GORGY RULA
Ipinagmalaki ni Cong. Richard Gomez na ngayon lang daw mangyayari sa SEA Games na lalaban sa naturang malaking multi-sport event ang mag-ama.
Sila ng anak niyang si Juliana.
Nakatsikahan namin ang actor/politician pagkatapos ng special screening for influencers ng pelikula niyang Salvageland na magso-showing na sa mga sinehan sa November 26, 2025, Miyerkules.
“I’m very happy kasi, this is the first time na magkasama yung father and daughter sa isang malaking competition like this coming Southeast Asian Games.
“Si Juliana was qualified sa Fencing, ako naman nag-qualify for Shotgun Shooting. First time ito!
“Ako… I’m very excited sa opening ceremony, kasi kasama mo ang anak mo lumalaban para sa bayan, di ba?” napangiting pakli ni Cong. Goma.
Magkasama silang lalaban sa SEA Games, pero nagkakanya-kanya raw sila ng training.
Ani Cong. Goma, “Alam mo si Juliana was in Korea for two months. Nagte-training siya dun, and then umuwi siya dito for two and half weeks para…
“Dahil merong intensive training ang national team. And then she’s back in Korea now, hanggang sa SEA Games.
“Ako naman, I was in France for a month nagte-training din ako dun, for shotgun.”
Mukhang sinusunod ni Juliana ang tinatahak na career nilang mag-asawa. Pati ang pagpasok sa pulitika ay ganoon din ba ang papasukin ng kanilang unica hija?
“Actually, yung career path ni Juliana, siya yung gumawa nun,” bulalas ni Cong. Goma.
“Ako naman, kung ano yung endeavors niya, sinusuportahan ko lang siya pati si Lucy.
"Nung nag-college siya, I was expecting na mag-Mass Comm siya kasi yun ang pinag-usapan namin, e.
“And then, nagulat ako sa Public Administration siya pumasok.
Read: Juliana Gomez graduates cum laude from UP Diliman
“Bakit sa Public Administation? ‘Kasi, I really want to ano, to be part of what you’re doing,’ na nakita niya, nag-e-enjoy ako.
“And then ang sabi niya, ‘I want to learn Public Administration,’ kasi di ba, yung Doctorate degree ko is in Public Administration.
“Sabi niya, ‘I want to learn din.’ Natuwa naman ako, 'tapos tinanong ko, ‘Ano? Gusto mo ba magpulitika, gusto mo ba mag-mayor?’
“Sabi niya, ‘Dad, don’t ask me lang. I’ll just enjoy being with you.’ At saka she’s enjoying being with Lucy.
“Sa showbiz, alam nyo namang mahiyain talaga si Juliana, di ba? Mahiyain talaga, tahimik lang yun.
“Pero in terms of sports, parang ano, e. Na-enjoy niya talaga yung sports, saka nakita ko talaga yung dedication niya.
“Sa politics, hindi ko naman siya pinu-push. But you know, she’s with me, she’s with Lucy.
“So, if one day she decides to enter politics, it’s really up to her. Kung sakaling pasukin niya, we will be there to support her.
“Kung hindi naman, kung ano yung endeavors na gusto niya, we will also be there,” sabi pa ni Cong. Gomez.
JERRY OLEA
Pati sa love life ay hindi naman daw nila pinapakialaman si Juliana.
Noong nakapunta kami sa Ormoc, nakita pa namin ang boyfriend ng kanilang anak na pamangkin pala ni Dina Bonnevie, si Miggy Bonnevie Bautista.
“Parang naghiwalay na yata. Feeling ko, oo,” bulalas ni Cong. Goma.
Read: Juliana Gomez spills why she's not IG official with her boyfriend
Sinundan namin ng tanong na ibig sabihin ay single ang anak nila ni Mayor Lucy?
“Parang wala. Kasi nung umuwi siya dito from Korea, aba may dumadagit-dagit. May umiikut-ikot na…
“Tinanong ko, ‘Sino yun?’ May dalawang paikut-ikot na… na-realize ko, 'Ah wala na talaga sila nung isa,'” sabi pa ng actor/politician.
“Kasi alam mo, hindi naman ako… when it comes to mga love life, si Lucy talaga yung nagtatanong.
“Ako, inoobserbahan ko lang talaga. Ano ba ang galaw-galaw nitong taong ito?
“Siguro ano, dahil tatay ako, di ba, ganun?” natatawa niyang pahayag.
Pero handa na ba si Cong. Goma na maging father of the bride?
