GORGY RULA
Nagulat si Gladys Reyes sa dami ng nag-react sa pagpirma niya sa Star Magic.
Ang dating kasi sa karamihan ay isa na siyang Kapamilya, kahit may ongoing show siya sa GMA-7, ang afternoon drama series na Cruz vs. Cruz.
Sa nakaraang mediacon pagkatapos niyang pumirma sa Star Magic, nilinaw ni Gladys na hindi siya nakatali sa isang network.
Puwede raw siya sa Kapuso, Kapamilya, at kahit sa Kapatid network.
Siya naman daw ay “Katrabaho.”
Read: Top taxpayer Vice Ganda hits corrupt officials living off his hard-earned taxes
GLADYS ON WHY SHE SIGNED WITH STAR MAGIC
Pero may mga nagtataka kung bakit pa siya pumirma sa talent management arm ng ABS-CBN gayong madalas namang ang GMA-7 ang nagbibigay sa kanya ng show.
Nagpapasalamat daw si Gladys sa GMA-7 dahil sa mga programang ibinibigay sa kanya. Lalo na itong kasalukuyan niyang ginagawa, ang Cruz vs. Cruz.
Pero nag-alok daw ang Star Magic na i-handle siya at may mga nakalatag sila para sa career ng aktres.
Bukod pa riyan, hindi nakakalimutan ni Gladys na ang ABS-CBN ang nagbigay ng magandang break sa kanya nung nagsisimula pa siya.
“I will always be grateful both sa ABS-CBN, kung saan ako unang nagkaroon ng breakthrough, Mara Clara, at sa GMA-7 for all the shows, especially Cruz vs. Cruz,” pakli ni Gladys.
“Ang nagustuhan ko rin kaya napapirma ako sa Star Magic management dahil bukod sa Kapamilya network, open sila sa mga opportunities to work with other networks, at may collaboration na.”
Nasa Star Magic na rin ang anak ni Gladys na si Christophe Sommereux.
FROM HANDLER TO FAMILY
Samantala, marami ring nagtatanong sa akin kung paano na ang relasyon namin ni Gladys bilang handler niya nung mina-manage pa siya ng namayapa niyang talent manager na si Lolit Solis.
Maayos kaming nagkausap ni Gladys at nilinaw niya sa aking mananatili pa rin akong bahagi ng kanyang showbiz career.
Hindi lang nga showbiz, kundi sa buhay niya dahil hindi lang trabaho ang maganda naming pagsasama kundi higit pa riyan.
Isang pamilya kami ni Gladys, kasama ang iba pang mga naiwang alaga ni Manay Lolit Solis.
Read: Acclaimed director Mike de Leon dies
JERRY OLEA
May nagkokomento ring ang GMA-7 daw ang nagbibigay ng show kay Gladys Reyes, pero bakit hindi ang Sparkle ang magha-handle sa kanya.
Sa aming pagkakaalam, wala namang alok ang Sparkle sa kanya.
Nilinaw ng aktres na hindi siya naghahanap ng manager pagkatapos pumanaw ni Manay Lolit.
Ang Star Magic daw talaga ang nagpursiging i-handle siya dahil nakitaan nilang marami silang puwedeng gawin sa Primera Kontrabida.
Masaya si Gladys sa mga ginagawa niyang show sa GMA-7, lalo na ang Cruz vs. Cruz na lalo pang tumataas ang ratings.
Noong nakaraang Huwebes, August 28, ay naka-7% ito.
Ang My Father’s Wife ay 6.2%, at ang Akusada ay 6.3%.
Kaya dapat talagang may extension ito nang bonggang-bongga, di ba?
Siyangapala, kasama ni Gladys Reyes sa Cruz vs. Cruz si Vina Morales na mina-manage din ng Star Magic at kinuha ng GMA-7.
Read: Vina Morales admits praying for a husband: "Sana makita na niya ako."
NOEL FERRER
Sa ganang akin, karapatan ni Gladys Reyes mag-decide sa sarili niya kung ano ang ikabubuti niya.
Let her do it, and responsibility niya yun.
We just wish her well, really!
