JERRY OLEA
Nagsanib-puwersa ang Film Development Council of the Philippines (FDCP), Film Academy of the Philippines (FAP), at Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) sa Araw ng Pagkakaisa ng Pelikulang Pilipino noong Agosto 9, 2025, Sabado, sa Valencia Events Place, Quezon City.
Pahayag ni FDCP Chair Jose Javier Reyes: “Utang na loob, kagabi ko pa pinag-iisipan kung ano ang sasabihin ko kaya pagbigyan nyo na ako nang sandali!
“Ngunit bago ang lahat, again gusto ko lang magbigay-pugay sa mga senior stars natin. Kina Tita Eva [Darren], Tita Perla [Bautista], kay Pepito Rodriguez at Marita Zobel.
“Kung wala kayo, wala kami dito. Dahil ang kasaysayan ng pelikulang Pilipino ay hinubog ng mga imahe na iniwan ninyo.
“Bigyan nga natin sila ng malaking palakpak!”
Read: Walong Libong Piso actors, kanya-kanyang frontal nudity pasabog; Anino, mas intense ang pagbabalik
Masigabo ang palakpakan ng mga nasa pagtitipon, na dinaluhan din nina National Artist Ricky Lee, Mowelfund Chairperson Boots Anson Roa-Rodrigo, FAP Director General Paolo Villaluna, Mowelfund President Rez Cortez, Senator Tito Sotto, Senator Jinggoy Estrada, at Congresswoman Lani Mercado.
Present din sina Pilar Padilla, Odette Khan, Ronnie Lazaro, Bembol Roco, Jaime Fabregas, Leo Martinez, Edu Manzano, Direk Laurice Guillen, Joel Saracho, Rhene Imperial, Archi Adamos, at marami pang iba.
Si Butch Francisco ang host ng programa.
PAGPUPUGAY AT PAMAMAALAM
Pagpapatuloy ni Direk Joey Reyes, “Unang-una, gusto kong pasalamatan kayong lahat sa pagdalo ninyo dito dahil totoo ang sinabi ng aking kaibigang si Butch Francisco.
“Napakahalaga ng pagsasama natin sa hapon na ito… Gusto ko lang sabihin kung gaano kahalaga na nagkasama-sama tayo dito.
“Dahil alam naman natin kung ano ang estado ng pelikulang Pilipino, OK.
“Ang pagsasamang ito ay isang pagpupugay at pagpapakilala, at kanina dahil doon sa ipinalabas natin [na In Memoriam 2025], isang pagpapaalam sa mga tao na napakahalaga sa atin.
“Hindi lamang ang mga National Artist na Nora Aunor o kaya sina Tita Pilita [Corrales], o kaya ang isa sa pinakamamahal kong kaibigan, si Ricky Davao — kundi pati ang mga checker, na mga maliliit na tao.
“Lahat sila ay bahagi ng ating industriya. Lahat sila ay dapat bigyan natin ng pagpapahalaga.”
Nagpalakpakan muli nang masigabo ang stakeholders at personalities na dumalo sa Araw ng Pagkakaisa ng Pelikulang Pilipino.
“Ang purpose ng hapon na ito ay ating pagsasama at pagkakaisa,” lahad ng multi-awarded director-scriptwriter.
“Bakit? Sa kauna-unahang pagkakataon na hindi ko maipaliwanag kung bakit ngayon lang nangyari ito, na nagkatugma ang Film Development Council of the Philippines, ang Film Academy of the Philippines, at ang Mowelfund.
“Dalawang ahensya na ngayon ay bahagi na ng pamahalaan dahil recently, ang Film Academy ay under the Office of the President na, at may sarili na siyang budget, OK.
“Hindi na siya umaasa, OK, sa kontribusyon ng MMFF, OK, kaya mayaman na si Paolo Villaluna, OK.
“Kaya kuwartahan nyo siya! OK,” pagbibiro pa ni Direk Joey, bago nagpatuloy, “may budget na siyang talaga. At higit sa lahat, sa lahat ng guilds, napakasuwerte ninyo.
“Na ngayon, ang Film Academy ay kinikilala na bilang bahagi ng ating pamahalaan sa ilalim ng upisina ng Presidente at under the supervision of the Department of Trade and Industry, OK.
“And then, OK, ito rin ang pangangailangan na magkaroon tayo ng unified purpose.
