GORGY RULA:
Hindi nakaligtas sa intriga ang kasal nina Zeinab Harake at Bobby Ray Parks, Jr.
Ang ganda ng mga naglabasang litrato at video ng kanilang kasal na ginanap sa Crystal Palace of Aquila in the Sky sa Tagaytay City noong June 1, 2025.
Read: Zeinab Harake at Bobby Ray Parks Jr., ikinasal na
Pero meron pa ring negatibong isyung ibinato rito, kagaya ng may naglabas ng kuha na kumakain ang mag-asawang Paul Soriano at Toni Gonzaga sa paper plate.
Ninong at Ninang pa naman ang mag-asawa, kumakain lang daw sa paper plate?
Mahirap paniwalaan kung ibabase lang sa litrato, kaya nagtanung-tanong kami sa ilang kakilala naming nakadalo sa selebrasyon.
Yung kuha na kumakain sa paper plate ay nasa cocktails daw bago binuksan ang reception area.
Parang may mga food stalls daw sa labas na nagse-serve ng mga pica-pica habang hinihintay ang pagsisimula ng reception.
Sabi ng amin napagtanungan, “May mga food stalls yun na pang-cocktails while waiting sa reception. Bongga ang reception nila, Bizu. Hehehe.”
Sosyal na restaurant ang nag-cater na alam naming masarap pa. Kaya hindi raw ganoong paper plate ang nasa reception na parang kainan lang sa kanto.
Marami naman ang mas naniwalang gusto lang talagang intrigahin ang bonggang wedding nina Zeinab at Ray Parks.
Read: Celebrities spotted at Zeinab Harake and Ray Parks Jr.'s wedding
NOEL FERRER:
Pero ewan kung sasagutin ni Zeinab ang tungkol naman sa ina niyang hindi raw pinapasok sa kanyang kasal?
May naglabas din ng chat ng isang kaibigan at ng ina ni Zeinab na kinilalang si Mariafe Ocampo. Nag-viral ang screenshot na iyon sa Facebook.
Wala kaming ideya kung ano ang personal na isyu ng mag-ina.
Pero lumabas ang isang chat na sinasabi ng nanay ni Zeinab na hindi raw siya pinapasok sa venue ng kasal.
May lumabas na sinagot ng ina ni Zeinab ang ka-chat nito na wala siyang sakit kaya hindi ito nakadalo sa kasal.
Pumunta raw talaga siya, at gusto pa naman daw sana niyang isorpresa ang kanyang anak, pero siya raw ang na-surprise dahil hindi siya pinapasok.
Ang sabi raw sa kanya ng guard na bilin ng wedding coordinator na "banned" si Mariafe Ocampo.

Parang ang cinematic ng dating na pumunta ang mother of the bride, pero hanggang gate lang pala ng venue dahil hindi ito pinapasok.
Nakakapagtaka lang dahil kung hindi ka nga imbitado, bakit ka pumunta at paano mo nalaman ang detalye ng kasal?
Pero hindi natin alam kung ano talaga ang totoong kuwento, at mahirap husgahan si Zeinab ng bakit hindi welcome ang ina.
Ang ama at ang kapatid lang daw nito ang nakadalo.
Pero may post si Mariafe sa kanyang Facebook account na kuha sa isang restaurant sa Silang, Cavite, na nag-bulalo raw sila.
Malapit lang yun sa venue ng kasal, at kuha noong June 1, sa mismong araw ng kasal ng kanyang anak.
Nakabihis naman ito, at mukhang dadalo nga sa kasal, pero sa isang bulalo restaurant ang kinahantungan nila.
Ano kaya ang isyu ng mag-ina?
May video na ipinost sa Facebook ni Mariafe noong nakaraang taon na kuha ng mag-inang sumasayaw, at mukhang masaya naman silang dalawa.
Sasagutin kaya ni Zeinab ang mga isyung ito? Puwedeng panibagong content na naman ito sa YouTube channel niya kung sakali.
Read: How Alden Richards recovered from six-month-long depression
JERRY OLEA:
Naalala ko tuloy ang kasal ni Claudia Barretto na dinaluhan ng amang si Dennis Padilla noong Abril 8, 2025. Nagkaisyu noon.
At hindi iyon nakatulong sa kandidatura nina Dennis at Marjorie Barretto na parehong tumakbong konsehal sa magkaibang distrito ng Caloocan City, at parehong natalo.
Tingnan natin kung ano ang magiging development sa isyu ni Zeinab at ng kanyang ina.
Nagpaabot na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng mensahe sa talent management ni Zeinab, ang Aguila Entertainment, para iparating ang isyu at hingin ang panig ng celebrity vlogger.
Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng mga nabanggit na personalidad sa artikulong ito.
