JERRY OLEA
Sulit na sulit ang 40th anniversary concert ni Lani Misalucha na Still Lani noong Agosto 21, 2025, Huwebes, sa The Theater at Solaire, Parañaque City.
Halos tatlo’t kalahating oras ang pauga at pasiklab ni LoLani (Lola Lani) umpisa 8:30 P.M., na nagtapos ng 11:51 PM.
“Ang haba na ng show natin, magsiuwi na kayo!” bulalas ng Asia’s Nightingale.
Ubusan ng “baon”! Meron pa iyong meet-and-greet afterwards!
Nag-standing ovation ang audience sa pag-aria ni Lani ng "Nessun Dorma" (“Let no one sleep” mula sa opera ni Giacomo Puccini na Turandot). Bravo! Bravo!
Sa panghuling number ni Lani na medley, ikalawang encore, nag-request siya sa audience na tumayo at sabayan siya sa pag-indak.
Nagtanggal ng high heels si Lani. Nakayapak siya habang sumasayaw!
Read: Korina Sanchez camp slams Mayor Vico Sotto's "slanderous" FB post
THE FIRST PART: LOUNGE SINGER, MULTIPLEX QUEEN, and musical artist
Mahahati sa tatlong bahagi ang comeback concert na ito ni Lani, batay sa pagpapalit niya ng suot.
Sa umpisa, masigabo na agad ang palakpakan ng mga tao sa pagbubukas ng kurtina kung saan bumungad ang Manila Symphony Orchestra (MSO) under the baton of Toma Cayabyab.
Nag-overture ang MSO ng hit songs ni Lani.
Very Norma Desmond ang dating ni Lani sa pag-entra niya suot ang gold kaftan coat na likha ni Renee Salud.

Swak na swak ang unang awit niya, "As If We Never Said Goodbye" (1994) mula sa musical na Sunset Boulevard.
Sinundan ito ng "Feeling Good."
Nagbalik-tanaw si Lani sa pag-uumpisa niya bilang professional singer.
“Nag-start po kasi ako, five years old pa lang,” pagbibiro ni Lani saka kumambyo.
“Hindi, hindi. Pero you know, 40 years, four decades, marami po tayong napagdaanang mga ups and downs.
“Kaya let’s try na balikan po natin lahat ng iyan ngayong gabi. But as with all things, nothing stays the same. Not even me.
“Kaya tonight may mga sorpresa po ako para sa inyo, whoa! Forty years, 40 years. Puwede na ba kayong mag-sing-along with me?”
Noong banda days ni Lani, kumanta sila sa Manila Hotel, Hotel Intercon, at Mandarin Hotel.
Sinariwa ni Lani ang lounge singer era niya sa mga kantang "Through The Fire" ni Chaka Khan, "Better Days" ni Dianne Reeves, "Promises" ni Basia, "Caught Up In Rapture" ni Anita Baker, "Miss You Like Crazy" ni Natalie Cole, at "Superwoman" ni Karyn White.
Aniya, “Alam nyo, parang kailan lang nga, ano, na when I can only sing what others requested me to sing.
“Iyan po yung time ko na nagbanda ako. I remember, noong magga-graduate yung ate ko from high school… sabi niya sa parents namin, she wanted to take up Music and major sa voice.
“Both my parents, talagang they’re musically inclined. Both my parents, ang gaganda ng boses nila.
“Tapos my dad, he plays piano and all that, pero ayaw po talaga nila kaming ma-involve sa music.
“So eto ako, noong nag-graduate na ako ng high school, since ayaw nila, iba po ang tinake up ko. I took up Business Management.
“Pero almost last year ko na sa college, nagbanda po ako. At tumatakas ako sa nanay ko dahil they don’t want me to be, you know, to be in a band, or in the music industry.”
Bilang Multiplex Queen, inawit ni Lani ang songs nina Celine Dion, Whitney Houston, at Mariah Carey.
Siyempre, nasa repertoire ng Still Lani ang kantang "Magbalik Ka Na, Mahal" mula sa Rama at Sita — The Musical (1999) na tinampukan nina Ariel Rivera at Lani.
Paggunita rin sa theater days ni Lani ang kantang "Ang Pag-ibig ay Totoong Mahiwagan."
Inawit iyon ni Lani nang gumanap siyang Oryang o Gregoria de Jesus sa musical na Andres Bonifacio: Ang Dakilang Anakpawis.
Nagpugay rin si Lani sa singer-songwriter at music producer na si Bodjie Dasig, na lumikha ng mga awit na "Sana, Dalawa Ang Puso Ko," "Sakayan ng Jeep," at "Isang Ulit Man Lang."
Pag-exit ni Lani para magpalit ng outfit ay kinanta ng guests na sina Leanne & Naara, Shaira Opsimar, at Paeng Sudayan ang "You Don’t Have To Say You Love Me."
Read: 73rd FAMAS: Marian, Vice, Arjo, Nadine, Jeric win top acting honors