“Guys, alam nating lahat na suwerte-suwerte lang na may pumatok na pelikulang Pilipino.
“Suwerte-suwerte lang. “Sa katunayan, masaya nga kami dahil ang balita ang balita sa amin ni Dominic Du, meron daw kumikitang pelikulang Pilipino ngayon.
“Hindi kasinlakas katulad ng dati, pero ang importante, kumikita siya.
“Pumalakpak naman kayo. Lahat tayo, makikinabang diyan, OK.
"At ikalawa, alam natin na may dalawang pelikula na hindi lamang kinikilala sa galing kundi worldwide siyang kinikilala.
“Ito ay ang Sunshine ni Antonette Jadaone, OK, at ang Food Delivery ni Direk Baby Ruth Villarama.
“At saka soon, maipapalabas na rin, ang nag-open sa Cannes last May, ito ay ang Lav Diaz’ Magellan.”
Read: Lian Paz details how Paolo Contis reached out to visit kids
GORGY RULA
Nakatatlong weekend na sa mga sinehan ang Sunshine na bida si Maris Racal.

Nag-block screenings ang documentary na Food Delivery: Fresh From The West Philippine Sea, at ipapalabas sa piling Ayala Malls cinemas umpisa Agosto 13, Miyerkules.

In-assure ni Direk Paul Soriano na ipapalabas sa Pilipinas this year ang Magellan kung saan title role si Gael Garcia Bernal.

Inaabangan din ng cineastes ang historical film na Quezon kung saan bida si Jericho Rosales.
Oktubre 15, 2025 ang playdate nito.

TANGKILIKIN ANG SARILING ATIN
Sabi pa ni FDCP Chair Joey Reyes, “So, ang saya-saya na Agosto pa lamang ay meron nang tatlong pelikula tayong namamayagpag at puwede nating ipagmalaki sa mundo.
“Pero hindi ito sapat, e. Ang dapat nating ma-realize, na magpakatotoo tayo, hindi mo maiaasa ang lahat sa gobyerno, OK.
“Kahit ano ang gawin namin sa FDCP, kahit ano ang gawin ng Film Academy, kahit ano ang gawin ng Mowelfund — kung hindi tayo nagkakaisa at mayroon tayong natatanging layunin na iangat ang pelikulang Pilipino, at bigyan uli ng sigla katulad ng naranasan natin bago magpandemya — walang mangyayari sa atin.
“Alam natin ang epekto ng streaming. At kung bakit wala nang nanonood sa mga sinehan.
“Alam natin ang epekto ng pagkakaiba ng kaisipan ng mga tao kung ano ang kanilang papanoorin sa sinehan.
“Pag hapon, takang-taka ako, e. You know, Tita Boots, sabi ko, ‘Teka muna, bakit ang tao, gumagasta ng libu-libo para manood ng teatro o ng konsiyerto? Pero apat na daang piso, nag-aalumpihit at ayaw manood ng pelikula.’
“Ano ang nangyari? Bakit ngayon may isang pelikula na hindi ganoon kalakas ang promo pero kumikita?
“Ang dahilan, sa mga producers natin, ito ang challenge. Hindi na puwede tayong gumawa ng mga pelikula na 2018 ang vintage. Nag-iba na ang mga manonood.
“At para sa ating mga manggagawa, kailangang maging propesyonal na tayo. Hindi na tayo puwedeng umasa sa audience ng Pilipino lamang.
“We cannot be happy with the harvest just on our backyard. We must learn to conquer the world. “And never underestimate the genius of the Filipino.
“Palagi ko itong mantra, kung hindi tayo maniniwala sa gawa natin, sino ang maniniwala sa atin?
“Kung ang sarili nating produkto ay hindi natin tinatangkilik, paano natin aasahan na ang banyaga ay maniwala sa gawa natin?
“So, kailangang ipaglaban natin ito, at ito ay mangyayari lamang kung lahat tayo dito ay nagkakaisa.
“Hindi lamang ang producers, hindi lamang ang mga artista, hindi lamang ang mga guilds, hindi lamang ang mga theater owners.
“Lahat tayo, dapat iisa ang vision, and that is to give back life to Philippine cinema.
“Sayang ang mga ipinundar nina Bernal, nina Brocka, nina Marilou Abaya, nina Manuel Conde, nina Lamberto Avellana.
