GORGY RULA
Natatakot si Direk Joel Lamangan sa pagdating ng araw na mawawalan na silang mga direktor ng trabaho, pati na rin ang mga artista, dahil sa artificial intelligence o AI.
“At the rate things are going, with the AI, artificial intelligence coming in, maaaring mawala na ang writer,” sabi ni Direk Joel sa mediacon ng pelikulang Fatherland noong Marso 25, 2025 sa Manila Hotel.
“Maaaring wala na ang direktor. Maaaring mawala na ang mga artista kaya papalitan na ng artificial intelligence. Pero matagal pa naman siguro yun.
“Maaaring mangyari yun. Maaaring mabago na ang konsepto ng pagbuo ng pelikula. Maaaring iba na ang pagtingin sa pagbuo ng pelikula.
“Ang ikinatatakot ko lang ay mawalan ng boses ang Pilipino dahil iba na ang gumagawa ng pelikula.
“Hindi na Pilipino. Iba na! Artificial intelligence na ang gumagawa.
“If you will be reading artificial intelligence, nakakagawa na… di ba, nagagawa nilang magsalita ang mga picture niyo?
“Sa Facebook, kumakanta na ang mga pictures sa Facebook, di ba?
“Papunta na tayo doon sa ganoon. Maaaring mawala na ako, wala nang director, wala nang pelikula, wala nang artista.
“Artificial intelligence na lang ang gumagawa. Pero hindi pa naman ngayon yun. Maaaring matagal pa yan.
“Maaaring papunta na tayo doon. Yun lang,” saad ng 70-anyos na direktor.
Read: Joel Lamangan, nilinaw na walang iniendorsong kandidato ang Fatherland
CHERRY PIE PICACHE'S TAKE ON AI REPLACING ACTORS, WRITERS, DIRECTORS
Nag-react si Cherry Pie Picache, isa sa cast ng Fatherland, tungkol sa sinabing yun ni Direk Joel.
Ani Cherry Pie: “Actually, yun nga, yung recently na pinanood namin, mararamdaman mo na, na marami nang infused dun sa technology.
“Hindi malayong mangyari. In fact, di ba, nagkaroon na ng what you call this… ano yun? Strike sa SAG sa screenwriters, because it has to be moderated, it has to be controlled.
“Kung hindi, ang mangyayari diyan in the future, di ba? Yung mga napapanood natin sa mga pelikula noon… yung human against robot? I think it’s not far from happening.
“Lalo na ngayon, di ba, recently na may in-interview na robot, na AI robot na she knows how to feel — angry, sad, yung may emotions sa 60 Minutes, basta ganun. So, that’s not far from happening.
“We have to be watchful. It has to be moderated.”
Sa Abril 19, Black Saturday, nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang Fatherland.
Nasa cast din nito sina Allen Dizon, Iñigo Pascual, Mercedes Cabral, Angel Aquino, Richard Yap, Max Eigenmann, Jeric Gonzales, Ara Davao, at Jim Pebanco.
Read: Cherry Pie Picache, "parang Alice Guo" ang role sa Fatherland
JERRY OLEA
Dumalo si FDCP Chairperson Jose Javier Reyes sa Film and TV Market (FILMART) noong Marso 17-20, 2025 sa Hong Kong Convention and Exhibition Centre.
“Ang laki-laki pa ng problema ngayon!” bulalas ni Direk Joey sa mediacon ng Film Development Council of the PHilippines (FDCP) noong Marso 28, 2025, Biyernes, sa Seda Vertis North hotel, Quezon City.
“Dahil nag-iiba na ang… kasi, we came from Hong Kong. Dyusko! Ang pinakamabenta dun, yung vertical shorts. Yung parang Drama Box.
“Yun ngayon ang pinagkakaguluhan. So sabi namin, ‘Ngiii! Ibig sabihin ba, yun ang pupuntahan ng content creation?’
“E, kung nandiyan ang pera, diyan pupunta talaga. It’s entertainment for the TikTok generation!”
Read: FDCP Chair Joey Reyes gets real about state of Philippine cinema
VMX TO ALSO VENTURE INTO DRAMA BOX?
Nang makachikahan ko ang VMX director na si Roman Perez Jr. noong Marso 16 sa Gateway Cineplex 18 sa Cubao, Quezon City, napag-usapan namin ang pag-evolve ng streaming platform na VMX (dating Vivamax).
Nagbabalak silang sanayin pa ang VMX stars, lalaki man o babae, sa pamamagitan ng stage plays.
Sabi pa ni Direk Roman: “Ang proposal nga namin, shorter. Parang Drama Box. Nag-propose ako kay Boss [Vic del Rosario Jr.] ng ganyan, parang Drama Box.
“Let’s see baka ma-approve niya. Kasi parang andun talaga yung tao, nasa cellphone talaga. Namatay nga yung TV. Namatay ang TV, namatay ang TV.
“Kahit sabihin nating Batang Quiapo, nanonood sa cellphone kaya views lang ang sinusukat, hindi ratings, e.
“So most likely, nag-iba talaga, nag-evolve na. Nag-e-evolve talaga. Nagbabago ang platforms. Yun, sana mas madami pa ang gumawa! Di ba?
