JERRY OLEA
Nag-cameo si Leandro Baldemor sa pelikulang bida ang content creator na si Joel Malupiton.
Hindi maalala ni Leandro ang title ng naturang comedy movie kung saan mag-asawa ang papel nila ni Aleck Bovick.
Intended daw iyon na mag-streaming sa Netflix, kaya magandang opportunity para sa kanya.
“Tinanggap ko siya dahil nagustuhan ko yung bida,” kuwento ni Leandro nang matsikahan ng ilang SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) members noong Abril 26, 2025, Sabado ng umaga sa kanyang tahanan sa Paete, Laguna.
“Kasi si Joel Malupiton, yung nagba-vlog, magaling siya. Kasi pinapanood ko.

“Ngayon, sinabi sa akin nung producer na, ‘Cameo role ka lang,’ ganito-ganyan. Sabi ko, ‘Sino'ng bida?’
“Ngayon, sinabing si Joel. E, gusto ko yung attitude niya. Actually follower niya ako.”
Kumustang katrabaho si Joel considering na baguhan ito sa paggawa ng pelikula?
“Magaling, oo! Pro, pro. Bilib ako dun, at saka hindi lang siya, yung grupong Malupiton mismo!” bulalas ni Leandro.
“Makukulit yung bata. 'Tapos sabi ko nga sa kanila... E, siyempre, pag grupo, minsan kasi naghihiwa-hiwalay yan, e, di ba?
“Sabi ko, dati namang wala — walang offensive na ano yun, ha — basta sabi ko, ‘Dating wala, nagsisimula kayo, pagbutihin nyo yung grupo nyo. Kasi, mas maganda yung…’
“Sabi ko nga, as kuya, as tito, ang sabi ko, e, ‘Huwag kayong masilaw sa pera! Hayaan nyo yung pera ang humabol sa inyo. Diretso nyo lang yan, saka yung samahan nyo.’
“Kasi hindi ako ganun kagaling, pero sa tagal ko na rin naman sa industriya, 30 years na siguro almost, sabi ko sa kanila, ‘Basta, huwag kayong masilaw sa pera!
“‘Kasi minsan, pag silaw sa pera, ipaghihiwalay nyo yan, e. So mas maganda, intact kayo. Diretso nyo lang yung pagpapasaya sa tao. Yun, hahabulin na kayo ng pera!’ Ibig sabihin…”

Meron bang panahon na nasilaw siya sa kinang ng pera?
Pag-amin ni Leandro, “Ahhh, meron. Meron, kasi, yung asawa ko mismo ang nagsasabi sa akin na, ‘O, nag-iiba ka na,'" banggit pa ni Leandro sa sinabi sa kanya noon ng misis niyang si Venus.

