GORGY RULA
Proud si Congressman Sam Versoza sa programang Where In Manila na hino-host ng kasintahan niyang si Rhian Ramos dahil maganda ang rating ng pilot episode nito noong Sabado, March 8, 2025.
Ito ang ipinalit sa programang Dear SV ni Cong. Sam na napapanood nang late night ng Sabado.
Itong Where in Manila ay nag-feature ng iba’t ibang magagandang lugar ng Maynila, at naka-1.5% ang rating nito.
Happy sila na sa oras na iyon ay nakakuha ito ng ganung rating. Nakikita raw niyang natutuwa si Rhian sa mga nagagalugad niya sa Maynila.

Pahayag ni Cong. Sam o SV sa karamihan, “Sinasamahan ko siya sa Maynila. Ako na po yung tour guide niya sa Maynila.
“Masaya ako, siyempre, si Rhian ang host. Siyempe masaya ako, mataas yung rating. Pero yung pinaka-bonus ko dun at masaya ako, napo-promote yung lugar namin sa Maynila.
“Kahit hindi pa ho ako naluluklok bilang Mayor, nakakatulong na ako sa pagpo-promote sa lugar namin, dun sa small, micro, and medium enterprise ng Manila.
“Pati yung mga heritage sites, magagandang lugar sa Maynila. Kasi maraming mga kababayan natin, hindi alam na napakaganda ho ng Maynila,” saad ni SV nang nakatsikahan namin sila ng Frontrow co-founder at co-owner niyang si RS Francisco sa kanilang opisina noong Miyerkules, March 12.
Marami pa raw iikutin si Rhian sa Maynila na gusto niyang samahan.
“Ako nagkuwento sa kanya nun. 'Uy, merong magandang lugar na ganito. May magandang kainan dito, may magandang ganito…' [Rhian:] 'Uy, sana makapunta ako.'
“So sa kakuwentuhan namin, napunta sa show. At ngayon, siya na po yung nagkukuwento sa madla, sa mga kababayan nating nanonood,” dagdag ni SV.
JERRY OLEA
Masaya si SV na si Rhian ang partner niya dahil ang laki raw talaga ang impluwensya ng aktres sa kanya para maging isang simpleng tao.
“Simple lang si Rhian, e. Iyon ang isa sa mga nagustuhan ko sa kanya,” bulalas ni SV.
“Alam nyo kung makikila nyo siya, hindi yan ma-designer na mga bags. Kaya nga bilib ako kasi, maraming artista na matagal na sa showbiz, maraming hindi nakapag-ipon dahil inuna yung mga luho, ganyan.
“Si Rhian sabi ko, kaya pala nakapag-ipon siya, nakapag-invest, nahawakan niya nang husto ang pera niya.
“Napakasinop sa pera, sa gamit. Kaya nga ako, ang laki ng impluwensya niya sa akin. Mas naging simple ako dahil sa kanya.
“Dati kasi very extravagant kami. Nung nagkapera ka, galing kami wala, nung nagkapera ka, excited na bilhin lahat.
“Ngayon nabalik ako sa simple dahil sa kanya. Wala na. Wala ka nang kailangang i-prove sa buhay.
“Kaya natuto ako sa kanya ng kasimplehan, pagtitipid, pagka-practical basically. Hindi naman kailangan, hindi niya inaano. Kaya ako e napakagandang impluwensya sa akin si Rhian. Napakasaya ko.
“Kaya ang pinakaimportanteng gagawin mo sa buhay mo ay pipiliin mo ang partner mo.
“Kasi ito ang magiging influence mo, e. At napakasuwerte ko pa napakatalino ng partner ko.
“Siyempre hindi nakikita yun dahil ang nakikita sa kanya yung kagandahan. Pero kung nakikita mo at makikilala mo siya, mas matalino pa sa akin yun,” saad pa ni SV.
NOEL FERRER
Napapag-usapan na raw nila ang kasal, pero hindi pa raw muna sa ngayon.
“Malapit na. Tapusin ko lang yung eleksyon,” kaagad na sagot ni SV sa tanong kung kailan niya pakakasalan si Rhian.
“Siyempre, ayaw natin maging traditional politician na ginagamit yung showbiz para lang sa eleksyon. Hindi po tayo ganun at meron tayong integridad.”
Suportado ni SV ang lahat ng mga ginagawa ni Rhian. Namataan namin siya sa media conference ng pelikulang Sinagtala para sunduin ito. Pati ang iba pang nakahiligan ng aktres kagaya ng pagbe-bake ay suportado rin niya.
Niregaluhan niya ito ng malaking oven para sa baking ng kasintahan. Proud na proud siya sa cookies ni Rhian na ipinatikim nito sa nakaraang Bakery Fair 2025.
View this post on Instagram
“Talaga namang masarap at katatapos lang ng Baker’s Fair.
“Ang bango! At ang bagong luto mainit-init pa.
“Napakasarap naman kasi,” masaya niyang sambit.