“Hindi puwedeng manatili lamang tayo sa reputasyon ng Lav Diaz, ng Brillante Mendoza.
“Kailangan buksan na natin ang ating mata at halika, sumugod na tayo, kaya nagkasama-sama tayo dito.
“At ang tatlong ahensya ay handang tumulong sa inyo.
“Pero tandaan ninyo, ang tunay na tulong ay manggagaling lamang sa inyo mismo.
“You have to work hard because the agencies are useless unless you also bring the value of professionalism in your work.”
Read: Kris Aquino goes into preventive isolation in Tarlac: "There may be no tomorrow for me."
NOEL FERRER
Pinasimulan ni Direk Joey Reyes ang Powerpoint presentation upang ilatag ang mga programa ng FDCP.
Ang tatlong main concern ng FDCP ay Education, Professionalization, at Globalization.
Kaugnay sa Education, ang sabi ni Direk Joey: “Naniniwala ang FDCP na ang kinabukasan ng ating pelikula ay nagsisimula mula sa next generation of Filipinos.
“And that is why we give great importance to Education… Nagbibigay kami ng grants para sa mga thesis films sa mga film students, lalung-lalo na iyong mga nanggagaling sa probinsya.
“Alam naman natin, mahal gumawa ng pelikula lalo na kung student ka. Nagbibigay kami ng mga grants, OK, sa mga thesis films.”
ACADEMIC FILM SOCIETY
Itinayo ng FDCP ang Academic Film Society na asosasyon ng film major students mula sa mahigit 70 paaralan at pamantasan.
Ito ay para makapag-network sila. Meron silang convention every two years, kung saan nakikilala nila ang mga propesyonal.
Nagbibigay rin ang FDCP ng workshops at talks sa mga estudyante.
Mainit sa usapin ang Professionalization na isinusulong ng FDCP. Napakahalaga raw nito.
Ani Direk Joey, “Huwag kayong magagalit, ha? Dahil isa naming itinatanging proyekto is bago ka makatrabaho sa isang film, dapat accredited ka.
“Ngayon, ang training. Pag ikaw ay nagtatrabaho na sa film sets for more than three years, OK ka na. Pero kung baguhan ka, hindi ka lang puwedeng sumabak sa set, OK, at maghatak ng kable at saka maglipat ng mga ilaw. Kailangan properly trained ka.
“Dahil alam naman natin the dangers that can happen if and when the person is not properly trained.”
Meron din silang mga workshop at seminar sa technical aspects. Kaugnay rito, maraming proyekto ang FDCP katuwang ang Mowelfund.
Nakikipagtulungan din ang FDCP sa Film Academy sa mga training program. May libreng pa-workshop ang FDCP sa acting, cinematography, at paggawa ng documentary, short film at animation.
“Nakaka-inspire ang ginawa ni Baby Ruth Villarama, e. Na-inspire kami na itulak ang documentary filmmaking, OK,” sambit ni Direk Joey.
Tungkol sa Globalization, ang mantra ng FDCP, “We bring the Philippines to the world. We bring the world to the Philippines.”
Ang mga pinupuntahang filmfest ng FDCP ay Berlinale, Festival de Cannes, Annecy Film Festival, Busan filmfest, at Toronto filmfest na pawang may film market.
“Dati, mas maraming pinupuntahan. Pero naisip namin na hindi naman lahat iyan ay importante, lalung-lalo na kung wala kang pelikulang ipapalabas,” saad ni Direk Joey.
“Hindi ba? Kung pumunta ka sa isang festival, tapos wala ka namang magandang pelikulang ipalabas — nagbakasyon ka, nag-shopping ka. Nag-party-party ka. Ouch!”
May ino-offer na grants ang FDCP para sa international co-production, post production, at big and small production. Meron din silang film location incentives.
Kaugnay sa exhibition support, maraming film showings ang FDCP, sa tulong ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP).
Andiyan ang Cine Singkuwenta, World Cinema Festival, Pelikulaya, Juanflix: The FDCP Channel na malapit nang maging app, Sine Kabatasn, regional festivals, special screenins, at mga pauga sa Cinematheque Centers sa Manila, Iloilo, Davao, Negros, at Nabunturan.
Isinusulong ng FDCP na magkaroon din ng Cinematheque Center microcinema sa Baguio, Bicol, at Cebu.
Read: Lauren Dyogi on PBB’s enduring success: "Casting is key."
