GORGY RULA
Kuntento na ngayon si Alessandra de Rossi sa kanyang career.
Masaya siya sa katatapos lang na pelikulang idinirek niya, ang Everyone Knows Everyone, under Viva Films.
Isa rin siya sa mga bida sa pelikula.
Bale pangalawang pelikula ito ni Alex na siya ang nagdirek. Una ang My Amanda kung saan sila ni Piolo Pascual ang mga bida.
Kakaiba raw ang style niya sa Everyone Knows Everyone na mala-Adolescence ang atake niya.
Read: Mansion ni Amalia Fuentes sa Quezon City, giniba
Ayon kay Alessandra, “Adulting kami, kasi senior yung mga stars ko. Kami yung adult version.
“Parang ganun yun, one night lang kasi yun nangyari.”
Dire-diretso raw ang take na walang cut kaya nire-rehearse nila nang mabuti bago isalang.
“Wala kasing preview. Yung My Amanda kasi, after every take, preview ka,” sabi pa ng premyadong aktres.
A NEW CHALLENGE FOR DIREK ALESSANDRA
Ibang challenge ito kay Alessandra bilang direktor, pero hindi raw siya nahirapan dahil sa galing ng mga artista niya.
Saad niya: “When you have Joel Torre, Gina Alajar, Edu Manzano, Ronnie Lazaro, Ruby Ruiz, JM de Guzman, Angeli Bayani, Kelvin Miranda, madali i-achieve ang lahat.
“Wala akong kaproble-problema sa mga artista ko. First time kong makatapos ng film na yung wala akong naging problema at all, yung ganun.
“Masayang-masaya ako. And then, of course, meron kaming technical director, si Rico Gutierrez.
"Kasi nasa ano ako e, nasa set ako e. Pagdating ko sa set, lines ko na lang ang iniisip ko alam mo yun.
“Na-block na namin, siya na ang bahala dun sa visual side of it.”
May playdate na ang Everyone Knows Everyone sa October 22.
Pero mapapanood muna si Alessandra sa Cinemalaya (October 3-12, 2025) sa pamamagitan ng pelikulang Republika ng Pipolipinas ni Renei Dimla.
Gagampanan niya sa pelikula ang sarili bilang si Alessandra de Rossi mismo.
“Sabi ko nga, sana magustuhan ko yung sarili ko kapag napanood ko. Kasi feeling ko, hindi ko naman talaga gusto.
“As Alessandra de Rossi, sana naman mag-Best Actress ako dito, charot lang! Nahirapan ako dito!” bulalas ng actress-director.
Read: Maine Mendoza stands by husband Arjo Atayde amid Discaya allegations
NOEL FERRER
Dumating na raw si Alessandra de Rossi sa puntong masaya na siya sa kanyang career.
Puwede na raw siyang mamili ng projects na talagang gusto niya dahil wala na siyang hinahabol na bayarin.
“Ganun na. Matagal na akong choosy, oo. Pero wala na kasi akong binabayaran. Kaya, kaya ko na magsabi na… huwag na yan,” sambit ni Alessandra.
Isinumpa na rin niya sa sarili na hindi na siya mangungutang.
“Ayoko na ng kahit na anong loan, Lord!” bulalas niya.
“Ayoko na talaga! Ayoko na!
"Ayoko na mangyari sa buhay ko yun na may kailangan akong gawin dahil may kailangan akong bayaran. Hindi na.
“Natapos na nung 2016, wala na. 2025 na, never na akong mag-loan,” sabi pa ni Alessandra.
Hindi pa raw niya tiyak kung ano ang susunod niyang gagawin pagkatapos magdirek ng pelikula.
“Minsan, naiisip ko, dapat bang bumalik na akong mag-aral. Naisip ko mga ganyan. Next year, ganyan. Pahinga muna.
“Hindi ko pa alam. Psychology, tapos Culinary, mga ganun.
"Pero kilala ko naman sarili ko, pag may project na naman na ano, makakalimutan ko na naman yun.
“Medyo magulo din naman talaga akong kausap!” natatawa niyang pahayag.
“Pag kumita itong Everyone, magpapahinga ako. Now on its 88th week…” pabirong hirit ni Alessandra de Rossi, ang aking Stellar friend!
Read: Enrique Gil, Franki Russell spotted in Bohol; sparks dating rumors
JERRY OLEA
Napasubo lang daw si Alessandra sa pagdidirek ng Everyone Knows Everyone ng Viva Films.
“Because pinag-iisip ako ni Boss Vic [del Rosario] kung sinong magdidirek. And then, sinabi ko na lang ako para wala nang ibang humawak.
“Tapos nung ano na, nung feeling ko magba-backout na ako nun… ‘Ah hindi, sabi mo, ikaw magdidirek.’ Ha?” saad ni Alessandra sa media conference ng Cinemalaya 21 noong Setyembre 3, 2025, Miyerkules, sa East Atrium ng Shangri-La Plaza, EDSA cor. Shaw Blvd., Mandaluyong City.
ON HAVING DIREK RICO GUTIERREZ AND CARLO CATU
Mabuti at naging madali raw sa kanya ang lahat dahil sa tulong ni Direk Rico Gutierrez na tumayong technical director at si Carlo Catu na nagsulat ng script.
“Buti na lang, nandun si Direk Rico [Gutierrez] saka si Carlo Catu. Sila na lang talaga ang nagra-run ng buong thing, dahil nga pag-artista na ako, artista na ako,” sey ni Alessandra.
Mas nag-enjoy raw si Direk Rico sa ginawa niya sa pelikulang ito.
“Mukhang mas nag-enjoy siya sa amin lahat. Kasi siya yung master of live shows, di ba? The ‘It Boy’ of ano. So, siya ang mas nag-e-enjoy sa totoo lang,” pakli nito.
Gaano naman sila ka-enjoy sa kanilang relasyon?
“Saan papunta yan?” saka kami tinalikuran ni Alex." Tapos na ang interview!”
Pagdating sa personal na isyu nila ni Direk Rico Gutierrez, hindi talaga nagsasalita si Alessandra, pati si Direk Rico.
Read: Ryan Bang's fiancée Paola Huyong takes down engagement photos; sparks breakup rumor
