memory block for the first time in her acting career
NOEL FERRER
How to be you, Tita Boots, na at 80 ay ganoon kaganda, kasaya, at kapayapa ang buhay?
At katulad ng mga guests sa concert niya, ang sabi ay ipinakita ni Tita Boots na at 80, puwede ka pang mabigyan ng ikalawang glorya ng walang hanggang pag-ibig.
Kaya naman, she is worthy of our support and love.
Ang mga ginagawa niya ngayon ay lagpas na sa kanyang sarili.
Binibiyayaan siya dahil isa siyang biyaya sa mga kasamahan niya sa industriya thru MOWELFUND kung saan iginugol niya lahat ng kanyang panahon at resources na tulungan.
Happy 80th birthday, Tita Boots, at mahal na mahal namin kayo!!!