“Mabuti na lang, nandiyan yung asawa ko na gumagabay. Kasi minsan, pag ayaw mo nang pakinggan yung iba, at akala mo ikaw na yung pinakamagaling, ikaw na yung mali, e.
“Maling attitude, e. Dapat open ka pa rin, maging sensitive ka dun sa mga taong nasa paligid mo. Kamo yan ba ay ganito, ganito, ganyan? Dapat ganun pa rin.
"So yung asawa ko ang tagapagpaalala. Siyempre, tao lang ako! Tao rin naman ang asawa ko.
“Minsan ako rin naman ang nagsasabi sa kanya. So bigayan lang kami. Ang masama, kung parehas kayong sarado. Na, ‘Ito na tayo. Ito na tayo!’
“Pangit, e. Kasi hindi mo nalalaman na nakasakit ka na pala. Kaya lagi kong ipinagdadasal na, ‘Sana po, huwag akong makasakit. Huwag akong makasaling sa tao.’
“Kasi napakabilis ng panahon! Pag itong edad natin, singkuwenta na ako, isipin mo, di ba?
“So napakabilis ng panahon, hindi mo masasabi na… e, huwag naman!” sabay knock sa wood table.
“Kasi, yung mga bata ngayon, hindi ko masabing bata pa rin ako, pero iilang taon na ang ii-stay mo dito? I-enjoy mo na, di ba?
“Sabi ko nga sa asawa ko, ‘Pag may mga tampuhan tayo, may ano, naku! Ipagpaliban na lang natin!’
“Kasi, alam kong ano lang agad tayo. Halimbawa ako, galit, o ikaw, galit. Iano na lang natin, ayusin na lang kaagad.
“Sayang, e. Oras, maghapon ka galit. Dalawang araw, tatlong araw. Sayang! Mag-loving-loving na lang tayo!”
NOEL FERRER
Kailan pa nag-umpisa ang ganoon nilang attitude ng asawang nars na si Venus, na huwag patagalin ang tampuhan o misunderstanding?
Napabuntong-hininga si Leandro, “Ahhh, may mga pangyayari kasi sa amin na hindi pagkakaunawaan nitong nakalipas.
“Na pag na-realize namin na mas masaya pala na tayo’y laging magkasama, lagi tayong OK.
“Kasi, napapansin namin, natatakot na kasi kami, mga ka-batch namin minsan, nawala na. Nawala na!!!
“Aba, sabi ko, hindi masamang mag-isip na dapat mag-ingat tayo, dapat yung oras natin sa isa’t isa, bigyan natin ng halaga. Maging happy ka.
“Ganun ang naging panuntunan namin ni Venus.”
Paano niya pinapangalagaan ang kanyang kalusugan?
“Yung routine ng pag-e-exercise namin ni Ve, saka yung pagda-diet namin. E, hindi na rin siguro titingnan yung para mag-showbiz-showbiz o ano,” sambit ni Leandro.
“Kasama na rin! Pero ang gusto namin, mabuhay kami nang matagal! Ha-ha-ha-ha!
“Kasi may pinag-aaral pa kami. Ayaw naming magkasakit. May bata pa akong 15 years old. So mahaba-habang labanan pa. May college pa tayo.
“Iisa pa yung napapa-graduate ko. Yung isa naman, bago pa lang sasampa ng college. So dapat paghandaan ko yung ganung mga panahon.
“Actually ang pera, kikitain naman yan. Pero pag yung health mo ang nagkaroon ng diperensya, e, maraming mawawala na.
“Hindi ka na makakapaghanap-buhay nang maayos. Hindi ka na makakadiskarte na kailangan mong gawin.
“Alam mo naman tayo, punung-puno tayo ng diskarte sa buhay, e. Para huwag tayong magutom.”
GORGY RULA
Ano ang daily routine niya kung wala siyang shooting o taping, at nasa Paete siya?
“Paggising sa umaga, shower. 'Tapos lakad ako sa bundok. Actually, bundok namin dito, nalalakaran talaga,” tugon ni Leandro.
“Kasi sementado yan. Lakad kami, siguro mga isang oras na walking pataas, tapos pababa.
“Dati kinukuha namin, mga isang oras at kalahati, dalawang oras. Ngayon, isang oras na lang.
“Routine ko na yan. Gising ako nang mga 5:00, 5:30, umaakyat na kami. 'Tapos pag si Venus, walang pasok [sa hospital], kasama ko siya. Pag may pasok naman, hindi ko na siya isinasama.”
Minsan ay nakukuha nila nang 45 minutes yung pagtungo sa bundok.
“Kasi, tinatakbo na. Lakad-takbo. Kasi minsan mabibitin ka na dun. Pag makikita mo naman, ansarap ng hangin, e!” bulalas ni Leandro.
“Kasi paligid mo, walang init. Paligid mo, yung simoy ng dahon. 'Tapos yung mga huni ng ibon.
“Dun ka pa makakarinig ng mga huni ng magagandang ibon. After nun, baba ka dito, punta ka sa hanapbuhay mo. Andiyan lang naman ang negosyo ko.
“'Tapos sa food naman, hindi na ako nag-aasukal. Hindi na ako nagkakanin. 'Tapos isang beses lang ako kumakain sa isang araw talaga.”
Konti-konti na lang ang kakainin niya, if ever. Pag nagutom, ang kinakain niya ay nilagang itlog, o yung binibili nilang tuna na galing sa Japan.
“'Tapos nagtitimpla ako ng basil, yung pesto. Kasi masarap yun, pampatanggal ng umay, gutom,” sabi ni Leandro.
Malaki na ang nabawas sa timbang niya?
“Nung sinabihan ako ng GMA na magbawas, kasi nung nakaraan naka-10 pounds na ako,” pagtatapat ni Leandro.
“Ngayon nung nag-holiday, bumalik uli, nag-gain na naman ako ng six. 'Tapos ngayon, nakalima na naman ako na bawas.”
Mas magaan ang pakiramdam niya pag nabawasan ang kanyang timbang. Mas mabilis siyang kumilos.
“Hindi katulad dati, nitong holiday, ahh, lagi akong nakahiga. Nood ako ng Netflix,” saad ni Leandro.
“Kasi tumitingin din ako ng mga pelikula, e. Inuubo ako! So yung baga ko, hindi maganda ang galaw. Laging nakahiga, laging nakaupo.
“So nangyari, sabi nga ni Venus, ‘Maglakad ka na uli. 'Tapos mag-diet ka na.’ Sabi ko, ‘O, sige. Tulungan mo uli ako.’
“E di yun, istrikto. 'Tapos pala, kumakain sa hospital! Ha-ha-ha!” paghalakhak ni Leandro.
Kasama si Leandro sa Kapuso drama series na Hating Kapatid, starring Carmina Villarroel, Cassy Legaspi, Mavy Legaspi, and Zoren Legaspi.
Nasa cast din nito sina Valerie Concepcion, Glenda Garcia, at Mel Kimura.
Nagsimula na ang taping nito, pero sa Mayo pa magre-report sa set si Leandro.
