JERRY OLEA
Dating alcoholic si Paolo, ang karakter na ginampanan ni JM de Guzman sa pelikulang Paquil na idinirek ni Lem Lorca.
“Recovering alcoholic. 'Tapos umaasa siya sa milagro ng Pakil,” lahad ni JM noong Pebrero 6, 2025, Huwebes, sa Max’s restaurant ng SM Megamall, Mandaluyong City.
Naka-enshrine sa San Pedro de Alcantara parish church ng Pakil, Laguna, ang milagrosang Nuestra Señora de los Dolores de Turumba.
Pagpapatuloy ni JM, “Parang na-heal siya. Ahhh... naging OK siya. 'Tapos nakilala niya roon si Christina, which is the role Beauty Gonzalez.
“And bakit ako nag-yes [sa project], dahil maganda yung istorya, maganda yung karakter, nakaka-relate ako.
“And dun sa mga taong makakatrabaho ko. Sina Beauty, sina Direk Lem, Miss Yayo [Aguila], mga nakatrabaho ko na before. Kasi sila, sobrang sarap nilang katrabaho.”
Hanggang ngayon ba, may mga kailangan pang maghilom sa kanyang personal na buhay?
“Ahhmm... medyo healed na naman ako. Pero siyempre, ayokong maging mayabang, ayokong maging arogante,” pag-amin ni JM.
“Na meron pa ring mga tukso. Meron pa ring minsan mahina ka. Minsan gigising ka sa umaga, hindi ka ganun kalakas.
“So andiyan pa rin yung support system ko. May spiritual adviser ako. May dalawang psychiatrist ako.
“Bumabalik ako sa rehabilitation facility ko para mag-reground, para kumausap ng mga counselors. Lagi yan, lagi. Every month.
“Meron akong mga session sa kanila. And yun, para hindi na ako mag-fall back dun sa same na nangyayari sa akin before.”

NOEL FERRER
Base sa online posts ni JM, napaka-supportive sa kanya ng girlfriend na si Donnalyn Bartolome.
“Laking tulong po niya sa akin! Sobra! Si Donnalyn. As in sobrang happy ako and proud na naging parte siya ng buhay ko,” sambit ni JM.
“Sa recovery ko, bilang tao, grabe siyang magmahal. Grabe siyang mag-alaga bilang tao, bilang anak. Basta saludo ako sa kanya. Idol ko siya.”
Noong Sabado ay kao-open lang ng franchise ni JM para sa isang coffee shop sa Greenhills, San Juan City.
“Tinulungan ako ni Donnalyn,” pakli ni JM.
Second Valentine’s Day together na nina Donnalyn at JM sa Pebrero 14. Ano ang nakita niya kay Donnalyn para ma-in love siya rito?
“Nakita niya kasi ako at my lowest, e — mentally, physically, spiritually — na parang nawawalan na ako ng…" pagbuntong-hininga ni JM.

“Alam mo, yung isang bagay na hindi mo magugustuhan sa isang lalaki, naipakita ko sa kanya.
“Yung parang walang motivation, walang goals, walang preparations, walang inspiration, and et cetera. “
Tinanggap niya ako. Parang minahal niya ako. So parang, sa akin, parang… ilang beses akong bumagsak sa buhay ko, lahat ng tao halos, nawawala.
“Yung mga taong sinasabi sa akin, love ako, nawawala. Pero siya, nung nakita niya akong ganun, hindi niya ako iniwan.
“So parang yun ang laging naka-instill sa utak ko. And tini-treasure ko talaga ang mga taong ganun. Marami rin naman sila na hindi nawala sa akin.”
Nasa punto na ba siya ng buhay na ready na siyang mag-settle down? O may mga kailangan pang isaayos?
“Preparation na lang siguro. Pero kung ako ang tatanungin, gusto ko na rin,” saad ni JM.
GORGY RULA
Paulo ang pangalan ng recovering addict na ginampanan ni JM sa pelikulang Adik Sa’Yo (2023) katambal si Cindy Miranda sa direksyon ni Nuel Naval.
Hindi siya takot gumanap sa papel na malapit sa totoong buhay niya? Bakit?
“Takot din. Kasi siyempre as much as possible, gusto ko nang malayo sa personal life ko yung trabaho ko,” sagot ni JM.
“Ayoko ng may konek pa sa past ko yung mga nagiging roles ko. Pero siyempre, as a storyteller, as an actor, parang duty ko rin ma mag-tell ng story ng isang recovering.
“Magpakita ng istorya o mag-portray ng isang karakter na nagdaan dun sa sitwasyon na yun.
“Kung sakaling mapanood ng iba, ma-inspire din silang… parang merong ilaw sa family, or something like that.”
Naging advocacy na niya na gampanan ang mga ganoong klase ng karakter na malapit sa pinagdaanan niya?
Tumango si JM, “Opo, parang newfound purpose po ba. Parang ganun. Advocacy na rin. Medyo against kasi ako sa pagpatay sa mga nagkaroon ng past, or addicts.
“Naniniwala pa rin ako na may hope. Naniniwala ako na nagagamot ang isang tao as long as there’s love from the family, there’s love from God.
“Naitutuwid yan. Hindi dapat ine-end.”
Saan pumapasok ang faith sa mga pagsubok niya sa buhay?
“Ako naman po, I always put God first in everything I do especially sa craft ko. I offer everything to Him before I do anything,” sabi ni JM.
“Hindi po nawawala yung Diyos sa akin. Pero sa mga pagkakamali ko, alam ko, nandoon pa rin Siya, nagbabantay.
“Pero may gusto lang Siyang ituro sa akin para palakasin ako bilang isang tao.”
Palabas ang Paquil sa mga sinehan umpisa Pebrero 12, Miyerkules.
Maliban kina JM, Beauty, at Yayo, nasa cast ng movie sina Lilet Esteban, Leandro Baldemor, Kych Minemoto, Lui Manansala, Arnold Reyes, Lou Veloso, Joel Saracho, at Iyah Mina.
Introducing dito ang daughter ni Beauty Gonzalez na si Olivia Crisologo.
