GORGY RULA
Maraming plano si Jomari Yllana sa kanyang showbiz at political career ngayong hindi muna siya tumatakbo sa eleksyon.
Tapos na ang termino niya bilang konsehal ng 1st district ng Parañaque. Ang asawa niyang si Abby Viduya ang tumatakbo ngayong midterm elections, Mayo 2025.
Ayon kay Jomari, marami siyang pagkakaabalahan bukod sa tumutulong sa pangangampanya ni Abby.

May binabalak siyang isang documentary series at malapit na rin niyang ilunsad ang annual event niyang Motorsport Carnivale, bukod sa balak din niyang mag-publish ng magazine tungkol sa Philippine Motor Sports.
“We’re launching a magazine. Philippine Motor Sports, parang FHM meets Top Gear, parang ganun. Isa yun sa plano,” pakli ni Jomari nang naka-lunch namin sa Baclaran noong Biyernes, Abril 25, 2025, kasama ang asawang si Abby.
“And with production, pag-artista, yung ganyan. Yung isa, docu-series. Siguro a year and half, two years para mabuo.
“I’m working together with Direk Lore Reyes. I’m pulling him out of retirement,” napangiti niyang pahayag.
Gusto na rin niyang pasukin ang pagdidirek ng pelikula, pero gusto rin niyang pag-aralan muna ang musical scoring.
“Excited ako to seek for the best education when it comes to musical scoring. Pag yun, nakuha ko, ang next step ko is to direct. Kasi yung production, mundo ko na yun e... 20, 25 years.
“Yung direction, hindi ko pa sinusubukan. Pero magkakaroon ako ng confidence kung ang music, sa akin.
“So, I’ll take this course. And as soon as ma-take ko yung course ng musical scoring, and ako yung maglalatag ng music, I think I’ll be prepared to direct,” sabi pa ni Jomari.
Isa kasi sa gustong sundan niya ng yapak ay ang veteran Hollywood actor/director na si Clint Eastwood.
“Si Clint Eastwood… production, direction, musical scoring, lahat ng pelikula niya, siya ang nag-score.
“So, ramdam ko lahat ng pelikula niya, pag si Clint Eastwood ang nagdirek. Yung damdamin kung saan niya ako hinahatid, malalim. And yung music, big part of it,” saad ni Jomari.
Bahagi si Jomari sa series ni Direk Erik Matti na Call My Manager, kung saan isang pulitikong kontrabida ang role niya roon.
Okey lang daw sa kanya na gumanap ng mga ganoong klaseng role. Kahit father at lolo role ay wala raw kaso sa kanya.
NOEL FERRER
Pagdating sa politics, isa pala sa pangarap ni Jomari ay maging isang ambassador ng bansa.
“Gusto kong maging ambassador ng Spain,” napangiting pakli ni Jomari. Para raw kasi iyon sa kanyang ina.
“Ang roots ng mom ko is from Mallorca. So, sabi ko, pangako ko sa mommy ko, nung she got better, nung nakakausap na, nakakalakad na.
“Sabi ko, ‘Bigyan mo ako ng konting panahon, dadalhin kita sa lugar kung saan nanggaling yung roots mo.’
“And then, kuwento, kuwentuhan… pinsan ko pala si champion tennis player Rafael Nadal!"
Si Nadal ay halos bayani kung tingnan sa Espanya at tinitingala rin sa buong mundo. Naging No. 1 siya sa ranking sa world tennis.
“So, parang sa akin, sabi ko, 'Mom, sige, mangangarap lang din ako, e. Okey lang ba sa 'yo, maging ambassador ako ng Spain?’
“Tawa siya nang tawa. 'Tapos sabi ko, ‘For whatever, dadalhin kita dun, kung saan ka nagsimula, yung bloodline mo kung saan nanggaling, dalhin kita dun.’
“Pero ano yan, nire-request yan, ina-apply yan, yung position na yan. Kasi appointment siya."
JERRY OLEA
Masaya si Jomari at ang mga kapatid niya dahil okey na ang kanilang mommy.
Nagkaayos sila ni Anjo Yllana dahil iisa lang naman ang gusto nilang magkapatid, ang gumaling ang kanilang ina.
“Ang sitwasyon ng mommy, ahmmm... akala namin ano na, e. Akala namin, mag-go na. Kasi all the signs were there. Bumalik lang,” seryosong pahayag ni Jomari.
“She was asleep for how many weeks?” sabat ni Abby.
“Coma si Mom two weeks," patuloy ni Jomari. "Medically-induced coma, kasi nagkaroon ng seizures na maliliit. So, they have to rest the brain. Medication for the brain, and to make her sleep.
“Kaya lang nagtuluy-tuloy ng dalawang linggo. Tapos ICU siya, 40 days."
Dagdag niya, “Kaya lang ang sitwasyon namin ni Abby nun, everyone was out of the country.
“Pinasok siya December 27, holiday… so, it was Abby and me. And then nung nag-uwian na, nakikita ko sila, yung support nandiyan. Pero mga kapatid, mga pinsan ko, lahat sila nasa ibang bansa.
“Nag-decision making ako ng morning, tanghali, afternoon, gabi. Visiting hours may protocol ako ng morning saka dalawang beses lang. I was preparing everyone."
Bandang huli, nagkakaisa silang magkakapatid na magdasal para sa kanilang mommy.
“Pag pinagdasal mo, and sa sitwasyon na ganyan, maliit kaming pamilya. Apat kaming magkakapatid, 'tapos nasa sitwasyon na alanganin yung magulang mo, isa na lang yung magulang namin. Sino pa ba magtutulungan?
“Malasakit sa pamilya at sa magulang. So, wala nang kailangan pang pag-usapan.
“Kasi ang ipinagdadasal naming lahat, iisa lang. Sinagot naman yung dasal namin,” saad pa ni Jomari.
Hindi na raw nila pinag-usapan, basta na lang silang nagkaayos na magkapatid.
“Hindi na kailangan. Family will always be family,” sabi naman ni Abby.