GORGY RULA
Paskung-Pasko na ang arrive ni Lani Misalucha sa red dress niya created by Nat Manilag.

Pahayag ni Lani: “Noong nag-presscon kami for this concert, may nagtanong na bakit daw hindi ako nag-artista?
“Sabi ko nga, simple lang naman ang sagot diyan — walang gustong kumuha sa akin.
“Which is true! Pero ang hindi ninyo alam, TV and movie star din naman ako kahit hindi ninyo ako nakikita. Wala nga lang acting na involved.
“Dahil po ako ang kumakanta ng mga theme songs ng mga teleserye, at saka mga movies.
“Marami na po akong nagawang theme songs for movies and teleserye. Siguro gusto nila na… feeling ko lang, ha, feeling ko lang… na pang-bold films siguro ako.
“Kaya siguro hindi nila maano.”
Read: Lani Misalucha gives reason why she did not try acting
SECOND PART: THEME SONGS AND MEMORIES
Si Lani ang pumili ng theme songs na kinanta niya sa Still Lani concert, kung saan nagpakita ng snippets sa palabas.
Una, "Starting Over Again" from the 2014 film of the same title, ipinakita ang confrontation scene nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga.
Kasunod, "You Don’t Own Me" mula sa 2015 film na Etiquette for Mistresses, ipinakita ang confrontation scene nina Claudine Barretto at Pilar Pilapil.
Ikatlo, "Iisa Pa Lamang" from the 2008 Kapamilya teleserye, ipinakita ang eksena nina Claudine Barretto at Gabby Concepcion.
At ikaapat, "Ikaw Lang Ang Mamahalin" from the 2011 Kapuso teledrama na kapareho ang pamagat.
“Ang hilig natin sa mga theme songs, ano,” sambit ni Lani.
“Maybe because in a song, a lifetime can live, capturing in just a few minutes the weight of years, whether of love or of pain.
“Siyempre iniisip niyo na ako kaya, meron kaya akong theme song ng buhay ko? Meron, meron.
“Ahhh eto ang eksena, ha, eto… noong 2004, nag-migrate na kami ng husband ko, kasama namin yung napakabatang mga daughters namin. They were just at the time mga 10 and a half, 12 years old yung isa.
“And then, matagal kami doon hanggang sa 2012, nakabalik sila dito. So siyempre medyo lumaki na sila.
“And then they visited our old house. They went to their you know old room, and then sabi nila, ‘Wow! How come it’s this small?!’
“Di ba, minsan ganun, ang liit pala nitong kuwarto na ito?! Pero when you were young, parang napakalaki ng isang lugar, di ba?
“It seems so big. Parang lahat yan, parang napakalaki for you. But when you are a little older, parang maliit na ang mga bagay.
“That moment I realized na ambilis pala talaga ng panahon. Ambilis ng takbo ng mga taon.
“The kids, my daughters are both grown up. They have their own families. I actually have six grandchildren from them.
“Ganun kabilis ang buhay. Yung mga tao sa buhay natin, minsan may mga taong nag-i-stay. May mga taong dumadaan lang.
“Sometimes the people we love have to take the road ahead of us.
“Kaya as much as we can, let’s make the most of our time. Now. With them.”
Tigib ng damdamin ang pag-awit ni Lani ng "First of May" (1969) ng Bee Gees.
Damang-dami ni Lani ang mga huling linya ng awit, “Don't ask me why/ But time has passed us by/ Someone else moved in from far away.”
Ipinakita kapagkuwan sa LED screen ang larawan ng kanyang ina na si Esperanza Bayot na yumao noong Hulyo 3, 2025.
Read: Lars Pacheco admits cheating on longtime boyfriend Clyde Vivas three times