“Mas marami pang ma-develop na directors, writers, and actors sana.”
CINEPOP
Nitong Abril 6, Linggo, nag-announce si Christian Albert Gaza sa Facebook: “Ang kauna-unahang kumpanya na babangga sa Vivamax. Napakamura ng subscription. Sobrang barya. Hindi mo madadama. CinePOP sa April 23 na!
“Pagpasok mo sa loob ng app, punong-puno ng content. Napakaraming series at pelikula. Vertical format. Patayo lahat, hindi pahiga. Swak na swak sa smart phone mo. Lahat ng content, puro bold ang tema!
“Loverboi series coming soon! RomComBold na pinagbibidahan ni Xian Gaza kasama ang tatlong dilag na binembang niya sa loob ng pelikula! Tatlo, hindi isa! Kaya kumapit ka na! Abangan!”
Mada-download na ang CinePOP sa App Store ng Apple, at Google Play para sa android.
So far, ang nasa CinePOP pa lamang ay iyong first episodes ng first seasons ng Secret Confessions (“Daddy”), Maria’s Diary (“Lila”), at Dear Utol (“Pikot”).
Read: FDCP Chair Joey Reyes, tiniyak na tuloy ang Cinemalaya sa 2026
NOEL FERRER
Hindi magugulat si FDCP Chair Jose Javier Reyes kung gumawa ng vertical shorts ang VMX.
“Uso yan, uso yan. Super-uso! Yun ang ikinagulat namin sa Hong Kong,” sabi ni Direk Joey.
“Nagulat kami in Hong Kong, yan ang hinahanap, OK. So, alam ko na may mga ibang mga producer, MediaQuest, gagawa na.
“Ganun ang mga hinahanap sa FILMART. Yeah, yung mga bagong forms. Yung mga bagong forms ang hinahanap.
“At saka we realized na… well, when we came from Hong Kong FILMART, that was the most participated of all Hong Kong FILMARTs.
“Eighteen producers ang kasama namin. At sabi nga nung anak ni Roselle [Monteverde] for Regal, ‘This is the most productive of all the FILMARTs,’ compared even to the others na nag-participate sila, dahil andaming deals na na-close nila. So good, good.”
HONG KONG FILMART
Ano ang assessment siya sa pagpunta sa katatapos na HK FILMART?
“It was one of the most successful… dati kasi, when we go to the FILMART, first day, bongga yan,” lahad ni Direk Joey.
“Second day, pabawas nang pabawas yan. Third day, wala na. Wala na! "Ito, nagulat kami, third day, andami pang tao.
“Andami pang tao, at saka I think it was very important na ginawa ng Philippines yung malaking pavilion, na yung mga producer who cannot afford their own booth, nakikibahay sa amin.
“We give them budget so they can join.
"Sina Erik Matti, nandun, pero hindi sila umupo dun sa pavilion. Ang galing-galing ni Erik sa ganyan, e! OK, sa mga foreign co-production.
“Magaling yan. Si Erik Matti, ibaba mo iyan sa Zimbabwe, in two weeks may pelikula siya na co-prod. Magaling siya, magaling siya sa ganyan. OK.
“Tapos andaming interaction with Asians. Yun ang isa pa naming na-realize — you interact with Asia. You co-produce with Asia.
“Huwag ka nang masyadong umasa sa Europe. Expand your market.
"Example diyan, Regal. May mga deal sila with possible co-production sa Taiwan. Ngayon, dalawa na ang market mo, Taiwan at saka Philippines.
“Sabi ko, ‘Mano Po kayo nang Mano Po, gawin nyo sa Taiwan!’ Di ba?”
Meron din daw Pinoy film company na malamang makipag-collab sa taga-Myanmar.
Read: Docu filmmaker, masaya na docu ang PH entry sa Oscars 2025
FDCP PARANGAL NG SINING
Siyangapala, sa Abril 11, Biyernes ng gabi, ang FDCP Parangal ng Sining sa Seda Vertis North, Quezon City.
Lifetime Achievement Honorees sina Joseph Ejercito Estrada, Charo Santos-Concio, Laurice Guillen, at Lav Diaz.
Pagkakalooban ng Annual Achievement Award si Judy Ann Santos, ang Iti Mapukpukaw ni Carl Joseph Papa, at ang Sunshine ni Antoinette Jadaone.
Read: 3rd Parangal ng Sining awardees: Joseph Estrada, Charo Santos, Laurice Guillen, Lav Diaz
Host si Iza Calzado, at performers sina Nyoy Volante, Rachel Alejandro, Arman Ferrer, Nicole Asensio, Jeffrey Hidalgo, at Cookie Chua.

Parangal ng Sining 2025 is an exclusive gathering honoring the visionary artists, pioneers, and trailblazers who have contributed to the growth and global recognition of Philippine cinema.
Sa Friday night din mag-uumpisa ang Behind The Reel sa YouTube channel ng FDCP. Suportado ito ng CineGang, Inc.
Behind the Reel is a dynamic YouTube series focusing on interesting film industry roundtable discussions by notable insiders.
Ang Episode 1 ay tungkol sa “The Next Generation Actors” na sina Elijah Canlas, Gabby Padilla, Cedrick Juan, at Kakki Teodoro.

