JERRY OLEA:
Umuwi sa Pilipinas si Arsenio “Ar” de Dios (Zanjoe Marudo) matapos ang limang taong pagtatrabaho bilang chef sa Dubai, United Arab Emirates.
Ang sumundo kay Ar ay ang fiancée na si Helen (Kim Rodriguez). Sinorpresa ni Ar ang kanyang pamilya na nakatira sa Quiapo, Manila.
Sa paglipas ng mga araw, nasorpresa si Ar sa mga natuklasan niya sa kanyang pamilya.
Iyan ang buod ng pelikulang How To Get Away From My Toxic Family (HTGAFMTF) na nagtatampok din kina Susan Africa, Richard Quan, Sherry Lara, at Nonie Buencamino, sa direksyon ni Lawrence Fajardo.
Ano ang natutunan ni Zanjoe o Z sa pelikula na maia-apply niya sa totoong buhay? “Lesson, lesson na natutunan,” sambit ni Zanjoe.
ZANJOE MARUDO ON LESSONS FROM THE FILM
Humarap siya sa mediacon matapos ang special screening ng movie noong Hulyo 21, 2025, Lunes sa The Block, SM North EDSA, Quezon City.
“Yun talaga, e, para sa akin—yung boundaries. Kailangan mong mag-set ng boundaries.
"Kasi sa personal ko, hangga’t kaya ko, tutulong ako kung kailangan.
"At kung talagang maaapektuhan yung sarili kong pamilya o yung sarili kong mga pangarap sa buhay, siguro doon na ako magse-set ng boundaries na hanggang dito na lang."
Paano siya naka-relate kay Ar? Paano siya humugot ng emosyon considering na ang tatay niya ang nag-OFW?
"Kasi ako naman ano, e, ahhh, simula’t sapul, hindi talaga ako doon sa… pag may project ako, pag may character akong ginagawa, nahihirapan ako actually na humugot sa personal experiences," pagtatapat ni Zanjoe.
"Oo, tama, nasa ibang bansa yung tatay ko. Doon siya nagtrabaho sa Amerika. At ngayon nandoon na rin ang tatlong kapatid ko. At doon na rin nagpamilya at nagtatrabaho.
"Hindi ko masasabi na may pagkakaparehas. Siguro iyong magkahiwalay kami nang matagal na panahon, mas doon ako naka-relate.
"At mas doon ko naramdaman iyong hirap, at saka iyong mga struggles pagka malayo ang pamilya. Lalo na pag magulang mo ay malayo sa iyo.
"Di ba, lumalaki kang… siyempre kulang ka sa guidance kahit papaano. Nasa sa iyo yun, at doon na rin ako natutong maging independent sa maagang panahon."

MESSAGE TO HIS CHARACTER
Ngayong batid niya ang kuwento ni Arsenio, ano ang maipapayo niya rito?
Napangiti si Zanjoe, “Mag-leave ka sa chat group. Huwag ka nang magbasa ng chat group.
"Good job, Arsenio. Magkakaroon ka ng magandang karma balang araw dahil sa kabutihan mo sa pamilya mo."
Nakatakdang ipalabas ang How To Get Away From My Toxic Family sa Hulyo 30, Miyerkules, exclusive sa SM cinemas.
NOEL FERRER:
Ang huling pelikula ni Zanjoe Marudo before HTGAFMTF ay ang Keys to the Heart na nag-streaming noong Oktubre 2023 sa Netflix.
Ang huling teleserye niya ay Dirty Linen (Enero-Agosto 2023).
"Nag-break muna ako ng siguro two years. Inasikaso ko muna ang aking personal na buhay," lahad ni Zanjoe.
"At ngayon ako po ay masayang-masaya sa aking estado kung nasaan man ako ngayon kasama ang aking sariling pamilya.
"At eto po ngayon, bumabalik ako sa pelikula at nakakatuwa na ganitong klaseng project yung naibigay sa akin.
"At ang ganda naman ng timing dahil ito yung isa sa mga issues na nababasa ko, nakikita ko sa Internet ngayon.
"Napapanahon yung ganitong klaseng istorya. Simple man ang aming istorya pero napakalalim po ng hugot na inaabot nito sa puso.
"Dahil lahat tayo, may pamilya. Lahat tayo, anak. Lahat tayo, kapatid. Yung iba sa atin, naging magulang na rin."

BACK TO WORK AFTER TWO YEARS
Balik-acting na ba siya? Magpapakaaktibo na siyang muli sa pag-aartista?
"Yes, magandang simula na ito. Malapit na uli akong magsimula sa panibago kong pelikula. Excited din ako," saad ni Zanjoe.
