GORGY RULA
Parang nahihiya pang sagutin ng character at stage actress na si Geraldine Villamil ang tanong ng PEP Troika tungkol sa kanyang launching movie.
Ito ay ang Cinemalaya 2025 entry ni Renei Dimla na Republika ng Pipolipinas.
Bida rito si Geraldine bilang isang magsasakang ayaw umalis sa kanyang lupa na gagawing dumpsite ng mga basura galing South Korea.
Ni-renounce niya ang kanyang Filipino citizenship at nagtayo ng sariling micronation.
Magaling si Geraldine sa Republika ng Pipolipinas, kung saan kabilang sa suporta niya sina Alessandra de Rossi, Chad Kinis, Kakki Teodoro, JM Salvador, Bon Lentejas, at marami pa.
Read: Angel Aquino on what people don't know about her: "I like girls."

GERALDINE VILLAMIL, THE NEXT EUGENE DOMINGO?
Hiningan namin ng reaksiyon si Geraldine na meron na siyang launching movie.
“Nakakaano yung launching, ha! Hindi ko naman inaano na ako yung bida, pero maganda yung character!” natatawa niyang sagot.
Ikinumpara namin siya kay Eugene Domingo na dati’y pa-support-support lang, pero ngayon ay bida na pagkatapos mag-hit ang Kimmy Dora movie niya noong 2009.
Noong 2011 ay nagbida rin si Eugene sa Cinemalaya entry na Ang Babae Sa Septic Tank.
Tinanong namin kung naisip ba niyang puwede siyang maging the next Eugene Domingo?
“Bibidahin na? Masarap naman talaga gumawa ng magandang material. Bida o support. Masarap talagang umarte,” sagot ni Geraldine.
Hindi binanggit ni Geraldine, pero napag-alaman naming dati pala siyang nagdo-double sa mga pelikula ni Uge.
Ang executive producer ng Republika ng Pipolipinas na si Direk Roman Perez Jr. ang nagkuwento sa amin na mula pa Kimmy Dora ni Eugene ay si Geraldine ang double nito.
Read: Salome Salvi not in exclusive relationship with bf Emil Sandoval
JERRY OLEA
Very timely ang Republika ng Pipolipinas na nataon sa isyu ng corruption sa flood control projects.
Tuwang-tuwa ang mga manonood sa mga patutsada ng mockumentary film na ito sa gobyerno.
Ayon kay Geraldine Villamil, bandang first quarter pa ng taong ito sila nag-shoot at hindi pa mainit na pinag-usapan ang isyu ng corruption.
Lahad niya: “Hindi pa. Wala pa. Wala kaming hinabol [na eksena]. Siniyut namin ito first quarter ng taon.
“Nung nabasa ko yung script, ang una kong ginawa, nag-research ako.
“Kasi hindi ko alam… hindi ako familiar dun tungkol sa garbage ng Korea, isyu ng land grabbing sa probinsya.
“E, si Renei Dimla, nangyari talaga sa kanila. So, binigyan niya ako ng input.
“Kaya nung naintindihan ko na siya, in my own little way, di ba? At least makaka-contribute ako sa information dissemination na may nangyayaring ganito. Meron talaga.”
Sabi pa ng aktres: “Nung ginagawa namin yung pelikula, siyempre meron kang mararamdaman, di ba?
"Yung dissatisfaction, yung parang betrayal. Pero wala yung flood control nun.
“Nung pumutok yung flood control, parang lalong ‘pong’! Sabi na nga, e.
“Parang, pag nakalusot sila once, pag nakalusot sila twice, magtutuluy-tuloy.
"So, eto na nga. So, napapanahon na rin.
“In our own little way, kailangan na nating mag-speak up, di ba? To say something.”
Read: Emil Sandoval speaks about doing adult content with girlfriend Salome Salvi
NOEL FERRER
Umaasa si Geraldine na hindi lang sa Cinemalaya mapanood ang Republika ng Pipolipinas. Sana raw ay magkaroon pa ng ibang venue para mapanood ito ng mga kabataan.
“Nung una kong nakilala si Direk Renei, tinanong ko siya, ‘Bakit mo ito ginagawa? Why are you doing the film?’
“Ang sabi niya, gusto niya to show it to the students also, for education. Kasi kailangan daw makita at malaman ng mga tao, ano yung mga nangyari dati at nangyayari ngayon. Kasi wala na silang idea, e, di ba?
“Nakatutok na lang sila sa phone nila, ganun na lang, di ba?” sabi ni Geraldine.
Nagpapasalamat si Geraldine na sinuportahan siya ng mga magagaling na artista, kagaya ni Alessandra de Rossi na kaibigan daw niya.
“Ang laking tulong si Ms. Alessandra de Rossi, kasi magaan siyang katrabaho at masarap siyang kabatuhan as co-actor,” nakangiting sabi ni ni Geraldine.

Read: Tarlac board member Arron Villaflor removes "pray for Cebu" post amid criticisms
