GORGY RULA
Inilunsad ang mapangahas na mobile entertainment na CinePOP noong Abril 23, 2025.
Ito ay isa sa productions ng Cine Popular Entertainment na pinamumunuan ng writer at direktor sa pelikula at telebisyon na si Albert Langitan.
“Ang CinePOP ay tungkol sa pagiging unapologetic. Matapang, totoo at walang filter,” sabi ni Direk Albert.
Sa logo nito ay ang hashtag #SorryNotSorry.
Ang panawagan daw nila ay "Sorry, Not Sorry on Sensuality."
Higit pa raw sa simpleng aliwan ang CinePOP.
“Gusto naming bawiin ang Filipino sensuality mula sa pagiging bawal, at ipakita ito bilang isang sining — makapangyarihan, mapusok, at lubos na makatao,” pahayag ni Direk Albert.
Read: Dreamboi, dalawang beses na-X ng MTRCB bago nabigyan ng R-18

CINEPOP ON PIRACY
Kaagad na nakakuha ng subscribers ang CinePOP sa halagang P99.99 monthly. Pero inatake sila ng pirata at talagang apektado raw sila.
Saad ni Direk Albert: “Nag-soft launch kami nung April. Nagkataon na hindi ganun kaganda yung platform namin pala.
“It’s a website app, pero meron din kami noon sa Apple and Android.”
Nagtagumpay ang pamimirata sa mga content nila. Kaya napilitan silang tumigil muna sa pag-upload ng mga nagawa nilang content noong huling linggo ng Hulyo.
“Ang galing ng mga pirata, e. Na-pirate na nila yung content namin. So, by intention, hininto namin yung uploading. Hininto namin yung heavy marketing.
“Sinustain lang namin at the very minimum para lang huwag mawala kung ano yung sinimulan namin sa CinePOP,” dagdag ni Direk Albert.
Setyembre 1 umarangkada ang "better, bolder than ever CinePOP."

Read: Pretty and Sexy Actress, nagka-"something" kay Bidang Aktor?
NOEL FERRER
Kung mahina sila at hindi buo ang kanilang organisasyon sa ginawa nilang CinePOP, baka bumigay na raw ang kanilang production.
“Ang laki ng tama sa amin ng pirata. Siguro kung hindi lang kami desidido sa kung ano yung ginagawa namin…” sambit ni Direk Albert.
“Kung hindi lang solid yung organization namin, kung hindi lang medyo malalim yung pinaghugutan namin na bulsa, malamang tumiklop na rin kami.
“Ganun kalaki ang perwisyo na kayang gawin ng mga pirata sa industriya natin. Na ramdam namin dahil maliit na player pa lang kami.
“So, dapat talaga yung piracy dapat matapos yan. Kasi sa kahit na anong format, vertical, sa pelikula man.
“Papatayin, lulugmukin ng mga pirata ang industriya.”
Tiniyak ni Direk Albert na mahihirapan na ang gustong magpirata sa kanilang content.
Aniya: “Totally from ground up, nag-create kami ng bagong platform. Ito yung launch namin ngayon, yung nire-relaunch. Bago na siya ngayon.
“Ito yung reality namin na natutunan — dahil bago nga kami sa ganitong negosyo.
“Kahit anong gawin naming pag-iingat, kahit anong security features ang gawin namin, mapipirata at mapipirata nila yan.
“Ang kaya lang namin gawin is pahirapan sila na ipirata yung content namin.
“O kung mapipirata man nila, pangit yung quality nung mapipirata nila sa ngayon.”
Read: Tessa Prieto posts P120K bail for estafa rap; insists, "I'm a victim."
JERRY OLEA
Hindi natitinag ang VMX (dating Vivamax) sa pagsulpot ng ibang streaming platforms na may mapangahas na palabas.
“Marami. Iba’t iba, marami ngayon, ayoko nang banggitin, baka sumikat, e!” bulalas ng VMX director na si Roman Perez Jr. nang makatsikahan ko sa opening ceremony ng Sinag Maynila 2025 filmfest noong Setyembre 23 sa Gateway Mall, Quezon City.
Iyon ngang ibang mga artista ng CinePOP, galing VMX o AQ Prime. Si Direk Albert Langitan, galing din sa VMX.
“Lumipat. Pero OK lang din kasi produkto. At saka sa amin din kumukuha ng artista, kaya OK lang sa kanila,” saad ni Ditek Roman.
“Pero apparently, yung dalawang group diyan, pang-online lang naman talaga. Pam-Facebook lang. Hindi talaga magiging app.
“Yung iba na app na, hindi ganoon ang subscription.”
Malaking-malaki ang agwat ng VMX sa ibang app sa dami ng subscribers. Apektado ba ang VMX kahit slight?
“Parang masaya pa nga. Kasi parang may bagong market, may bagong pupuntahan,” pagmamatwid ni Direk Roman.
“May bagong outlet yung mga actors na walang trabaho.”
Ang mga artista ng CinePOP na sina Joni McNab, Mika Mendez, Dolf Lopez, at Mark Monares ay kasama sa cast ng sex comedy play na Ang Baklang Nangarap Maging Ricky Lee, na itatanghal sa Nobyembre 15 at 22 sa Teatrino, Promenade, Greenhills, San Juan City.

VMX STARS IN CINESILIP FILMFEST
Samantala, ang mga artista ng VMX ay tampok pitong pelikula ng inaugural CineSilip Film Festival ngayong Oktubre 22-28, 2025. Pam-big screen!
Ipalalabas ang kanilang movies sa sa Cinema 3 ng Trinoma, Cinema 3 ng Market! Market!, Cinema 2 ng Ayala Malls Manila Bay, at Cinema 4 ng Ayala Malls Circuit Makati.
Ang pitong kalahok sa CineSilip 2025 at ang VMX stars na kasama sa cast ay ang mga sumusunod:
Salikmata — Aliya Raymundo, Aerol Carmelo, VJ Vera, at Rinoa Halili
Pagdaong — Angela Morena, Ashley Lopez, Astrid Lee, at Chester Grecia Maria
Azama: Best P*rn Actress — Albie Casiño, Dani Yoshida, at Chloe Jenna
Dreamboi — Jenn Rosa, Migs Almendras
Haplos sa Hangin — Denise Esteban, Angelica Cervantes
Babae sa Butas — Vern Kaye, Arah Alonzo, Karen Lopez, Skye Gonzaga, at Van Allen Ong
Ang Lihim ni Maria Makinang — Aiko Garcia, Micaella Raz, Christy Imperial, at Gold Aceron
Read: Cine Silip Film Festival, pinakamapangahas na film festival
