JERRY OLEA
Nag-open ang historical movie na Quezon sa 260 sinehan nationwide noong nakaraang Miyerkules, Oktubre 15, 2025.
PHP250 lamang ang ticket price nito para sa mga estudyante at guro, basta magpakita ng school ID.
Ibinalita ng producer na TBA Studios noong weekend na mahigit 300 na ang mga sinehan ng pelikula na bida si Jericho Rosales bilang Manuel Luis Quezon.
Kasabay ng Quezon na nag-open sa nga sinehan ang The Marianas Web na tinampukan nina Alexa Ocampo at Ruben Soriquez.
Tila na-pull out agad ito sa mga sinehan. Iyon bang cinemas ng The Marianas Web ay napunta sa Quezon?
Read: SB19, Cup of Joe win big at 1st Filipino Music Awards
NEW MOVIES OPENING ON OCTOBER 22
Palabas pa rin ang Quezon kahit sandamukal nang pelikula ang nag-open sa mga sinehan ngayong Oktubre 22, Miyerkules.
Ngayon ang opening day ng Walong Libong Piso starring Paolo Gumabao, at ng smorgasbord na Everyone Knows Every Juan directed by Alessandra de Rossi.
R-16 ang MTRCB rating ng Walong Libong Piso, at mag-isa sa cast si Paolo.
Palabas ito sa SM Megamall, SM Mall of Asia, SM North EDSA, SM Fairview, SM Southmall, Gateway, Cinerama Isetan Recto, Fishermall QC, Fishermall Malabon, Market! Market!, Gaisano Davao, Gaisano Digos, Gaisano Tagum, at Sta. Lucia.

Ngayon din ang opening day ng Dracula: A True Tale; Roofman ni Channing Tatum; romcom nina Allisson Williams at Mckenna Grace na Regretting You; at Xeno.
Idagdag pa riyan ang Pretty Crazy at Mitski: The Land na exclusive sa SM Cinema; remastered Paranorman na exclusive sa Robinsons World, reissue ng The Goonies na exclusive sa Ayala Malls Cinemas; re-release ng IT at IT Chapter Two na exclusive sa Gateway Cineplex, at re-showing ng The Nun II na exclusive sa Vista Cinemas.
Read: Joaquin Arce, Sofia Pablo join PBB Celebrity Collab Edition 2.0

CINESILIP FILM FESTIVAL
Ngayong ding Oktubre 22 ang first day ng inaugural CineSilip Film Festival sa apat na sinehan — Cinema 3 ng Trinoma, Cinema 3 ng Market! Market!, Cinema 2 ng Ayala Malls Manila Bay, at Cinema 4 ng Ayala Malls Circuit Makati.
Pitong pelikula ang tampok sa CineSilip 2025.
Tatlo lang muna sa mga ito ang mapapanood today, Wednesday, October 22 — Haplos sa Hangin, Pagdaong, at Dreamboi.
Erotic horror ang Haplos sa Hangin na na-X sa unang review ng MTRCB. Maging ang orig poster nito ay disapproved, hindi puwedeng i-display sa mga sinehan.
Tampok dito sina Martin del Rosario, Denise Esteban, Angelica Cervantes, Vincent Pajara, at Jorrybell Agoto, sa direksiyon ni Mikko Baldoza.
Naaprub ang Haplos sa Hangin sa second review noong Lunes, Oktubre 20.

Iyong erotic psychological drama na Dreamboi ay dalawang beses na-X ng MTRCB. Nakalusot ito finally noong Martes, Oktubre 21.
Ayon sa X (dating Twitter) account ng Dreamboi, originally ay naisip ng writer-director na si Rodina Singh na 120 minutes max ang running time ng Dreamboi.
Yung unang materyal na pinarebyu ay 85 minutes. Ang naaprubahan ng MTRCB ay 84 minutes.
Tampok sa Dreamboi sina Tony Labrusca, EJ Jallorina, Jenn Rosa, at Migs Almendras.
Matapos ang premiere screening, may afterparty ang Dreamboi tonight sa Monarch Manila.

Romantic drama ang Pagdaong na idinirek ni Pongs Leonardo.
Tampok dito sina Angela Morena, Astrid Lee, Ashley Lopez, at Chester Grecia.

Bukas, Oktubre 23, Huwebes, ang premiere ng Salikmata at Maria Azama: Best P*rn Star.
Sa Biyernes, Oktubre 24, ang premiere ng Babae sa Butas at Ang Lihim ni Maria Makinang.
PHP275 ang ticket price sa bawat pelikula.
Ang festival pass ay nagkakahalaga ng PHP1,500.
Ang awards night ng 1st CineSilip filmfest ay nakatakdang ganapin sa Oktubre 27, Lunes, sa Viva Cafe, Cubao, Quezon City.
Read: Cine Silip Film Festival, pinakamapangahas na film festival
GORGY RULA
Ayon sa source ng PEP Troika ay naka-P30M ang Quezon sa first five days ng showing nito nationwide.
“Pinagbigyan ng theater owners na madagdagan ng sinehan ang Quezon para sa mga estudyante,” sabi pa ng source ng PEP Troika.
Ngayong Oktubre 22, Miyerkules ng 6:00 P.M., ay may special screening ang Quezon sa makasaysayang Metropolitan Theater sa Maynila.
Ang pagtitipon na ito ay in-organize ni Karylle, na gumanap sa pelikula bilang Unang Ginang Aurora Quezon.