NOEL FERRER
LANI MISALUCHA'S HEALTH CRISIS
Bahagi pa rin ng "Red: segment ang pagsasalaysay ni Lani Misalucha ng health crisis nila ng asawang si Noli Misalucha noong kasagsagan ng pandemya.
“Dumating yung pandemic, marami tayong mga kaibigan na nawala,” lahad ni Lani.
“Pero siyempre, iisipin mo, ‘Wait, essential pa ba ako?’ Kaming mga entertainers.
“Noong time na iyon, bukod sa nagkaroon ng pandemic, may mga napagdaanan din ako sa buhay, you know, mga medical problems.
“Siguro alam niyo na naman siguro yung nangyari, yung nagkasakit na nga ako. Actually, kaming dalawa ng husband ko.
“Tapos ang naging damage ng illness na iyun was hearing loss, tapos yung vestibular disorder, yung nahihilo.
“And yung vision ko, vision naming mag-asawa, gumagalaw. It’s really difficult. Ngayon na lang ako nakakapag-heels uli.
“Before noon, talagang matutumba ako. So ganoon kalala, na akala ko… sinabi ko nga sa sarili ko na ayoko nang kumanta because I cannot even hear my voice.
“Bukod doon, merong tinnitus. Yung continuous ringing in the ear. That one talaga, I… wow! Yun talaga yung nakaka… I wanna say nakakabaliw. Yung tinnitus.
“Na you know… meron siyang ringing, na forever na siyang nandiyan. Imagine that.
“Parang… kailan ito matatanggal?! Pero hindi, andiyan pa rin siya. Naging kasama ko na siya.
“Kaya naisip ko itong song na ito. Itong gagawin ko na song na ito. Kasi pareho iyong kuwento ng kanta na ito.
“Na puwede kang mabaliw because of, you know, unfortunate event. So, eto nga iyon.
“Ang naisip ko na the best ko na kantahin. And I’ve been wanting to sing this song, I just couldn’t find the right time.
“Pero I believe eto na iyon. This is 'Vincent.'”
Ang 1972 song na iyon ay tribute ni Don McLean sa Dutch painter na si Vincent van Gogh (1853-1890).
Sinamahan ng Ben & Ben si Lani sa pag-awit ng "Vincent."
Afterwards ay um-exit si Lani for another wardrobe change. Bilang pagpupugay kay Lani ay inawit ng Ben & Ben ang "Courage" at "Leaves."
Read: Lani Misalucha details impact of hearing loss on singing career

THIRD PART: LANI MISALUCHA PAYS TRIBUTE TO COMPOSERS
Sa third segment na naka-white si Lani — pants by Maxie Cinco, blazer by Edwin Uy — um-ari siya ng Abracadabra, segue sa Nessun Dorma.

Still grateful si Lani kaya nabigyan ng spotlight ang composers ng songs niya na mostly present sa concert.
Kinanta ni Lani sa portion na iyan ang "Malaya Ka Na" ni Jimmy Antiporda, "Tila" nina Liza Diy at Chat Zamora, "Tunay Na Mahal" ni Freddie Saturno, "Hasta La Eternidad" ni Rose del Rosario, "Dahil Sa Iyong Pag-ibig" ni Vehnee Saturno, "Hihintayin Kita" ni Alvina Sy, "Handle With Care" ni Jungee Marcelo, at "Save This Heart" ni Trina Belamide.
Kasunod nito ang new song niyang "Aking Tatanggapin," at ang "Timeless" na dedicated ni LoLani sa anim niyang mga apo.
Pasiklab ang finale ni Lani kasama ang The Ateneo Chamber Singers, ano pa kundi ang "Bukas Na Lang Kita Mamahalin."

11:38 P.M. na natapos pagkanta niyon ni Lani, pero humirit pa ang audience.
Kinanta ni Lani ang 1981 single nina Placido Domingo at John Denver, ang "Perhaps Love."
Ayaw pa ring mag-uwian ang karamihan, kaya inubos ni Lani ang baon nila ni Toma.
Panghuli yung medley, kung saan nagtanggal siya ng heels at umindak with the audience.
May mga nag-selfie at nakipagkamay.
Para sa meet-and-greet, change outfit uli ang Asia’s Nightingale, courtesy ng The Grand Hausse.
Ang Still Lani concert ay handog ng Backstage Entertainment. Kabilang sa sponsors ang Panasonic, GAOC, at Grab. Ang concert director ay si Calvin Neria.
Read: Mayor Vico Sotto calls out broadcasters over Discaya interviews
