GORGY RULA
Konting sinehan lang ang naibigay sa pelikulang ConMom ng Mavx Productions na showing ngayong Miyerkules, Mayo 21, 2025.
Rumaratsada pa kasi sa takilya ang foreign films na Final Destination: Bloodlines at Mission Impossible: The Final Reckoning.
Kasabay rin ng ConMom ang opening ng Lilo & Stitch.
So far, halos 40 cinemas pa lamang daw ang nakukuha ng ConMom, ayon sa taga-Mavx na napagtanungan ng PEP Troika.
Kaya mahihirapan talagang makabawi ang pelikulang pinagbibidahan nina Paolo Contis, Kaye Abad, Patrick Garcia, at Empoy Marquez.
Read: Paolo at Patrick, tahimik tungkol sa isyu sa nawalay na mga anak
PAOLO CONTIS ON CONMOM'S BOX-OFFICE CHANCES
Sa panayam namin kay Paolo sa aming prorama sa DZRH, sinabi nitong tanggap nilang mahirap tapatan ang malalaking foreign films.
Ito ang dahilan kaya karamihan sa producers ngayon ay umaasa na lang sa streaming, kagaya ng Netflix, para kahit paano ay makabawi sa kanilang ipinuhunan.
Sang-ayon dito si Paolo, na nakikipag-co-produce minsan sa ilang pelikula nito sa Mavx Productions.
Saad niya: “Malaking tulong ang streaming sa amin, kasi may mga times talaga na walang masyadong gana ang mga taong manood ng sine.
“Unless, talagang ibang pelikula, hindi natin masasabi. Minsan tsambahan din talaga yan.
“Sa streaming platform, mas nagkakaroon kami ng lakas ng loob, because alam namin eventually na meron ding fallback na kikitain, 'ika nga. It gives us the opportunity to produce again.
“Siyempre ang gusto namin, at the end of the day, kumita siya sa sine.
"Pero dahil sa streaming, mas may confidence kami na mababalik yung puhunan para makapag-produce ulit.
“Siyempre, bilang mahal namin yung industriya, e, tuluy-tuloy lang yan. Hangga’t meron, di ba?
"Yun nga, dahil sa streaming, hindi kami nawawalan.”
CEBU PREMIERE OF CONMOM
Tumulak patungong Cebu ang buong cast at production ng Mavx dahil doon ginanap ang premiere ng ConMom sa Cinema 1 ng SM Cebu.
Gusto nilang magpasalamat sa mga taga-Cebu na napaka-cooperative sa kanila nung sinyut nila ang pelikula.
Ayon kay Paolo: “Napili lang namin mag-special screening sa Cebu bilang pasasalamat sa Cebu.
"Dun kasi kami nag-shoot, e, especially yung sa Boljoon, which has been very nice to us.
“We were there for more than two weeks, parang bahay na namin yung Boljoon.
"So, bilang pasasalamat sa mga Cebuano, dun na namin gawin yung premiere,” saad ni Paolo.
Tampok din sa ConMom sina Kit Thompson, Kate Alejandrino, Isay Alvarez, at introducing ang batang si Valerie Talion.
Mula ito sa direksiyon ni Noah Tonga.
Read: Patrick Garcia awed by A Journey's chart-topping Netflix run

JERRY OLEA
Sumang-ayon si Paolo Contis sa desisyon ng ibang movie producers na babaan ang presyo ng movie ticket para magaan sa mga manonood.
Ito ang ginawa ng Regal sa pelikulang Untold kung saan PHP250 lang ang tiket sa mga estudyante.
“Naniniwala ako na kailangan babaan. Regardless kung ano… malaking tulong ito kung estudyante ka o ano or hindi.
“Mas okay na kailangan siyang babaan. Mahal nga yung ticket mo, wala namang bumibili. Kasi lahat ng tao, kailangan nang magtulungan, e.
“Puwede mong sabihin na eto ang presyo ko, pero wala namang bumili. Kesa liitan ang presyo mo, it’s still better.
“At this stage, kailangan nang magtulungan, e — ang sinehan, mga producer, mga artista — para sumigla ulit ang pelikula.
"And then eventually, maybe… bakit hindi? Taasan uli.
"Pero habang naghihingalo, magtulungan na. Tingin ko. It’s just my take,” saad ni Paolo.
PAOLO FOCUSES ON WORK
Mas gusto raw ni Paolo na mag-focus ngayon sa trabaho. Isinantabi na raw niya ang mga personal na isyu.
Inokray nga niya si Gorgy nang hiniritan siya tungkol sa kanyang lovelife.
Hihingan sana siya ng reaksiyon sa pagbabalik-trabaho ng ex-girlfriend niyang si Yen Santos, pero hindi na niya pinatuloy ang tanong sa aming ka-Troika.
“Choppy ka, Gorgy! Choppy ka!” birong tili ni Paolo.
“Masaya ako sa trabaho ko ngayon. Huwag mo nang dalhin kung saan-saan.”
Read: Paolo Contis says he's now single amid breakup rumors with Yen
Mas mabuting sa trabaho raw siya naka-focus at masaya siya sa mga ginagawa niya.
Nandiyan ang regular niyang gag show na Bubble Gang.
Tuluy-tuloy pa rin siya sa Mga Batang Riles, at may mga natapos pa siyang pelikula.
Sabi ni Paolo: “I’m very happy with work and with my personal life.
"I think, ang masasabi ko lang, simula nung nag-decide ako na ang personal kong buhay ay I keep it personal, I think, I became more at peace with my work, with myself.
“Ahhh, mas gusto ko na, alam mo yun, na alam naman natin na hindi tayo perpekto.
“At least ngayon, I’m working on self-improvement with lahat, lahat ng aspeto ng buhay ko.
“Kaya nga tinatago ko na sa sarili ko, kasi yan na ang tama sa ngayon. Sa ngayon.
"Eventually, pag may puwede na akong ikuwento, pag may puwede na akong sabihin, babalik din tayo dun.”
Naka-focus din daw si Paolo sa kanyang inang may sakit, kaya lagi raw niya itong dinadalaw.
“Si Mama kasi, siyempre hindi naman siya bumabata," pakli niya.
"Mas focused ako sa mama ko ngayon... we’re hoping na mas lumakas pa siya nang lumakas.
"Yun naman yung gusto nating mangyari."
Read: Paolo Contis afraid of daughters dating someone like him
NOEL FERRER
Masayang pelikula ang ConMom.
It banks on the strong bond of friendship na nabuo kina Kaye Abad, Paolo Contis at Patrick Garcia; at ngayo’y kasama na sina Empoy at Kit Thompson.
Sana, umingay rin ang pelikula katulad ng naunang ginawa ng MavX with the Tabing Ilog barkada sa My Journey.
Nakakaba, pero sana with good word of mouth, tangkilikin pa rin ang ConMom.
