JERRY OLEA
Nitong mga nakaraang taon, ipinagdiriwang ni Direk Joel Lamangan ang kanyang kaarawan sa isang Spanish restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.
Ang sarap-sarap ng buffet doon. Enjoy rin si Direk Joel at ang mga panauhin sa kantahan session.
Sa ika-71 kaarawan ng multi-awarded director sa Linggo, Setyembre 21, 2025, meron ba uli siyang pa-dinner?
“Wala!” maigting na bulalas ni Direk Joel nang makatsikahan ng PEP Troika noong Setyembre 16, Martes ng gabi, sa loob ng kanyang kotse nang isabay niya ako pauwi sa Makati City.
“Walang ganun. Nagdudusa ang bayan. Ayokong ako ay nagpa-party dahil… parang hindi dapat.”
Read: Claudine Barretto declares herself a daughter of Rico Yan's mom
JOEL LAMANGAN TO DIRECT LUNETA RALLY
Ano ang gagawin niya sa kanyang birthday?
“Magdidirek ako ng rally. Sa Luneta. Meron doong performances, madami. May mga speeches,” tugon ni Direk Joel.
Meron ba siyang TF (talent fee) sa pagdidirek ng rally sa Luneta?
“Wala, wala.”
E, meron ding rally sa EDSA this Sunday, ah?!
“Magkikita-kita rin yan, dyusko! OK yan.”
OK lang ba na magsama-sama sa mga rally sa Sunday ang mga Kakampink o Dilawan, at loyalists o pro-BBM?
“Oo! Huwag lang mga Duterte! Hindi OK yan, mga Duterte.”
Naku! Baka lumahok din ang mga DDS with placards na “Bring Him Home”?!
“Ay, hindi! Hindi sila puwede roon!”
Paano kung bumagyo at bumaha sa Linggo?
“Aba, di ako, hindi na ako tutuloy pag umuulan. Pupunta na ako sa kotse ko at sisilong ako. Dyusko! Hindi ako puwede sa ulan. Magkakasakit ako, no.”
Ano ang birthday wish niya?
Napabuntong-hininga si Direk Joel: “Naku, sana, mahuli na lahat yang mga corrupt-corrupt na yan! Mahuli na lahat yan!
“Sana, magkaroon ng mahuhuling kongresista at senador na talaga namang sila naman talaga ang kumita nang kumita diyan.”
Read: Vice Ganda praised for handling It's Showtime gaffes with poise
NOEL FERRER
Naku, siguradong magkikita-kita tayo nina Direk Joel Lamangan at iba pang mga kasamahan natin sa industriya na may matinding paninindigan laban sa corruption at para panagutin ang ating public officials.
Aminin natin, sobrang nakakainsulto ang bumalandra sa ating dami ng pera na kinulimbat nila sa kaban ng bayan. Nakakagalit!
Kaya kita-kits tayo sa Linggo, sa Luneta at sa EDSA Shrine!
Napakamakasaysayan at makabuluhan naman na mag-birthday sa kalye, di ba, Direk Joel?
Mapagpalayang kaarawan!!!
GORGY RULA
May Misa sa EDSA Shrine sa Setyembre 21, Linggo ng alas dose ng tanghali.
Ini-announce ni Reverend Father Jerome Secillano, rector ng EDSA Shrine, ngayong Martes ng hapon sa Facebook page ng EDSA Shrine:
“The Trillion Peso March on Sept. 21 will be held at the People Power Monument from two o’clock to five o’clock in the afternoon at the corner of Edsa Ave. and White Plains, Quezon City
“It is a Sunday. Our duty to God doesn’t cease when our duty to our country begins.
“Hence, I invite those who wish to join the rally to attend the twelve noon mass at the Edsa Shrine before proceeding to the People Power Monument.
“We do not want the mass, though, to have the tone of protest as it may alienate other people who only wish to pray in peace.
“Together, let us humbly beg the Lord to guide us in doing noble things for our country we deeply love.”
JAGUAR: OPENING FILM OF SINAG MAYNILA
Siyanga pala, kasama si Direk Joel sa pelikulang Jaguar (1979) ni Lino Brocka, kung saan bida sina Phillip Salvador at Amy Austria.
“Taumbayan. Ensemble ako roon,” sabi ni Direk Joel.
Ang Jaguar ang opening film ng 7th Sinag Maynila indie filmfest sa Setyembre 23, Martes, sa Cinema 5 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.

Dadalo si Direk Joel sa opening ceremony ng Sinag Maynila 2025.
May full-length film siya sa indie filmfest, ang Madawag Ang Landas Patungong Pag-asa kung saan bida sina Rita Daniela, Jak Roberto, at Albie Casiño.
Ang apat pang full-length films na magko-compete sa Sinag Maynila 2025 ay Selda Tres, Jeongbu, Cande, at Altar Boy.
Ipalalabas ang entries ng Sinag Maynila 2025 mula Setyembre 24-30 sa Gateway, Robinsons Manila, Robinsons Antipolo, SM Mall of Asia, SM Fairview, Trinoma, at Market Market.
Ticket prices are at P250 per admission.
