JERRY OLEA
“A New Era for Philippine Cinema” ang tema ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), kung saan sa unang pagkakataon ay ang Makati City ang host city.
Pinangunahan nina MMFF Over-all Chairman Romando “Don” Artes at Makati City Mayor Nancy Binay ang announcement ng first four entries ng MMFF51 noong Hulyo 8, 2025, Martes, sa Glorietta Palm Drive Activity Center.
Mula sa 23 scripts na isinumite sa Selection Committee headed by Boots Anson Roa-Rodrigo, ang apat na napili ay:
Call Me Mother — comedy-drama starring Vice Ganda and Nadine Lustre, sa direksiyon ni Jun Robles Lana.

Manila’s Finest — crime thriller starring Piolo Pascual, sa direksiyon ni Rae Red.

Rekonek — family drama starring Carmina Villarroel, Zoren Legaspi, Gerald Anderson, Gloria Diaz, and Alexa Miro, sa direksiyon ni Jade Castro.

Shake, Rattle & Roll: Evil Origins — horror trilogy starring Ivana Alawi, Richard Gutierrez, Carla Abellana, Janice de Belen, Kaila Estrada, Manilyn Reynes, Francine Diaz, Seth Fedelin, Dustin Yu, Fyang Smith, JM Ibarra, Ashley Ortega, Ysabel Ortega et al., sa direksiyon nina Shugo Praico, Joey de Guzman, at Ian Loreños.

Read: First four official entries to MMFF 2025 announced
Pahayag ni Chairman Don Artes: “Nakita niyo naman siguro yung first four entries natin based on script. Very promising.
"Magaganda, malalaki ang artista. At magagaling ang mga direktor.
"Hopefully, yung next four natin based on the finished films ay magaganda rin, at excited din tayo.
“And hopefully, ito pong 51st edition ng MMFF ay mag-a-usher sa new era ng Philippine cinema.
“So, abangan po natin lahat at sana, suportahan.”
SUBMISSION OF FINISHED FILMS
Ang deadline ng submissions ng finished films ay sa Setyembre 15, Lunes.
I-a-announce ang remaining four entries ng MMFF51 sa Setyembre 30, Martes.
Bakit ibinalik sa walo ang official entries ng MMFF? Bakit binawasan ng dalawa?
Paliwanag ni Chairman Don Artes: “We are expecting eight movies lang because yung ten, medyo nahihirapan na kaming mag-distribute ng cinemas, or ng slots doon sa ten.
“And hopefully, ito ang magbibigay-daan upang lahat ng pelikulang kalahok ay kumita at maging maganda ang resulta sa takilya.”
Inamin ni Artes na nahirapan ang Selection Committee sa pagpili ng first four entries dahil maraming magagandang script na isinumite.
“So, may 19 pa, na hopefully gawin din nila… masyado raw pong close yung botohan at pagpili,” pagtatapat ni Artes.
NOEL FERRER
Kasado na ang schedules ng 51st edition ng MMFF.
Sa Oktubre 30, Huwebes, ang mediacon.
Sa Nobyembre 12, Miyerkules, ang Celebrity Golf Tournament.
Sa Disyembre 19, Biyernes, ang Parade of Stars.
Sabi ni Mayor Nancy Binay: “At the moment, pinag-uusapan pa namin ni Chairman kung saan talaga namin gagawin ang parada.
“But sa aking mga kababayan dito sa Makati, suportahan at abangan po natin ang Parade of Stars.
“First time ito na mangyayari, magkakaroon ng parada ng MMFF sa Makati City.”
Siyempre pa, sa Disyembre 27 ang awards night, na gaya ng ibang MMFF 2025 activities ay iho-host nina Enchong Dee at Kaladkaren.
Maraming bonggang venues sa Makati City para sa mediacon at awards night ng MMFF51.
Handa na rin bang sumuporta sa MMFF51 ang mga taga-Makati?
Tugon ni Mayor Nancy, “Oo. In fact, napag-uusapan na rin namin ng aking mga department heads yung mga gagawin naming support para dito sa MMFF.”

GORGY RULA
Umabot daw sa PHP820M ang kinita sa takilya ng 50th Metro Manila Film Festival.
Malalagpasan kaya iyon ng MMFF51?
Sagot ni Chairman Don Artes: “Hopefully, hopefully. Paganda naman nang paganda yung ino-offer natin na mga movies.
“And hopefully, suportahan ng mga kababayan natin itong walong pelikula na magiging kalahok.”
Inaasam ni Artes na maka-PHP900M ang MMFF 2025.
“Sabi ko kay Chairman, P1B!” bulalas ni Mayor Nancy.
Tungkol sa Final 4 official entries, ang sabi ni Chairman Don Artes: “Di ba, nili-limit naman natin na two movies per genre. So we expect na magkaroon pa ng mga other options.
“Gusto namin sana, may pambata, para lahat ng klase ng audience ay ma-cater natin, at mas maraming tumangkilik at manood sa sinehan.”
Siyangapala, kabilang sa beneficiaries ng MMFF ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), Film Academy of the Philippines, Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at the Film Development Council of the Philippines (FDCP).
