JERRY OLEA:
Nakita ko si Dan Alvaro na may kargang bata sa 70th birthday celebration ni Nora Aunor sa Seda Vertis North, Quezon City, noong Mayo 20, 2023, two years ago.
Sa wake ni Nora noong Abril 20, 2025, Easter Sunday, sa The Heritage Memorial Park, Taguig City, may karga pa ring bata si Dan nang makita ko.
Nang magpaunlak si Dan ng interbyu sa labas ng chapel, ipinaubaya niya sa kasama ang pag-aalaga sa bata.
Parang kailan lang, ang saya-saya ng salubong sa 70th birthday ni Ate Guy…
“Kaya nga, e! Kaya nga nagulat na lang ako, biglang-bigla na ano… Kasi, lagi kaming nagcha-chat ni Ate Guy,” pagsisiwalat ni Dan.
Present daw si Dan sa isang birthday noon ni Nora.
“Kaya noong birthday niya, nagpasalamat nga ako kay Ate Guy. Kasi, si Ate Guy, parang kapatid ko na iyan. Kaya hindi ko na makakalimutan iyan.
“Noong nag-birthday siya, inimbitahan niya ako, ang laki ng pasasalamat ko. At least, naalala niya ako.
“Hindi niya ako nakakalimutan. Hanggang sa before Christmas, ipinapasyal ko nga yung anak ko."
Tuluy-tuloy na lahad pa ng aktor: "Yun, ang bait-bait ni Ate Guy! Hindi mo talaga ano… mabait talaga sa bata iyan.
“Nung minsan, nagkita kami. May gagawin na naman sana kaming project. Nag-meeting kami.
“Minsan, pumapasyal ako sa bahay niya, kasama ko ang mga anak ko. Nagkukuwentuhan kami."
LAST TIME DAN ALVARO MET NORA AUNOR
Huli nagkita sina Dan at Nora noong December 2024.
"Minsan nararamdaman ko na lang talaga na nahihirapan na rin si Ate Guy. Sabi ko, ‘Huwag mong pababayaan yung kalusugan mo. Alagaan mo.’
"Kaya yun, nung time na last nagkita kami, before Christmas, sabi nga niya, ‘Pasyal ka, Dan, ha? Pasyal mo yung bata rito, sa Pasko, ha?’
“E, parang nararamdaman ko na rin talaga yung ano, nahihirapan na rin siya."
Ayon kay Dan, ganado pa rin magtrabaho si Nora, at may pinaplano pa raw itong proyekto.
“Sa Channel 13 nga, may gagawin sana kaming project.
"Kaya laking gulat ko na lang nung nabasa ko sa Facebook, madaling araw yun, nagulat ako!” pagtukoy ni Dan sa pagpanaw ng Superstar.
Lahad pa ni Dan: “Hindi ako makapaniwala! Sabi ko, ‘Totoo kaya ito?’ Kaya ni-research ko. Ay! Totoo nga! Nalungkot nga ako.
“Hindi ko makakalimutan si Ate Guy. Talagang napakabait na tao niyan. Ang turingan talaga namin, magkapatid talaga.
“Kaya hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko iyan dahil ako, lalo na ako, nagkapangalan ako dahil kay Ate Guy."
Binanggit ni Dan na nagkatrabaho sila ni Nora sa pelikulang Condemned (1984).
Balik-tanaw pa ni Dan: “Talagang yun, nagkaroon ako ng pangalan dun. Kaya hindi ko makakalimutan si Ate Guy…
“E, siguro, talagang pana-panahon lang talaga. Hindi naman talaga tayo magtatagal sa mundo, di ba?
“At least si Ate Guy, talagang… at least, wala na siyang problema. Siguro sa langit, medyo tahimik na siya.
“Kaya sabi ko, ‘Sana, Ate Guy, masaya ka na dahil natapos na yung problema mo, yung nararamdaman mong sakit.’
“Kaya masaya na rin ako dahil, at least, ano na rin si Ate Guy, nagpahinga na siya.”
Read: Judy Ann Santos recounts life lessons from Nora Aunor
NOEL FERRER:
For the record, kapatid lang ba ang turingan nina Nora Aunor at Dan Alvaro? Walang romantic involvement?
Mabilis na umiling si Dan, “Wala, wala! Kapatid lang talaga. Siyempre sa pelikula, alam mo naman sa pelikula, parang ano iyan, di ba?
“Parang gagawan kayo ng ano para pag-usapan yun.”
Sa pelikulang Condemned na idinirek ni Mario O’Hara, magkapatid ang papel nina Nora at Dan.
Ganoon din sa pelikulang Tatlong Ina, Isang Anak (1987) na si Mario O’Hara rin ang direktor.
Magka-partner sila sa pelikulang Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990) na idinirek ni Gil Portes, pati sa palabas sa TV na The World Is An Apple.
Sa pelikulang Condemned ay tampok din si Gloria Romero, na pumanaw noong Enero 25, 2025.
Nagbida si Dan sa pelikulang Bagong Hari (1986) na si Mario O’Hara rin ang direktor. Kontrabida roon si Joel Lamangan.
GORGY RULA:
Ayon kay Dan Alvaro, sinabi ni Nora Aunor sa kanya na kasama si John Rendez sa project sana nila sa Channel 13.
Nagkausap sina Dan at John sa wake ni Ate Guy.
Si John ay matagal na companion ni Nora.
Paglalarawan ni Dan kay John: “Mabait si John, e. Mabait si John Rendez… Kaya pag ano, nagcha-chat kami.
“Yung mga anak ko nga, bibigyan niya ng ano nung Pasko, nung graduation, binigyan niya ng mga damit-damit. Ganun.
“Kaya mabait din si John Rendez."
Ayon kay Dan, nagkatrabaho sila ni John sa FPJ's Batang Quiapo, na pinagbibidahan ni Coco Martin.
"Kaya matagal na, matagal na kaming magkaibigan. Kaya lang, bihira lang kaming magkita.
"Dito lang kami nagkita sa Batang Quiapo, at saka dito [sa wake].
"Nagkita na kami kanina. Nagbatian na kami. Yun, mabait si John.”
Siyanga pala, bilang pag-alala sa legacy ni Nora, ininanunsiyo ng Viva Films na simula Abril 25, Biyernes, mapapanood sa piling sinehan ng SM Cinema, Robinsons Movieworld, Gateway Cineplex at Fishermall ang mga pelikulang The Flor Contemplacion Story, Tinik sa Dibdib, Beloved, at Mananambal.
Sa Ayala Malls Cinemas ay palabas naman simula rin bukas, Biyernes, ang mga pelikula ni Ate Guy na Tatlong Taong Walang Diyos at Tatlong Ina, Isang Anak.


