JERRY OLEA
Dalawang beses na-X ng MTRCB ang erotic psychological film na Dreamboi, isa sa pitong kalahok sa 1st CineSilip Film Festival na ginanap noong Oktubre 22-28, 2025 sa piling sinehan ng Ayala Malls.
Ang Dreamboi ay tinampukan nina EJ Jallorina, Tony Labrusca, Jenn Rosa, Migs Almendras, at Iyah Mina, sa direksiyon ni Rodina Singh.
May cameo rito si Sassa Gurl.
Read: Dreamboi, dalawang beses na-X ng MTRCB bago nabigyan ng R-18
SASSA GURL LAMBASTS MTRCB FOR X RATING OF DREAMBOI
Sa red-carpet premiere ng Dreamboi noong Oktubre 22, Miyerkules, sa Cinema 3 ng Market! Market!, Taguig City, nagmura si Sassa Gurl sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
“T*ng ina niyo, MTRCB!” bulalas ni Sassa Gurl.
Himutok pa ng content creator, bakit ire-rated X ang Dreamboi gayong hindi naman ito porn?
“Hindi naman ako naglabas ng nota dito! Ay!” hirit pa ni Sassa Gurl.
Nang uriratin si Sassa Gurl kung may masasabi siya kay MTRCB Chair Lala Sotto, ang sabi ni Sassa, “Tama na siya! Malala siya! Maldita!”
Sa awards night ng CineSilip noong Oktubre 27, Lunes, sa Viva Cafe, Cubao, Quezon City, humakot ng walong tropeyo ang Dreamboi.
Wagi ito sa mga kategoryang best film, best director (Rodina Singh), best supporting actor (Migs Almendras), best cinematography (Malay Javier), best editing (Arnex Nicolai), best production design (Chips Dai Abando), best sound (Immanuel Varona & John Buquid), at Audience Choice Award.
Extended ang Dreamboi sa mga piling sinehan ng Ayala Malls. Ayon sa X account ng Dreamboi, may 35 screenings pa ito umpisa ngayong Oktubre 31, Biyernes.
Hanggang Nobyembre 4, Martes, ang pagpapalabas nito.
Read: Dreamboi, humakot ng awards sa 1st CineSilip Film Festival
MTRCB SUMMONS VIVA
Ngayon din lang Oktubre 31, Biyernes ng hapon nakatanggap ang PEP Troika ng kopya ng press release ng MTRCB na ipinatawag ng ahensya ang Viva Communications, Inc. para sa isang dayalog sa Nobyembre 4, Martes.
Kaugnay ito sa pagmumura ni Sassa Gurl noong Oktubre 22, Miyerkules, sa premiere ng Dreamboi.
Ang Viva ang nasa likod ng CineSilip Film Festival. Bida sa pitong pelikula rito ang VMX stars.
Ayon sa MTRCB, ang pahayag ng content creator ay isang anyo ng kawalang-galang sa institusyon at sa mga taong nagsisilbi sa likod ng Board.
Sa isang liham na may petsang Oktubre 23 na ipinadala kay Viva President Vincent G. del Rosario, sinabi ng MTRCB na layunin ng pagpupulong na itaguyod ang pagkakaunawaan at ang pagiging responsable sa mga pampublikong kaganapan.
“In line with our Responsableng Panonood campaign and our vision for healthy collaborative practices with our stakeholders, we would like to invite you for a dialogue on the said report,” sabi sa liham.
“Habang iginagalang namin ang kalayaan sa pagpapahayag, tinitingnan ng Ahensiya na may lubos na pag-aalala ang paggamit ng mga salitang nagpapakita ng kawalan ng respeto sa mga pampublikong institusyon at sa mga pamantayang gumagabay sa angkop na klasipikasyon ng pelikula,” sabi ng MTRCB.
Ang dayalog sa Nobyembre 4 ay magsisilbi umanong plataporma para sa isang bukas at positibong pag-uusap upang higit pang mapagtibay ang propesyonalismo at pananagutan sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Read: MTRCB 40th anniversary: Highlights and sidelights
GORGY RULA
Inihayag ang pitong finalists ng Puregold 2026 Cine Panalo Film Festival (CPFF) noong Oktubre 25, 2025, Sabado, sa Gateway Cineplex sa Cubao, Quezon City.
Pasok sa pitong finalists ang Multwoh na bida at producer si Sassa Gurl, sa direksiyon ni Rodina Singh.
Kasama sa cast ng Multwoh sina Martin del Rosario at Migs Almendras.
SASSA GURL'S MESSAGE FOR MTRCB
Sa interbyuhan after the announcement, hiningan ni Ervin Santiago si Sassa ng mensahe para sa MTRCB.
Malumanay na tugon ni Sassa: “Ang message ko sa MTRCB, sana po, magtulungan po tayo.
“Sana po, hindi lang po yung mga pelikulang bet ninyo or, alam mo yun, just against sa paniniwala ninyo, suportahan pa rin natin.
“Our stories exist. Our existence is important. Kailangan talaga natin siyang pag-usapan.
“At pag napag-usapan natin siya, doon magkakaroon ng understanding from one another.
“And that’s very important.
“Tayo po ay inaano po tayo, sinasakdal po tayo sa kahirapan ng maraming tao.
“I think we need to hear out our stories and our struggles. At dahil ang mga struggles na iyon ang magko-connect sa atin.
“At importante na bigyang space ang mga struggles at kuwentong iyon sa industriyang ito.”
Read: Direk Rodina Singh, kabado sa pagsali muli sa film festival
NOEL FERRER
Apprehensive ba siya na baka ma-X din ng MTRCB ang pelikulang Multwoh na siya ang title role?
Sagot ni Sassa Gurl: “Ako, hindi naman. Kasi alam ko naman na itong pelikula na ito, sobrang pampamilya ito.
“At talagang gusto ko talaga kasing mapanood ito ng mga nakshie ko. At marami akong mga nakshie na talagang umaasa na makita at mabuhay ko ang pelikula na ito.
“Ina-anticipate nila. So, ayun, mga nakshie, gagawin ko ito para sa inyo.”
Ang anim pang kalahok sa Puregold 2026 CPFF ay Wantawsan ni Joseph Abello, Mono No Aware ni BC Amparado, Apol of My AI ni Thop Nazareno, Patay Gutom (Dead Hungry) nina Carl Papa at Ian Pangilinan, Beast ni Lawrence Fajardo, at Stuck on You ni Mikko Baldoza.
Kagaya ni Rodina Singh, may entry rin sa inaugural CineSilip sina BC Amparado at Mikko Baldoza.
Si Mikko ang nagdirek ng CineSilip entry na Haplos sa Hangin, starring Martin del Rosario, Denise Esteban, Angelica Cervantes, Vincent Pajara, and Jorrybell Agoto.
Na-X ng MTRCB ang Haplos sa Hangin sa unang review.
Nagkamit ito ng apat na tropeyo sa awards night ng CineSilip — third best film, best actor para kay Martin del Rosario, best screenplay, at best musical score.
Read: Archie Alemania, tahimik pa rin matapos mahatulang guilty sa kaso ni Rita Daniela
