JERRY OLEA
Kasikatan ni Chad Borja noong 1992-1998 sa local music industry. Kasabayan o karibal niya si Ariel Rivera.
“Dati, pinagko-compare kami ni Ariel,” sabi ni Chad sa mediacon noong Oktubre 16, 2025, sa Aromata, Dr. Lazcano St., Quezon City.
“Nauna lang siya sa akin nang konti sa akin… kaya lang, yun nga, tumigil ako. Kasi nagkasakit [noong 1998].
“At it was really Ariel yung parang kunyari pinagko-compete. Ganun. Ariel Rivera, hindi Ariel Ureta.”
Read: Ellen Adarna reveals husband Derek Ramsay’s supposed infidelity
Panauhin ni Chad si Marco Sison at ang Apo Hiking Society sa All That Sound concert niya sa Nobyembre 28, Biyernes ng 8:00 P.M. sa Music Museum, Greenhills, San Juan City.
Bakit hindi kinuhang guest si Ariel sa solo concert niya? Maganda sanang mag-showdown sila na ‘90s balladeers…
Pagtatapat ni Chad: “The first person na inisip ko na i-guest ko sa show, si Ariel. Tinext ko siya. Kasi, magkaibigan kami ni Ariel.
“We play golf together. Hinahalikan pa ako nun. Ha! Ha! Ha! Ha! Ganun kami ka-close ngayon.
“Kaya lang, yung date na ibinigay ko, meron siyang gagawin. I think may activity yung kanyang mga anak sa Canada.
“So, hopefully next time. It would be a dream come true, no… Wala na sa akin yung makipag-compete.
“Ang sa akin lang, I’m 59 years old, I just wanna enjoy. Di ba? Sana, sana nga.”

ALL THAT SOUND CONCERT
Bakit All That Sound ang title ng nalalapit niyang concert? Ano ba ang repertoire niya?
“Medyo malawak yung aking repertoire doon sa darating na concert. Excited na excited ako, tiningnan ko yung lineup,” lahad ni Chad.
“Kaya nga All That Sound, idea ni Direk Calvin Neria, kasi noong napanood niya ako sa isang bar doon sa Alabang, sa Bar IX… I think that was his first time to see me perform live.
“At dahil nga lumaki ako sa band, masyadong wide yung aking repertoire sa music. I can do a little bit of everything, no.
“As in may konting rock, puwedeng pop jazz, puwede akong mag-ballad, puwedeng kundiman, puwedeng opera.
“Yun ang gagawin namin. Kaya kung magtataka ang mga tao, bakit All That Sound, kasi po iba-iba.
“First three songs pa lang, iba-ibang genre. Yung opening namin, rock siya. Tapos ang pangalawa naman ay medyo soul, tapos biglang magsi-swing.
“And excited ako dahil yung lineup ng musikero, ng musicians, napaka-solid… I have, like, 13 musicians, kasama yung backup singers.
“Excited ako dahil first time kong magkaroon ng ganoong set-up.”
Read: Who is Ivan Cezar Ronquillo?

CHAD BORJA ON TAKING CARE OF HIS HEALTH
Ang ganda ng pangangatawan ni Chad sa edad na 59. Matikas! Parang hindi siya dumaan sa health scare noon…
Napangiti si Chad: “I walk every day. If I don’t play golf… ang pag-golf kasi, pag naglalakad ka, apat na oras under the sun.
“Nag-i-start ako maglaro, 6:00 in the morning. Natatapos kami ng 10:00. And in between, kung hindi ako nakakapag-golf, I see to it na nakapag-treadmill. Walking.
“Hindi na ako nagwe-weights. It’s all stretching, and I do meditation also.”
Maingat din si Chad sa pagkain. Kung may choice siya, gulay at isda ang kinakain niya.
Read: Chad Borja, ibinahagi ang 25-year battle sa thyroid cancer
GORGY RULA
First time na makaka-collab ni Chad Borja ang Apo Hiking Society sa All That Sound concert niya.
“Excited ako dahil we’ll be doing a prod number definitely with Jim [Paredes] and Boboy [Garrovillo]. I’ll be singing with them,” saad ni Chad.
“And of course they’ll be doing spots. And to be singing with, you know, siyempre, Apo, icons iyan.
“Ano iyan, e, hindi pa ako ipinanganak, andiyan na sila. Ha! Ha! Ha! Kasama naman natin si Boboy sa golf, kaibigan natin yan.
“I’m very excited, kasi lagi kong kinakanta yung mga kanta nila… tapos, biglang makakasama ko na sila sa show, no. So, excited ako.”

