GORGY RULA
Diretsong sinagot ni Paolo Contis ang tungkol sa pagkakawalay niya sa kanyang mga anak nang humarap siya sa entertainment media sa press preview ng pelikulang Ang Happy Homes Ni Diane Hilario.
Ginanap ang press preview sa SM Aura noong Biyernes, November 7, 2025.
Bahagi si Paolo sa cast ng pelikulang pinagbibidahan ni Angeline Quinto at magso-showing sa mga sinehan simula sa December 3.
Read: Paolo Contis, baon ang "pagpapatawad" mula sa pagbisita sa Cebu
HAPPY HOME FOR PAOLO CONTIS
Tinanong ni Janice Navida si Paolo sa Q&A kung ano ang happy home para sa kanya.
Natumbok ni Paolo na ang gusto talagang ipunto sa kanya ng entertainment editor ay hindi niya kapiling ang lahat ng kanyang mga anak.
Si Paolo ay may dalawang anak na babae sa dati niyang asawa na si Lian Paz, na nakatira sa Cebu; at may isa siyang anak sa dating live-in partner na si LJ Reyes, na nakabase na sa Amerika.
“Yung home na walang problema. Feeling ko, gusto mong dalhin ko yan sa mga anak ko, e. So, pagbigyan kita,” sabi ni Paolo.
Saad ng aktor: “It doesn’t matter kung magkakasama kami or what in one home, di ba? My home is my heart, and they’re in my heart.
“So, regardless kung magkakalayo kayo… yung mom ko sa Mandaluyong. Yung kuya ko, nasa ibang lugar.
"Mga anak ko, nasa Cebu. Ako, nasa Makati.
"But they’re in my heart. So, my home is happy.”
Read: Paolo Contis bonds with daughters, Lian, John in Cebu
PAOLO CONTIS STILL FIXING THINGS
Hindi pa raw masasabi ni Paolo na kumpleto ang kasiyahan niya dahil meron pa siyang inaayos.
Saad niya: “Almost. I’m almost complete. I’m still fixing my problems, which I will never tell how I’m fixing.
“Kasi mas naging maayos yung buhay nung hindi ko sinasabi sa inyo. Totoo!
“Kesa yung linggo-linggong tsatatatata, di ba? Nape-preempt lahat e. So now, I’m on my way there.
“Kung malaman niyo, why not? Kung hindi, I don’t care. As long as I’m happy person ulit.”
Bukod kina Paolo at Angeline, kasama rin sa Ang Happy Homes Ni Diane Hilario sina Eugene Domingo, Luis Alandy, Richard Yap, Sherry Lara, Kenken Nuyad, Geraldine Villamil, Donna Cariaga, Carlo San Juan, Hershey Neri, Serena Magiliw, at Rania Lindayag.
Si Marlon Rivera ang nagdirek ng pelikula.

JERRY OLEA
Pagkatapos ng question and answer, kinorner ng PEP Troika si Paolo para sa mga kasunod na katanungan.
Ayon sa Kapuso actor, matagal na ang pakikipag-aayos niya sa kanyang dalawang anak kay Lian Paz na sina Xonia at Xalene.
Hindi lang daw siya yung tipong bawat kibot ay naka-post sa social media o ikinukuwento sa mga interview.
Read: Paolo Contis, muling nakapiling ang mga anak kay Lian Paz
“May mga kulang pa rin. Malalaman niyo naman kung ano e,” bulalas ni Paolo.
“I think it’s also important na privately ko ayusin yung mga private na bagay. Kasi, yung mga taong kinauukulan o yung mga concerned are private people already.
“So, ayokong isipin sa kung sino man, I’m doing it for the hype or ano, but because it truly… now it comes natural na lang.
"Kasi personal siya, e, and mas may ano siya e, mas fulfilling yung feeling.
“Like, okay! If I can share yung ano… ngayon lang naman kami nag-post ng picture. Pero somehow, matagal na, e. Mahaba-haba ang time.
“Ang timing kasi ano, e, natural na dumarating.”
Patuloy niya: “Di ba, yung huli, I was very happy na si John posted, di ba? Si Lian posted, di ba? Kusa na lang siyang dumarating, e.