Bukas, Oktubre 23, Huwebes ng 7:00 P.M., ay may special screening naman ang Quezon sa Cinema 6 ng Power Plant Mall, Rockwell Center, Makati City.
Tampok sa Q&A session sina Direk Jerrold Tarog, Benjamin Alves, cinematographer Pong Ignacio, production designer Monica Sebial, at producer Daphne Chiu-Soon.
Kasado na ang worldwide screenings ng Quezon — umpisa Oktubre 30 sa Australia at New Zealand, Oktubre 31 sa US at Canada.
Nasa Facebook page ng TBA Studios ang mga detalye sa worldwide screenings.
STIFF COMPETITION AMONG MOVIES NOW SHOWING IN THEATERS
Mistula ngang may filmfest sa dami ng pelikulang mapagpipilian today. Matindi ang competition!
Sa MMFF 2025 ay ginawang walo na lamang ang entries.
E, ngayong Oktubre 21, ang dami nang pelikula na nag-open ay andiyan pa ang ibang movies na extended ang showing. Labu-labo sa takilya!
Interesting kung alin ang mas tatangkilin ng mga acclang mahihilig sa bold and daring films — kung iyon bang R-16 na Walong Libong Piso o iyong mga R-18 films ng CineSilip filmfest.
Read: Kumusta ang first day ng Quezon sa box office?
NOEL FERRER
Ngayong Oktubre 22, Miyerkules ng hapon, naglabas ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng pahayag kaugnay sa CineSilip 2025.
Nirebyu ng MTRCB ang mga pelikulang kalahok sa unang CineSilip Film Festival upang matiyak na ang bawat likha ay may angkop na klasipikasyon batay sa kontemporaryong pamantayang kultural ng mga Pilipino.
Tampok sa 2025 CineSilip Film Festival ang pitong pelikula na tumatalakay sa iba’t ibang klase ng tema at di-tradisyunal na paraan ng pagkukuwento.
Ayon sa MTRCB, anim sa pitong pelikula ang rated R-18 dahil sa maseselang lengguwahe, karahasan, at sekswal na mga eksena na hindi angkop sa mga edad 17 at pababa.
Ang Ang Lihim Ni Maria Makinang sa direksiyon ni Gian Arre ay kuwento ng isang dalagang lumilitaw at tumatanda lamang tuwing kabilugan ng buwan. Naglalaman ito ng mga eksenang sekswal.
Ang Babae Sa Butas ni Rhance Añonuevo-Cariño ay tungkol sa pagkikita ng isang drayber ng traysikel at isang misteryosong babae sa pamamagitan ng butas sa pader. Tampok dito ang ilang eksenang may karahasan, at sekswal na aktibidad.
Ang Haplos Sa Hangin ni Mikko Baldoza ay tungkol sa pagtataksil at obsesyon ng isang lalaking nasangkot sa bawal na relasyon. Pagnanasa, pagkakasala, at pagtataksil sa sensuwal na paraan ang paksa.
Ang Maria Azama: Best P*rn Star ni Allan Habon ay nakasentro sa pantasya ng isang binata sa pamamagitan ng panonood ng video ng isang porn star.
Ang Pagdaong ni Pongs Leonardo ay tungkol sa isang kilalang manunulat na si Luna, na kinompronta ng isang mag-aaral na nais tuklasin ang mga lihim sa likod ng kanyang mga tula.
Ang Salikmata ni BC Amparado ay kuwento ng isang lalaking napilitang harapin ang kaparusahan ng pakikipagrelasyon sa anak ng isang makapangyarihang pulitiko.
Samantala, ang Dreamboi ni Rodina Singh ay rated R-18 mula X batay sa desisyon ng komite, na nagsabing: “This is the 3rd version of the film Dreamboi submitted for review before the Board. Previous versions were determined to be inappropriate for public viewing.”
Dagdag ng komite, “Dreamboi serves as a meaningful venue for transgender representation in Philippine cinema. Through the character of Diwa, the film portrays the emotional and sexual life of a trans woman with honesty and dignity, moving beyond stereotypes.
“Its treatment of sensuality is symbolic rather than exploitative, expressing the human longing for love, identity and acceptance. Artistically, it uses sound, light, and intimacy to reveal the inner world of desire and isolation often unseen in mainstream narratives.
“While containing explicit material that warrants an R-18 classification, Dreamboi remains valuable for its authentic portrayal of marginalized experience and contribution to inclusivity in Philippine storytelling.”
Binigyang-diin ng Board na mayroong committee system na umiiral para matiyak na ang lahat ng pelikula ay dumadaan sa masusing review batay sa Presidential Decree No. 1986.
Sa kaso ng Dreamboi, nag-submit ang producers nito ng tatlong bersyon. Bawat isa ay masusing nirebyu ng iba’t ibang komite na binubuo ng tatlong magkakaibang Board members — patunay lamang na patas, obdyektib at metikuloso ang prosesong isinagawa ng Ahensiya.
Patuloy na hinihikayat ng MTRCB ang mga magulang at nakatatanda na gamitin ang angkop na klasipikasyon ng Board bilang gabay sa pagpili ng angkop na pelikula para sa kanilang pamilya.
Read: Dreamboi, dalawang beses na-X ng MTRCB bago nabigyan ng R-18
