JERRY OLEA:
Mag-iisang taon na mula nang maganap ang kontrobersiya sangkot si Sandro Muhlach at dalawang independent contractors ng Kapuso Network.
Hulyo 20, 2024, Sabado naganap ang GMA Gala sa isang hotel sa Pasay City.
Madaling-araw ng Hulyo 21—after the party—nang mangyari ang insidenteng pang-aabuso diumano nina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz kay Sandro.
This year, Agosto 2 gaganapin ang GMA Gala. Imbitado ba roon si Sandro?
"Yes, invited po, pero undecided pa rin kung pupunta or not," sabi ni Sandro.
Nakatsikahan ko si Sandro sa premiere night ng pelikulang Unconditional noong Hunyo 17, 2025 sa The Block, SM North EDSA, Quezon City.
Kumusta na ang pakiramdam niya?
"Getting better dahil yun nga, sunud-sunod naman yung mga project so eto na, bumabawi ako this year," tugon ng panganay ni Niño Muhlach.
NINO MUHLACH'S UPDATE ON COURT HEARING
Nakatsikahan ko naman si Niño sa burol ni Manay Lolit Solis nitong Hulyo 5, Sabado ng gabi, sa Aeternitas Chapels & Columbarium sa Commonwealth Ave., Batasan Hills, Quezon City, katabi ng St. Peter Parish: Shrine of Leaders.
Pagbabalita ni Niño, lumipad pa-U.S. si Sandro noong Hulyo 3, Huwebes. Mag-i-stay si Sandro sa lola nito, iyong mommy ni Niño.
"Babalik din agad siya kasi may hearing kami. Sa July 21 yata. Ako na ang uupo, first time kong uupo," saad ni Niño.
Dagdag ni Niño, nauna nang "nakaupo" sa hearing si Sandro at ang nobya nitong si Shanelle Agustin.
Tungkol sa GMA Gala 2025, sinabihan daw ni Niño si Sandro na um-attend.
"Kumbaga, para lang… maka-get over na. Pero ayaw niya!" bulalas ng dating Child Wonder of Philippine Movies.
WHAT NIñO MUHLACH TOLD SON SANDRO
Nasa GMA Sparkle pa rin si Sandro, at may guestings ito sa TV shows.
Sinabihan daw ni Niño ang panganay na mag-concentrate sa ensaymada business ng kanilang pamilya, pero mas gusto nitong mag-artista.
"Si Alonzo, mukhang sa negosyo magko-concentrate," sey pa ni Niño, na ang tinutukoy ay ang kanyang bunso.
Read: PBB: Celebrity Collab Big Night highlights
GORGY RULA:
Dala pa rin ni Sandro Muhlach ang anito'y trauma mula sa insidente.
Sana, malagpasan na niya at maipagpatuloy na niya ang kanyang buhay. Sana, mabigyan din siya ng maayos na project para mapatunayan ang kanyang pagiging aktor.
Ongoing na ang kaso, at hindi na umuusad ang career ni Sandro, pati na rin ang dalawang independent contractors.
May ilang nasa production staff ang gusto sanang makabalik sa pagtatrabaho ang isang independent contractor.
Pero yung isa ay ayaw na nila. Nanghihinayang kasi sila sa galing at kabaitan ng independent contractor na ito na tingin nila ay nadamay lang sa ginawa nung kasamang independent contractor.
Read: Walong kapatid ni Shuvee Etrata, pinaalis sa tirahan sa Cebu
NOEL FERRER:
Ang nangyayari kay Sandro at sa dalawang independent contractors ng GMA ay symptomatic ng lagay ng hustisya sa ating bansa. Mabagal. Nakakapanghinayang. At napakahirap mag-move on.
Kung ang mga ganitong kaso ay matagal bago maresolbahan, paano pa kaya ang ibang mas malalaki pang kaso, lalo pa’t may involved pang mga kilala at may kapangyarihan?
Kailangan bang i-ICC na lang ang mga iyan? Hayyyy naku!