Panauhin din si Marco Sison, at bahagi rin ng concert sina Isha Ponti, Raymond Gorospe, at Andrea Gutierrez.
“Kung napapansin ninyo, kokonti lang yung aking guests. Kasi, sa akin pa lang, marami kaming songs na gagawin,” sey ni Chad.
“At yun nga, iba-ibang genre. Talagang excited na excited ako. Of course, Marco Sison, nakasabay ko na siya dati sa ibang shows, like sina Rico J. [Puno].
“But this time, iba yung kami lang dalawa na live na mag-eensayo. Mag-eensayo talaga.”

OPM HITMEN
Sinadya ba na hindi kuning guest sa All That Sound ang mga kasama niya sa OPM Hitmen na sina Rannie Raymundo, Richard Reynoso, at Renz Verano?
“When we were conceptualizing the show, tiningnan namin kung sino yung puwede,” paliwanag ni Chad.
“Marami kaming puwedeng kunin pero baka hindi pasok doon sa concept, doon sa mga songs na kakantahin ko.
“Kasi, yung OPM Hitmen, kasama ko. Renz, Richard saka si Rannie, ang concept ho namin doon, all-OPM talaga, no.
“Kaya we are OPM Hitmen, we don’t do foreign songs. Dito kasi sa All That Sound, kung ano yung kinakanta ko dati sa band.
“Kaya kung kukunin ko ngayon yung isa sa Hitmen, baka puwede rin pero dapat pasok doon sa concept.
“Actually, andaming sinasabi nila. Siguro, pinagpipilian namin, biglang, ‘Huwag!’ OK sana ito pero hindi bagay sa aming concept.”
Read: Shin Min Ah, Kim Woo Bin announce marriage after 10 years of dating
NOEL FERRER
Pinangarap ba ni Chad Borja na makapag-solo concert muli makalipas ang dalawang dekada na nag-lie low siya sa music industry? O kuntento na siya sa tahimik at pribadong buhay?
“Hindi, hindi ko pinangarap,” sambit ni Chad.
“After yung popularity ko noong 1992 to 1998, honestly, hindi ako sanay talaga sa showbiz, no.
“I’m just a singer na kung puwede mong pakantahin gabi-gabi, yun yung gusto ko talagang gawin.
“Of course, to perform na maraming tao, mas maganda ang ilaw, maganda ang music, fulfillment sa akin yan.
“Heaven, heaven sa amin yon. Pero yung sinasabi ninyo na pangarap na ano, in a way, hindi talaga pipilitin ko na bumalik ulit.
“Kasi nga, andami na ring bagong naglalabasan. I’m 59 years old, but ang sa akin lang, na nakikita ko ang sarili ko, kahit hindi man ako ganoon kakilala or hindi ganoon kasikat…
“I will stay until siguro pag 80 years old. Kasi nasa puso ko na yung bilang mang-aawit.”
RELIEF AND REBUILDING EFFORTS IN MEDELLIN, CEBU
Bahagi ng ticket sales ng All The Sound ay ido-donate sa relief and rebuilding efforts sa Medellin, Cebu.
Pahayag ni Chad: “Malaking privilege para sa akin na makakatulong lalung-lalo na sa mga kababayan natin sa Cebu.
“In fact, iyong beneficiary ng show na ito ay mapupunta sa municipality of Medellin kung saan ako lumaki.
“Doon ako lumaki, doon ako nag-aral. Doon yung aming bahay na nasira nung recent na earthquake. Sira as in totally sira talaga.”
Nakibahagi si Chad sa benefit concert na Padayon Pilipinas na tumulong sa mga earthquake survivors.
Ginanap iyon noong Oktubre 28 sa Saint Jude Catholic School, Ycaza St., San Miguel, Manila.
Read: Gina Lima at Ivan Ronquillo, ipinagluluksa ng kanilang mga kaibigan
