GORGY RULA
Nag-promote si Dulce sa radio program namin sa DZRH noong Biyernes, June 27, 2025, para sa kanyang concert na Wagi na gaganapin sa BGC Arts Center sa July 11 at 12.
Sa aming pag-uusap kasama ang ka-PEP Troika kong si Noel Ferrer, natalakay namin ang relasyon ng nanay sa kanilang anak.
Ibinahagi ni Dulce ang nakakatuwang relasyon ng mag-inang Mommy Caring at Ice Seguerra.
Read: Ice Seguerra mourns the passing of Mommy Caring
Ani Dulce, “Mahaba ang pinagsamahan namin ni Mommy Caring. Kasi maliit pa si Aiza, yung aming yearly na gawain namin sa Quezon, magkasama kami niyan.
“Si Aiza pa yung angel na yung inilalawit para kunin yung belo ng Mahal na Birhen sa Resurrection Sunday.
“Nung malaman ko nga nung sinabi sa akin ng mga anak ko na yun ang nangyari kay Mommy Caring, siyempre hindi ko mapigilan, niyakap ko yung bunso ko.
“Naapektuhan ako kasi, matagal kaming hindi nagkita. But we were always together, like every year.
“And mahal na mahal ko si Aiza, and si Mommy Caring ay ibang klase. Ang sabi ko nga, the best rockstar mommy in the world, no?”
Nakikita raw niya kung paano suportahan ni Mommy Caring si Ice.
“And you know si Aiza, napakapalad niya sa mommy niya. Yung pagtayo talaga ni Mommy Caring to protect him, and talagang yung buung-buo yung pagmamahal… si Mommy Caring, never nawala.”
Kagaya ng halos lahat na nanay, ganundin ang mga showbiz mom kung paano nila suportahan ang kanilang anak.
Kahit hindi man nasunod ang gusto nilang mangyari, iginagalang nila ang piniling buhay ng kanilang mga anak, kung ano man ang gusto nilang mangyari.
Nakikita natin iyan kay Mommy Caring.
“Totoo yung sinabi ni Aiza, na kahit ano pa ang ginagawa niya sa buhay, nandun si Mommy Caring.
“And I just want to honor Mommy Caring sa araw na ito. I love her, marami kaming experience, marami kaming napagkuwentuhan.
“Alam kong nagkulang na ang mga panahon nitong mga huling araw, ngunit hindi siya nawala sa puso ko, at ganun din ang pagmamahal ko kay Aiza,” saad ni Dulce.
JERRY OLEA
Hindi ikinakaila ni Dulce na may mga pinagdaanan din siya sa kanyang mga anak.
Ang payo niya sa mga nanay na dumadaan sa ganoong pagsubok, “Kahit sino ang mga magulang na dumadanas sa ano mang pagsubok sa mga anak, huwag tayong tumigil manalangin.
“Ako naman, madami akong pinagdadaanan sa mga anak. Pero huwag mong tigilan ang pagtaas sa kanila sa trono ng biyaya at kahabagan sa ating Panginoong Diyos, and to bless them.
“Never speak ill. Never speak anything bad, o mga sumpa-sumpa na yan, kasi pinanggalingan ko iyon.
“Mabigat iyon, e. Kapag nagbitaw tayo ng sumpa sa mga anak, sila rin ang magsa-suffer. Ikaw na nakikita mo, masasaktan ka rin.
“If you remember anything na nagbigay sa iyo ng sakit, just say forgive. Lord, I forgive. And then bless… forgive them ang bless.
“Kasi kapag bine-bless mo sila, binibigay mo rin ang puso ng Panginoon, dahil lahat tayo crineate ng Diyos. Connected tayo sa Diyos,” madamdaming pahayag ni Dulce.
Hindi maiwasang masaktan ka, magagalit. Pero ang sabi ni Dulce, huwag daw magsalita nang hindi maganda sa inyong anak na nakasamaan ng loob.
“Unang-una, bumibigay yung dibdib mo, iiyak ka,” pakli ni Dulce. “Hinahayaan kong ibuhos ko yung… siyempre masama yung loob mo, hindi mo naman maitatanggi. Ahhh... iiyak mo.
“Pero kahit na gaano kasakit ang ginawa ng anak mo sa iyo, hindi mo makuhang magalit.
“I mean sa akin? Experience ko. Masaktan ako, okey. Magtatampo ako, pero hindi ko makuhang magalit.
“Maaring lalayo ako. Maaring iwas na ako, pero hindi ko makuhang magalit sa anak ko.
“Actually, you can only do so much, e. Hindi mo rin puwedeng idikta, really.
“Kasi naniniwala din ako na maituturo mo lang sa kanila sa panahong nasa kanilang kabataan pa hanggang sa oras na nagkaroon na sila ng sariling pang-unawa. Hindi mo rin maipipilit.
“Ang alam ko lang, inilalagay ko sa kanila kung ano yung tama, kung ano sa alam kong mabuti,” saad ni Dulce.
NOEL FERRER
Kasama nina Direk Rowell Santiago at Sari Villar, with Homer Flores as musical director, isang OPM Tribute Birthday concert ang handog namin kay Dulce sa kanyang 64th birthday.

Sasamahan si Dulce ni Arman Ferrer at ng mga anak niya na choice niya talagang makasama sa espesyal niyang birthday concert.
Makukuha ang tickets sa Ticketworld at talagang maaaliw at mapapahanga kayo sa husay ng boses at sa napakakulay na buhay ng ating Asia’s Timeless Diva na si Dulce.
