JERRY OLEA:
Magpapasiklab muli si Alex Calleja sa palabas na Tamang Panahon Ulit sa Mayo 2, 2025, Biyernes ng 8:00 P.M. sa The Theatre at Solaire.
Bakit Tamang Panahon Ulit? Dahil mag-eeleksyon?
Read: Alex Calleja, mariing itinangging "ninakaw" ang carwash joke
"Para mabawasan naman ang mga maiinit ang ulo," tugon ni Alex sa ipinadalang mensahe sa PEP Troika ngayong Abril 25, Biyernes.
"Makapag-relax. Malinawan din ang isip kung sino ang iboboto."
Rumatsada sa Top 10 TV Shows ng Netflix Philippines ang Tamang Panahon.
Pang-Netflix din itong second installment?
"Malay natin, hindi ako nagsasabi sa mga tao kung Netflix o hindi ang isang show ko. Nuod kayo para malaman niyo," sey ni Alex.
ALEX CALLEJA TAG
"Funniest Standup Comedian In The Philippines" ang payanig niya sa kanyang website. Ito na ba ang official title niya?
"Sino pa ba ang pupuri sa sarili mo, e, di ikaw na rin. Kung ayaw ng pumayag ng iba, e, di puwede naman Funnier na lang or Funny. Madali naman akong kausap," saad ni Alex.
Anong message niya sa fans, and sa detractors (kung meron man)?
"Sa mga fans, alam kong kahit anong gawin ko, lagi kayong masaya. Sa mga hindi fans, alam kong kahit anong gawin ko, lagi kayong nega.
"Good vibes lang para everybody happy!"
Kasama sa Tamang Panahon Ulit ang mga espesyal na bisita mula sa Comedy Crew, pati na si DJ MOD. Available ang tiket sa Ticketworld.

NOEL FERRER:
Maganda ngang vehicle ang comedy for election education. Kahit walang bitbit na mga kandidato, magandang mapangiti at mapatawa ni Alex sa pamamagitan ng comedy ang mga tao habang napag-iisip din sila pagkalabas ng teatro.
Iyan ang kahusayan ng comedy ni Alex. Comedy na tumatama sa kalooban natin, pinag-iisip din tayo at pagkatapos, sana pinakikilos.
Good luck, Alex!
Read: Chito Francisco, may patutsada sa "carwash joke" ni Alex Calleja
GORGY RULA:
Curious ako kung paano i-comedy ni Alex Calleja ang nalalapit nating eleksyon. Ito kaya’y pagpapatawa sa ilang kandidato o kung paano tayo bumoto?
Kapapanood ko lang kasi ng isang episode sa Black Mirror na "The Waldo Moment," talagang ang tindi nang pang-aalipusta ng isang cartoon character sa isang tumatakbong pulitiko.
Siyempre, hindi puwede iyun sa atin, at iba rito sa atin.
Magaling magsulat si Alex kaya sana, kahit matatawa tayo sa kanyang pagko-comedy, iyung makakapag-isip tayo sa kung sino ang nararapat nating iboto sa darating na eleksyon.
Ang cute ng blurb sa title ng show niyang Tamang Panahon Ulit na “Pero ang jokes, hinde uulitin!”
Yes, mga jokes na hindi uulitin at sana, hindi kokopyahin!
Iba na rin kasi ang pagpapatawa ngayon sa social media, na malayung-malayo sa panahon ng mga sikat na komedyante noon.
Aliw ang mga jokes na ginagawa araw-araw nina Vice Ganda sa It’s Showtime, at ganundin kina Jose Manalo sa Eat Bulaga!
Pero kapag masipag ka magkalkal sa TikTok, X at Facebook, ibang-iba rin ang mga jokes doon na swak sa pagpapatawa ni Alex Calleja.
Sa totoo lang, nakakaaliw ang mga napo-post na jokes at comedy acts sa TikTok ng Spit Manila at Pencil Box Studios.
Ang mga natatawa roon ay ganundin sa mga patawa ni Alex Calleja.
Siyanga pala, bakit kaya hindi na ibinalik si Alex Calleja sa Mga Batang Riles? Guesting lang talaga iyun, at may nagtanong pala kung bakit hindi pa nagge-guest si Alex sa Bubble Gang.
Parang ang awkward naman daw kasi kung makikita si Alex sa programang si Chito Francisco ang headwriter. Pero okay na sila, di ba?