Ano ang natutunan niya sa quiet acting ni Susan Africa bilang nanay niya na si Aurora de Dios?
"Actually, mas nag-e-enjoy ako sa mga eksena sa pelikula na tahimik, e, more than doon sa maraming dialogues,” tugon ni Zanjoe.
"Kasi mas nararamdaman ko yung tension ng bawat character sa mga mata nila.
"Kahit hindi nagsasalita yung mga characters, mas doon nararamdaman.
"As an audience, parang mas doon mo nararamdaman yung problema ng pamilya. Yung tensyon, yung bawat character."
Pagpapatuloy ni Zanjoe: "Makikita mong iba-iba yung pinagdadaanan, at yung koneksyon nila sa bawat isa.
"Wala, iba talaga si Nanay, e. Naging magnanay na kami na mahal na mahal namin ang isa’t isa, hindi kami nag-aaway sa The Broken Marriage Vow.
"And nakakatuwa na dito, iba naman yung dynamics namin ni Tita Susan.”
GORGY RULA:
Hindi masasabi ni Zanjoe Marudo na mas malapit si Arsenio de Dios kumpara sa ibang mga karakter na ginampanan niya.
"Isa sa pinakamahirap, masasabi ko. Hindi siya madali," pahayag ni Zanjoe.
"Kasi unang-una, nakita niyo naman, wala kaming mga big scenes, o maraming locations.
"Ang talagang istorya na pinakabida rito, e, yung bahay namin, yung bahay nung buong pamilya.
"Nakakatuwa na kahit doon lang kami naglaro, kahit doon lang tumatakbo ang istorya, para sa akin, isa ito sa mga characters na may pinakamaraming tatamaan o mas maraming makaka-relate, at may makukuhang aral.
"Kaya masasabi kong isa ito sa Top 5 ko na characters na nagustuhan ko at pinaka-hindi madaling nagawa."
Read: Vice Ganda skips work to play in the rain with Nanay Rosario
ON PROJECT CONSIDERATIONS
Makabuluhan ang How To Get Away From My Toxic Family. Ganitong klaseng pelikula na lang ba ang pipiliin niya?
Hindi na siya puwedeng magpa-sexy gaya ng ginawa niya sa pelikulang Malaya (2020) with Lovi Poe? Bongga ang butt exposure niya roon.
Natatawang sagot ni Zanjoe, “Puwede pa, kaya pa!”
Wala pa rin siyang limitations? "Hindi naman," bawi ni Zanjoe.
"Actually, iyong Malaya naman ay isang napakagandang script din," pagmamatwid ni Zanjoe.
"Hindi ko naman nakitaan yun ng script na parang may pagka-sexy. Depende pa rin, e.
"Like ito, family drama. May mga nagawa na akong family drama na pelikula at mga teleserye."
Balik ni Zanjoe patungkol sa pelikula, "Pero ito, iba, e. Diretso. Diretso iyong atake niya. Wala kaming iniwasan. Ito yung project na sabi nga nila, after matapos, parang magkakaroon ng discussion.
"Isa na yun sa pinakamagandang fulfillment bilang aktor, na merong discussion after mapanood iyong pelikula.
"Eto nga, di ba, parang hindi natin hinaharap yung mga ganitong klaseng sitwasyon sa pamilya natin, sa buhay natin. Dahil siguro hindi natin tanggap."
Read: GMA News reporter Bernadette Reyes, sinagot ang bastos na netizen
A CONVERSATION STARTER
Hangad ni Zanjoe na may baon ang mga manonood pagkatapos mapanood ang pelikula.
"Pero kung may ilang pamilya, o ilang miyembro ng pamilya na makanood nitong pelikula at hindi nila pinag-uusapan yung ganoong klaseng ka-toxic-an sa loob ng bahay nila, sa pamilya nila…
"Sana, kahit papaano, hindi man nila pag-usapan after nilang manood ng pelikulang ito, may mabago sa mga ugali nila, at sa mga relasyon nila sa loob ng bahay nila.
"Kahit hindi nila pag-usapan buong pamilya, dahil sa movie na ito, medyo natamaan or may reflection. Isa nang malaking fulfillment sa akin yun kumbaga."
Matapos ang Q&A at bago mag-photo op ang cast, may pa-birthday cake para kay Zanjoe.
Kinantahan si Z ng mga nasa special screening.
Ang kanyang birthday wish, “Wish ni Arsenio, sana po safe tayong lahat sa bagyo. At sana umayos na ang ating panahon, ang bansa, at ang bawa’t pamilya dito sa ating bansa sa Pilipinas.
“Ayun, sana maraming sumuporta sa pelikula namin… maraming-maraming salamat po!”
