JERRY OLEA
Tatlong beses nang napanood ni Rocco Nacino ang pelikulang Bansa (Motherland) na pinagbidahan niya, sa direksiyon ni Brillante Mendoza.
Nakadalawang screening ito sa 29th Busan International Film Festival sa South Korea noong Oktubre 2024.
Read: Rocco Nacino almost fell prey to online scammer who he thought was Gabby Eigenmann
“Noong inalok sa akin na maka-attend sa Busan, e, grinab ko na yung opportunity na makasama,” sambit ni Rocco nang mainterbyu ng PEP Troika matapos ang private screening ng Bansa (Motherland) noong Pebrero 23, 2025, Linggo ng gabi, sa The Secret Garden, Busilak St., Mandaluyong City.
“First time kong maka-experience ng film festival outside the country.”

ROCCO NACINO'S BREAKDOWN SCENE
Gumanap sa pelikula si Rocco bilang Dao-ayen, isa sa mga Ifugao na member ng PNP-SAF (Philippine National Police-Special Action Force) na ang misyon ay i-eliminate ang teroristang si Marwan noong Enero 25, 2015.
Anong naramdaman ni Rocco noong una niyang napanood ang Bansa (Motherland)?
“Iyak ako! First time kong napanood doon sa festival. Iyak ako,” pagtatapat ni Rocco.
“Kasi medyo binuhos ko… nakita niyo naman, hindi rin biro ang tumakbo nang nakapaa lang, e.
“Saka a lot of times, lalo na yung breakdown eksena na halos mamulikat ako kaaano. Kasi deprived na deprived si Dao-ayen.
“So medyo whole day, halos hindi ako umiinom ng tubig para maramdaman ko yung pagod talaga.
“Uhaw. Walang tumutulong sa akin. May kasama akong P.A. [production assistant] pero tinanggihan ko kahit ano—tubig, kape, pagkain—para doon sa eksenang yun.
“Kaya yung dulo, medyo nasuka-suka na ako. Kasi nagha-hyperventilate na.”
Kumusta nang mapanood muli ni Rocco ang breakdown scene niya sa private screening last Sunday?
“Sabi ko, ‘Ay! Napanood ko na! OK na, magtetelepono na ako.’ Pero pinapawisan ako sa eksena. Ha! Ha! Ha!” paghalakhak ni Rocco.
“Sabi ko naman sa Korean audience na nakakapagod siyang panoorin and hindi siya exaggerated. Kasi totoong nangyari.
“So this is talaga yung tribute natin sa kanila. Pero kung na-stress tayo sa pagnood, ano pa yung nandun sila, 'no? Di ba?
“Yung tatlong oras, akala nila, may ceasefire. Pero wala.”
ROCCO'S REALIZATIONS
Ano ang na-realize niya matapos gawin ang Bansa (Motherland)?
Natigilan sandali si Rocco bago sumagot, “Yung marami pa tayong kailangang ayusin kumbaga. Yung communication, yung chain of command natin.
“It’s a long path para sa Pilipinas. Pero andun pa rin yung tsansa. Andun yung opportunity para umunlad tayo.”
Nakaka-disappoint?
Umiling si Rocco, “Hindi, e. Ako, naniniwala ako, bago ka makarating sa greatness, kailangan maranasan mo yung pinakababang-baba.
“So yung mga ganitong... kahit may nasawi, may nagbuwis ng buhay, hopefully magbigay-daan for a more productive Philippines in the future.”
Forty-four members ng PNP-SAF ang malagim na nasawi dahil sa engkuwentrong iyon na nangyari sa Mamasapano, Maguindanao.
Read: Kris Aquino thankful to President Duterte for absolving Noynoy Aquino in SAF 44 case
NOEL FERRER
Base sa totoong tao iyong Dao-ayen character ni Rocco Nacino sa Bansa (Motherland). Ito ang SAF member na nakaligtas sa masaker sa Mamasapano.
“Maraming hindi nakakaalam na may nabuhay pala. Na yun nga, nabuhay dahil lang sa isang ano yun, kawayan ba yun?” pahayag ni Rocco.
“Bamboo. Doon lang siya nakahinga [habang nagpapaanod sa ilog].”
Nakausap ba niya ito?
“Sa totoo lang, hindi na rin daw siya nagpapakita. Ayaw na raw niyang magpakita o magpainterbyu kahit kanino,” pagsisiwalat ni Rocco.
“I wanted to [talk to him]. Kasi gusto kong makuha yung mga… ilapit yung sa kuwento niya, e. Hindi naman puwede.
“Si Miss Honey [Alipio, scriptwriter], nakausap niya. Pero ayaw niyang maalala. Alam ko, nakausap niya si Miss Honey. Pero nung ako na, ayaw niya.
“Meron siyang PTSD, post-traumatic stress disorder. So understandable. Hindi na ako nangulit after.”
Pinagbuhusan ni Rocco ng pawis at panahon ang pelikula.
“E, sabi ko, yung mga ganitong proyekto, game na game ako, e. For the longest time, puro teleserye ang ginagawa ko!” natatawang sabi ni Rocco.
“And naghahanap talaga ako ng pelikula. So noong nagawa ko ito, talagang binigay ko na lahat.”
Read: Rocco Nacino says he's not a "praning" dad
GORGY RULA
May kamag-anak si Rocco Nacino na kabilang sa SAF 44, at ginampanan niya ang kuwento nito sa Magpakailanman episode na "The Nicky Nacino Story."

Nag-post pa si Rocco sa Instagram noong Abril 7, 2015 ng litrato na may caption, "Happening today.. Finally taping for Magpakailanman. Para sa iyo ito, P02 Nicky Nacino. I salute you! Abangan"
View this post on Instagram
Gumanap si Kris Bernal bilang misis ni Nicky sa nasabing episode.
Sabi ni Rocco, “Nung pinapatay na si Marwan, nung may nabaril, kamag-anak ko yung dumampot sa kanya.
“Nung sini-save yung binaril, dun siya nabaril sa ulo.”
Bale fourth cousin ni Rocco si Nicky.
Saad ni Rocco, “Nakilala ko yung asawa niya. May naiwan siyang asawa saka baby. May kaunting koneksyon pala sa akin.”
Kabilang pa sa gumanap na SAF members sa Bansa (Motherland) sina Mon Confiado, Joem Bascon, Vince Rillon, Kiko Matos, Jess Mendoza, Christian Vazquez, Jomari Angeles, JC Tan, Raion Sandoval, Ryan Mindo, Mac Mendoza, at John Paul Duray.
Nasa cast din sina Ricky Davao, Cesar Montano, Gina Alajar, Epy Quizon, Marvin Agustin, Richard Quan, Ruby Ruiz, Cataleya Surio, Richard Manabat, Mai Fanglayan, at Nikko de los Santos bilang Marwan.

