GORGY RULA
Lalong tumaas ang paggalang ni Maja Salvador sa mga nanay pagkatapos niyang isilang ang panganay nilang anak ni Rambo Nuñez sa Canada noong Mayo 31, 2024.
Noong Hunyo 1, 2024, ibinahagi ni Maja sa Instagram ang hirap na pinagdaanan niya nang iluwal si Baby Maria Reanna.
Read: Maja Salvador recalls "intense" 30-hour childbirth
Sa renewal ng kontrata niya sa Beautederm nitong Miyerkules, March 26, 2025, muling idiniin ng aktres na malaki ang paggalang niya sa mga kababaihang nagluluwal at nagbibigay ng buhay sa kanilang mga anak.
Nagbigay-pugay rin si Maja sa kanyang ina na nagluwal at nagpalaki sa kanya, at sa kanyang kapatid.
Saad ni Maja: “Ang taas na ng tingin ko sa nanay ko. Kumbaga, nung dati pa lang, saludung-saludo na ako.
"Kasi siyempre single [mother] lang siya, di ba? Tapos ginawa niya lahat para buhayin kaming magkapatid.
“Dun pa lang saludo na ako.
"Pero nung nagkaroon ako ng Maria, kung paano manganak, na-experience ko nang maging mommy, parang, 'Paano nagawa ng nanay ko tapos dalawa pa kami?'
“So, siya talaga ang tinitingala ko.”
MAJA SALVADOR'S MOTHER
Bilang isang ina, lagi raw nasa isip ni Maja ang ipinapayo ng kanyang ina.
“Laging mabuting tao ka lang, kasi yun ang makikita at makikita ng anak mo.
“Which is yung nanay ko, sobrang bait nun, sobrang bait.
"Hindi niya kasi kayang magalit. Kahit napupuno na siya, iiyak lang siya," pagbabahagi ng aktres.
Nagpapasalamat din si Maja sa close friends na nakakausap niya at ibinabahagi ang kanilang karanasan bilang nanay.
Isa na rito si Ms. Rhea Anicoche-Tan ng Beautederm. Parang kapatid na raw ang turingan nilang dalawa.
Ang laging sinasabi ni Rhea sa kanya: “Kaya ikaw, namnamin mo araw-araw, oras-oras.
"Yung mga first niya [Maria] i-record mo lahat. Yung 'mama' niya, unang lakad niya, yung ihahatid mo siya sa school.
"Walang kasinsarap maging nanay. Yun yung best na nangyari sa buhay ko, maging isang nanay.”
Magpa-five years nang endorser si Maja ng beauty company ni Rhea.
Read: Maja Salvador and Rambo Nuñez expecting baby girl

JERRY OLEA
Sabi pa ni Maja Salvador, nakita ng asawa niyang si Rambo Nuñez ang hirap niya sa panganganak.
Helpless daw noon si Rambo na hindi nito alam kung ano ang puwedeng gawin habang nagle-labor ang aktres.
“May mga ano pa nga ako kay Rambo e, ‘Pag kailangan mong mamili, yung bata, ha?’
“May ganun pa ako,” napapangiting pag-alala ni Maja.
Saad pa niya: “Hindi naging madali, pati si Rambo, yung experience namin... Na-post ko naman po, updated naman kayo sa nangyari.
"Sabi ng asawa ko, if yun nga, kung ayaw ko na raw magbuntis, okay lang, kasi nakita niya yung hirap ko.
“Yung parang ang sabi niya... si Rambo kasi yung laging parang nagagawan niya ng paraan ang lahat. Yung parang may sagot siya sa lahat.
“Pero nung time na yun, sobrang helpless siya, na parang wala talaga siyang magawa. Tapos bitbit niya yung anak namin.
“Tapos, nakikita niya na lahat ng mga nurses and doctors ginagawa ang lahat para maging okay ako.
“Tapos sabi niya, ‘Kung ayaw mo, okay lang, naiintindihan ko.’
"Pagkatingin ko dun sa bassinet, ‘Ay! Gusto ko pa!’
“Ang cute ng anak ko, e!” bulalas ni Maja.
Read: Maja-Rambo daughter's baptism is celebrity filled

NOEL FERRER
Ngayon ay handa na si Maja Salvador na sundan si Baby Maria.
Gusto na raw niyang magkaanak pa sila ni Rambo Nuñez, pero hindi pa maaari dahil sa mga kontratang kanyang pinirmahan.
“Gusto ko na sundan, kasi 37," pagbanggit ng aktres sa kanyang edad.
"E, pumirma ako ng kontrata, bawal pa pala. Siyempre magwo-work muna ako.
“So, kahit gusto kong sundan kaagad, e, magwo-work na lang muna ako kasi na-miss ko din naman po."
Baka bandang mid of year 2026 na raw nila susundan si Maria, pagkatapos ng mga natanguan niyang commitments sa MediaQuest at TV5.
Gagawin ni Maja ang Season 5 ng Emojination kasama si Chad Kinis, ang dance show na Isayaw Mo, isang teleserye, at baka isa pang pelikula.
Read: Maja Salvador talks about "all-day sickness" and "feel na feel" pregnancy
MARIA BROUGHT MAJA AND RAMBO CLOSER TO EACH OTHER
Ayon pa kay Maja, ang pagkakaroon nila ng Maria ang lalong nagpalalim sa relasyon nila ni Rambo.
Dito raw niya talaga naramdamang mag-asawa sila at magulang ni Maria.
Pahayag ni Maja: “Yung relationship namin ni Rambo, eto yung napakasuwerte ko na binigyan ako ni Lord ng isang partner na talagang mahaba yung pasensiya, yung iintindihin kung ano yung mga gusto kong gawin.
“Yung ibibigay yung kailangan kong oras. Kunyari, gusto kong pumunta ng ganito, ‘Okay lang ba maiwan ko sa yo si Maria?’ Yung mga ganun.
"Yung meron akong partner na nakakaintindi sa akin, yung kung may topak ako... kasi yung postpartum [depression], hindi yata maiiwasan yun.
“Pero ano lang naman po yun, konti-konti lang. Yung pag gusto mo ng katahimikan, pero uuwi ka rin agad.
“Kahit malilimutin ako, ganyan. Yung talagang mag-asawa na kami, ganyan.
“Tapos yun... ano naman po siya, masaya siya para sa akin na alam niyang gusto kong bumalik na rin ng work.
“Tapos, alam din niya na ibabalanse ko lang din dahil... yun yung sinasabi ko, yung iniintindi niya na ang dami kong gusto. Susuportahan lang niya.
“Gusto kong mag-work, pero gusto kong magpakananay.
"Parang lahat ng trip ko, sinusuportahan niya. Parang sige lang.
“Tapos, laging nandiyan lang siya sa likod ko.”
Read: Maja Salvador on dynamics with husband Rambo Nuñez: "Bawal na yung magtampu-tampuhan."