“Alam mo, dumaan din yan sa utak ko. Kasi si Juliana… she’s 25 now. I married Lucy… Lucy was only 23.
“Sabi ko… kaya dun ko lang na-realize nung umuwi si Juliana from Korea, 'tapos may umaali-aligid.
“Hindi ko alam!” napahawak ang dalawang kamay ni Cong. Goma sa ulo niya na parang hindi pa talaga siya handa sa kung ano man ang plano ng kanyang anak sa usapin ng puso.
Hindi raw niya kilala ang tinutukoy niyang umaaligid sa kanyang anak.
“One time, parang nasa BGC lang sila, e,” sambit ni Cong. Goma.
Hindi raw niya alam kung ano ang gagawin niya sakaling isang araw ay magpaalam na si Juliana na gusto na nitong mag-asawa.
Napaatras siya nang tinanong siya tungkol dito.
“Naisip ko, 'Oh, my God! Kailan kaya ito magde-decide?' Baka biglang one day, sabihin niya, ‘Dad, mag-aasawa na ako!’
“Yun nga yung sabi ko, nung pinakasalan ko si Lucy, she was only 23. Juliana is 25.
“E, siguro kung ako ang tatanungin mo, bigyan mo pa ng konting oras ang sarili mo.
“Discover yourself some more. Dapat mga 30 daw?” napangiti niyang pahayag.
Para kay Cong. Goma, wala naman daw siyang hinahanap sa lalaking pakakasalan ng kanyang anak. Ang mahalaga ay mamahalin at aalagaan lang daw si Juliana.
“Ako, as a father, I always wish na kung magkakaroon ng seryosong boyfriend si Juliana e talagang mamahalin siya. Hindi siya sasaktan, no?
“Iyon lang! Saka yung aalagaan siya, the way kung paano ko inalagaan yung mommy niya,” saad pa ni Cong. Goma.
NOEL FERRER
Taong 2018 pa pala ang huling pelikulang ginawa ni Cong. Richard Gomez, ang Three Words to Forever kasama sina Sharon Cuneta at Kathryn Bernardo.
Manghang-mangha si Cong. Goma sa co-actors niya rito sa Salvageland na sina Elijah Canlas at Mon Confiado.
Kasama pa rito sina McCoy de Leon, Cindy Miranda, at Angela Morena.
Nanibago raw ang actor/politician at aminado siyang parang kinalawang daw siya nang konti.
“I’m very happy. And I know that the movie industry loves me.
“Thank you so much for this opportunity,” pakli ni Cong. Goma.
Dagdag pa niya: “Alam nyo, sa totoo lang, talagang na-miss ko yung paggawa ng pelikula.
“The last movie I had was shot in Ormoc City, tagal na. Kami pa ni Sharon [Cuneta] nun, Three Words to Forever.
“Kaya nung pagbalik ko dito, medyo may konting kaba na. ‘Bakit hindi ko ma-memorize yung script?’
“Kasi sa trabaho ng artista, araw-araw, nagbabasa ka ng script. Minsan tatlo, apat na pages, dalawang daanan lang yun, memorized mo na agad yun.
“Pero ako, bakit isa o dalawang pages pa lang, hindi kumakagat sa utak ko. So, ganun! Kinalawang nang konti, no? So I had to practice.
“Sabi ko, ‘Direk, pagbigyan nyo muna ako, isang araw lang ‘to.’”
Pinuri niya rito sina Elijah Canlas at Mon Confiado na talagang magaling sa pelikulang ito.
Nung inalok sa kanya itong project, hindi raw niya kilala si Elijah na anak niya sa pelikulang ito.
“Alam mo, pag artista ka, pag magaling yung kaeksena mo, pati ikaw nadadala, e.
“For you to be a good actor. Para maganda yung registration sa screen, dapat magaling.
“E, magaling ‘tong mga ‘to! Ibang klase! Sa totoo lang, hindi ko kilala si Elijah nung una.
“Tinanong ko kay Direk, ‘Sino ba si Elijah?’ ‘Bata yan. Award-winning na bata yan, magaling yan!’
“So ginu-Goggle ko pa, ginu-Goggle pa kita, e. Si Mon Confiado, matagal na ito. Talagang magaling ito.
“Overall, I really missed the industry. I missed making movies, and I love it.
“And I’m glad that I am back here. I can say it again that the movie industry loves me so much,” pahayag ni Cong. Richard.
All the best, Goma, on your comeback movie and to your co-star Elijah Canlas.
And of course, to your director-producer who waited for this project. Looking after all the team members’ projects, si Direk Lino Cayetano talaga ang taya rito.
Good luck!!!
