GORGY RULA
“Guilty” ang hatol ng Branch 2 ng Metropolitan Trial Court ng Bacoor City sa aktor na si Archie Alemania.
Kaugnay ito ng kasong acts of lasciviousness na isinampa ni Rita Daniela laban sa kanya.
Nakasaad sa resolution na ang paghingi ng tawad ni Archie kay Rita ang naging basehan kung bakit "Guilty" siya sa akusasyon ng Kapuso actress.
Read: Rita Daniela, sinampahan ng acts of lasciviousness si Archie Alemania
Nakasulat dito: “Based on the factual finding that the apology text of the accused referred to his actuations inside the car, he effectively admits his complicity which is analogous to voluntary admission that allowed the truthful prosecution of this case.”
Nakasaad din na sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, ang penalty sa ginawa ni Archie ay pagkakakulong ng mula isang buwan at isang araw hanggang isang taon at isang araw.
Kailangan ding magbayad ang aktor ng civil indemnity na PHP20,000 at moral damages na PHP20,000 din.
ARCHIE AND RITA ATTEND READING OF VERDICT
Napag-alaman ng PEP Troika na dumalo si Archie sa pagbasa ng hatol sa kanya kahapon, Oktubre 23, 2025, pero hindi naman siya hinuli at ikinulong.
Ayon sa aming pagtatanong, bibigyan pa ng 15 days ang akusado para makapag-file ng motion for reconsideration o mag-apela.
Gagamitin ng aktor ang ipinost niyang bail.
Dumalo rin si Rita sa pagbasa ng resolution kahapon, at napaiyak daw ito pagkatapos niyang marinig ang hatol.
Sabi ng legal counsel ng aktres, na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, gustong magpasalamat ni Rita sa lahat na mga taong sumuporta sa kanya.
“Of course, we are very happy with the decision. Rita fought and she attained justice. Thanks God,” text ni Atty. Maggie sa PEP Troika.
Read: Rita Daniela details text exchange with Archie Alemania
NOEL FERRER
Sa live episode ng All-Out Sundays noong Linggo, Oktubre 19, sandaling nakausap ng PEP Troika si Rita, at kinumusta namin ang kaso.
Hinihintay lang daw niya ang payo ni Atty. Maggie. Nalaman daw niyang lagi kaming nag-a-update sa kasong isinampa niya.
Maingat si Rita sa kanyang mga sagot dahil sa gag order ng korte.
Sabi ni Atty. Maggie, kailangan tuparin ni Rita ang ibinabang gag order sa kaso.
Sinusubukan din ng PEP Troika na kunan ng pahayag ang legal counsel ni Archie na si Atty. Noel Gracilla, pero ginagawan pa namin ng paraang ma-contact ito.
Bukas ang PEP Troika sa pahayag ng kampo ni Archie Alemania.
Read: Archie Alemania refutes alleged lewd acts toward Rita Daniela
JERRY OLEA
Ang saya-saya ni Rita Daniela sa awards night ng 7th Sinag Maynila filmfest noong Setyembre 28, 2025, sa Cinema 11 ng Gateway Cineplex, Cubao, Quezon City.
Itinanghal siyang best actress para sa pelikulang Madawag Ang Landas Patungong Pag-asa.
Aware kami sa gag order kaugnay sa kaso niya laban kay Archie Alemania kaya hindi namin siya inurirat tungkol doon.
At any rate, inaabangan natin ang development kaugnay sa reklamo ng dalawang showbiz personality laban sa isa’t isa.
Napag-usapan sa socmed ang hidwaan sa kanilang pagitan.
