GORGY RULA:
Ang tagal ng tsikahan ng PEP Troika sa premyadong aktres at magaling ding direktor na si Gina Alajar sa burol ni Nora Aunor noong Easter Sunday, Abril 20, 2025, sa The Heritage Memorial Park, Taguig City.
Ang dami naming napag-usapan sa pagkakaibigan nila ng namayapang Superstar, hanggang sa nagkaroon sila ng tampuhan noong ginawa nila ang pelikulang Andrea, Paano Bang Maging Isang Ina? (1990) at nagkabati sila at dinirek na niya si Ate Guy sa drama series ng GMA-7 na Onanay (Agosto 2018-Marso 2019).
GINA ALAJAR ON LIVE SELLING
Pero ang isa pa sa napag-usapan namin at nagpasaya sa aming tsikahan ay nang kinumusta namin ang kanyang pagiging online seller.
Kapag walang taping o shooting si Direk Gina, pinagkakaabalahan niya ang pagtitinda ng mga supplements at health drink na Spirulina sa TikTok.
“Pangarap ko siya talaga. Nakita ko yan sa social media. Sabi ko, ‘Gusto kong pag-aralan ito. Parang ano, kaya ko kaya ito?” bulalas ni Direk Gina.
“Pero all my life, merong mga nag-aalok sa aking mga networking, may nag-aalok sa akin na magbenta ng ganito, ganyan. Ayoko talagang magbenta, kasi wala akong talent sa pagbebenta, di ba?
“Ito parang ano… ako kaya ito? Ano kayang magic ito? So tinray ko lang. Ang susi ng lahat si Che Ramos-Cosio,” napangiti niyang pahayag.
Si Che Ramos na binanggit ni Direk Gina ay ang character actress na napapanood natin sa ilang drama series sa telebisyon.
Mas naalala ko siya sa Abot-Kamay Na Pangarap.
“Si Che, sabi niya, ‘Gusto mo ba? Gusto mo ba?’ Tapos sabi ko, ‘Oo. Gusto ko. Gusto kong i-try.’
“Sabi niya, ‘Ipapakilala kita dun sa brand.’ Tapos pinakilala naman ako. Ayun, nag-isang ano, nag-isang live. Dasal talaga ako nang dasal. ‘Lord please, madami sanang mag-attend nung live. Madami po sanang bumili,’ ganyan-ganyan.
“So, ngayon nakakatatlong live na ako at…. well, hindi pa naman six digits. Kasi…. alam mo, mahirap siya, e. Dahil kailangan mong i-build up yung followers mo.
“Tapos yung tingin sa yo ng mga brand, yung mga ganyan, depends on your following and then depende also kung may tiwala sila sa iyong magbenta ka,” sabi pa ni Direk Gina.
Read: Actress-director Gina Alajar recalls her bold-star years
NOEL FERRER:
Masaya si Gina Alajar dahil maganda ang resulta ng pagbebenta niya sa TikTok. Hindi raw gaanong malakas ang produktong binebenta at inendorso niya, pero tumaas daw ang sales nito nang sinimulan na niya itong ibenta.
“When I started doing live and selling that, umaangat siya. Umaangat nang umaangat, at hinahanap na ng mga tao. And lo and behold, ginawa ng Weekit 7, hindi ka makakabili ng Spirulina sa iba. Kasi in-exclusive nila sa akin,” masayang balita ni Direk Gina sa amin.
LIVE SELLING FOR THREE HOURS
Tatlong oras daw siyang nagla-live selling at nakakapagod daw. Pero mabuti na lang daw na meron siyang magaling na assistant na parang co-host niya sa TikTok.
“Magaling yung kasama ko, e. Binigyan nila ako ng assistant na magaling talaga siya.
“Alam niya pag napapagod na ako, siya na yung daldal nang daldal.
“Pareho kami ni Matet ng product. Si Matet ay Barley, at si Matet yumaman na diyan!” saad ni Direk Gina.
MATET DE LEON ALSO DOES LIVE SELLING
Nabanggit din ni Matet sa PEP Troika na kapag wala siyang taping o shooting, ginagawa niyang mag-live selling dahil ang laking tulong din daw sa mga daily expenses at para sa pag-aaral ng mga anak.
"Malaki na ang kinita niya [Matet] diyan. Kasi meron pa siyang pabango, e. Ako, isa lang ang brand,” sabi pa ni Direk Gina.
Kaya ang iba raw niyang kaibigan ay gusto na ring magpa-live selling sa kanya.
“Si Telly, gusto niyang ibenta ang kanyang ano… ang kanyang adobo flakes.”
Ang tinukoy ni Direk Gina na Telly ay si Telly Acuba, ang non-showbiz friend ni Direk Gina at mga barkada nito.
Read: Gina Alajar: 'Takot na takot sa' Laurice Guillen
JERRY OLEA:
Tatlong oras lang daw siyang nagtitinda online, na ginagawa raw niya nang dalawa o tatlong beses sa loob ng isang linggo.
Hindi pa raw niya kaya ang araw-araw gaya ng ginagawa ng iba. Ang gusto lang daw ni Direk Gina ay mapatunayang sa edad niyang iyan ay may pakinabang pa siya.
“Meron silang studio, e. Pumunta ka lang sa kanilang studio. Very convenient, park ka lang.
“Pupunta ka dun sa kanilang studio, they treat you like a queen, yung ganyan. Tapos gaganyan ka na.
“Tapos after three hours, e, uwi ka na. Meron ka nang kinita. Three hours lang.
"Yung goal ko pag selling, six digits. Pag six digits na yun, ang dami nang ano [kita], di ba?
"Marami pa akong dapat patunayan sa mga endorsers, na yung mga matatandang katulad ko ay meron pa ring pakinabang. May market pa rin," pahayag ni Direk Gina.