“Hindi siya chopsuey, hindi siya pilit.”
Yung hangad niyang makumpleto lahat ay pati ba ang anak niyang si Summer kay LJ Reyes?
“Ah, yes! Siyempre, kasama siya dun," pakli niya.
"That’s what I’m talking about. Hindi ko na nga lang sinasabi.
"But, I mean, common knowledge naman siya na may mga hindi pa ako naaayos.
“Again, it’s a personal thing, but everything that I need to do is being done. Ganun lang kasimple.”
Read: Lian Paz speaks about Paolo Contis reconciliation with daughters
NOEL FERRER
Si Paolo Contis ay gumaganap na si Tisoy sa Ang Happy Homes ni Diane Hilario.
Siya ang dahilan kaya nagkaproblema at pinag-initan ng mga pulis ang kanilang lugar sa Happy Homes.
Isa ito sa karakter na hindi raw talaga nabago, ayon kay Direk Marlon Rivera.
Two years in the making kasi ang pelikula at ang dami raw nitong pinagdaanan. Ilang beses itong na-revise at ang daming nangyari sa ating bansa kaya itinugma nila sa kuwento ng pelikula.
Dumaan daw sa isyu ng EJK, pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, eleksyon, etc.
Binalak din nila itong isali sa Metro Manila Film Festival (MMFF), kaya ilang beses nilang ni-revise.
“Maraming dinaanan to, e,” pakli ni Direk Marlon.
“Ganun ang proseso. Alam niyo naman ito, di ba? We are always calibrating kung ano yung napapanahon.
“Ang pinanghahawakan ko lang talaga ever since is that, may komunidad. In the end, it’s always Angeline Quinto is there. Her name is Diane. Malinaw yun.
“Siya yung babaeng bida sa problema. Pag may problema, siya yung bida, napansin niyo? Di ba, siya yung laging may problema? Malinaw yun.
“Siya ay isang nurse, parang Florence Nightingale, yung healer. Pero nagbibigay ng expired na drugs, yung ganun.
“Gusto ko kay Diane, kasi hindi siya perfect person. Hindi siya perfect character. So, hindi yun kumilos. That character remains the same.
“Ang nagbabago lang talaga throughout the whole revision is the push and pull to make it into a full genre — full comedy or full horror. Yung meron talagang ganun na ano ito, puro comedy ito, ano bang genre ito, di ba?
“Pero we stood our ground and said, hindi naman kailangan ng ganun.”

ANGELINE QUINTO'S PREGNANCY
Ang isa pa sa nakapagpa-delay ng pelikula ay nang nabuntis si Angeline.
Sabi ni Angeline: “Di ba, two years before pa dapat gagawin, kaya lang nabuntis ako. Kaya po medyo natagalan. Dapat two years ago pa namin ito natapos.”
Lahad pa ni Direk Marlon: “Actually, nung nagpirmahan kami, may shooting day na kami, di ba?
“Tapos tumawag sa akin si Ethel [Espiritu]. ‘Direk, baka magalit ka.’ ‘Bakit?’ ‘Nabuntis po kasi si Angge.’
“E, anong gagawin natin? Alangan namang umangal ako, di ba? ‘Sige lang, kahit mataba siya, kahit buntis yung role niya, di ba?’ ‘Ayaw niya po ng ganun, Direk.’
“So, hinintay naming manganak siya, tapos ang sabi niya, ‘Magpapapayat ako.’ Hindi ka payat dito, 'no! Hindi naman ito beauty contest, di ba?
“So, hinintay namin nang hinintay. Alam niyo naman ito, di ba? Maraming mga sigalot at saka mga upsets sa production.
“But you know, I think it happened in its own time. Ang dami naming mga playdates, mga kapatid, ang dami naming bookings na ginawa namin, hindi nangyari.
“But dito, lumapag tayo sa December 3. So we have to make it work, right? That’s the way to work.”
Happy naman daw silang lahat sa kinalabasan ng Ang Happy Homes ni Diane Hilario.
Read: Jaguar, Segurista, Rizal sa Dapitan: A lookback at Pete Lacaba's iconic screenplays
