GORGY RULA
Namigay si Eric Quizon ng kahun-kahong cheese roll ng Pidol’s Bakeshop sa media conference ng pelikula nilang Jackstone 5 na ginanap sa Max’s Restaurant, Sct. Tuason St., Quezon City, noong nakaraang Lunes, November 17, 2025.
Sabi ni Direk Eric, mahigit 40 stores na ang kanilang Pidol’s Bakeshop at open pa sila sa franchising.
Itinuloy ni Eric at mga kapatid niya ang mga sinimulan nilang negosyo kagaya nitong bakeshop nila, at malapit na rin daw natin makita sa mga grocery at liquor stores ang ginawa nilang Pidol’s Banayad Whiskey.
Ani Eric: “Yung Banayad whiskey, slowly nag-aano na siya. So, makikita niyo na yung Banayad sa mga grocery stores, sa mga supermarket, at sa mga liquor stores. Malapit na yan.
“Inaayos lang kasi namin yung distributorship.
“May FDA na kami, tapos at the same time nagtayo na kami ng parang Bayanad Whiskey hub, na para siyang taste testing ng Banayad.
“Dun din puwede nilang bilhin sa White Plains, sa Katipunan Road. Dun yung Pidol’s Banayad Whiskey.”
Read: Derek Ramsay, ano ang reaksiyon sa audio recordings ni Ellen Adarna?
QUIZON BROTHERS AS BUSINESS PARTNERS
Magkakasama silang magkapatid sa negosyong ito, pero si Eric ang nag-aasikaso nito lahat.
Wala raw isyu sa kanila pagdating sa hatian ng shares, at nagkakaintindihan daw silang lahat.
“Usually naman kaming magkakapatid, nagkakaintindihan naman kami.
“Alam naman nila ang mga parameters ng business, alam naman nila.
“At saka alam din nila yung mga rights nila. Wala naman kaming ano dun.
"Kumbaga, walang ano dun… when we go into partnership, alam nila.
“Dahil meron kaming lahat na pinipirmahan. Meron kaming pinipirmahan na agreement.
“So, ibig sabihin nun, nagkakasundo kami sa kung ano man yung papasukan namin,” sabi pa ni Eric.
Read: Eric Quizon, itinalagang executor ng mga negosyo ng Quizon family
ERIC QUIZON SILL ACTIVE AS AN ACTOR AND A DIRECTOR
Bukod sa negosyo, active pa rin si Eric sa pag-aartista at pagdidirek.
“Gusto ko pa ring umarte,” pakli ni Eric.
“Pero ngayon, meron akong idinirek na game show naman siya na Too Big To Handle. Sa Camarines Sur namin ginawa yun.
“At ang host namin si Yassi Pressman, si Marco Gumabao, si Danita [Paner], Teejay Marquez at saka si Zia [Quizon].
“Hinahanapan namin kung saan siya ipalabas. Naka-can na siya.
“Tapos, may ginagawa kaming Buy Bust para kay Erik Matti. So I’m doing that also. So yun ang mga ginagawa ko for the time being.
“Actually dun sa Buy Bust, I took the role of Ricky Davao. Ako yung pumalit kay Ricky.
“Alam ko si Direk Ricky meron siyang na-shoot na isang araw. Pero hindi na nila pinalitan yun, na ginawa na nilang part nung eksena. Yung character, ako na ang nag-assume,” dagdag ni Eric.
Pero sobrang na-enjoy raw niya itong Jackstone 5 dahil parang naglalaro lang daw silang limang bida sa pelikulang ito.
NOEL FERRER
Kasama ni Eric Quizon dito sa Jackstone 5 sina Gardo Versoza, Arnell Ignacio, Jim Pebanco, at Joel Lamangan na siya ring direktor ng pelikulang ito.

Kuwento ito ng pagkakaibigan ng limang bading na nagkakahiwalay nang magtrabaho sila sa iba’t ibang bansa.
“Yung theme ng pelikula, it’s really about friendship,” kuwento ni Eric.
“Na magkakaibigan sila nung mga bata sila, hanggang sa tumanda sila, hanggang sa nag-retire na sila, nagkakahiwa-hiwalay sila.
“Kasi all of them went abroad, lahat nagtrabaho, lahat nag-OFW except for the character of Joel.
“Tapos lahat kami, bumalik. So, parang it’s a reunion movie, nag-reunion ang mga magkakaibigan. Tapos we’re revisiting our past nung mga bata kami.
“So, pinuntahan namin yung eskuwelahan namin, kaya kinausap namin yung mga teachers namin.
“So, meron siyang ganun. May pagka-road movie din siya. Tapos at the same time, it really is about friendship.
“Kasi limang magkakaibigan na through thick and thin, magkakasama sila.”
Talagang ipinakita nila ang masayang pagkakaibigan dahil matagal na rin silang magkakilala at kumportable na sila sa isa’t isa.
Ang bilin daw ni Direk Joel sa kanila ay mag-adlib sila sa mga eksena, yung talagang matagal na silang magkakaibigan.
“Para kaming naglalaro. Kasi si Direk Joel… meron kaming script. Meron kaming sinusundan sa script. Pero gusto niya kasi mag-adlib kami.
“Siyempre nga naman, pag barkada kayo, di ba? Ang sagutan mas free flowing, mas fluid.
“Gusto niya kasi mangyari ganun yung sagutan. Mas kampante kami sa isa’t isa, para makita yung closeness namin.
“Yung fluidity ng mga dialogue namin...it’s very organic. Kasi yun naman yung ano, di ba? Yung barkada naman, ano yan e, di ba?” dagdag ni Eric.
Sa December 3 ang showing ng Jackstone 5 sa mga sinehan.
Read: Rhian Ramos at Sam Verzosa, break na?

JERRY OLEA
Doon pa rin sa media conference ng Jackstone 5, napag-usapan ang friendship sa showbiz.
Agree si Eric Quizon na kahit nasa showbiz ay marami pa rin talagang magkakaibigan na masasabi mong lifetime na friendship.
Ilan sa talagang itinuturing niyang tunay na kaibigan sa showbiz ay sina Nanette Medved-Po, Tonton Gutierrez, G Tongi, Vilma Santos, Maricel Soriano, Carmina Villarroel, Aiko Melendez, Ruffa Gutierrez, Maricel Laxa, at Alice Dixson.
“Hindi ko man nakakasama ang mga showbiz friends ko on a regular basis, pero pag nakasama ko na sila, parang it was just yesterday.
“Hindi siya nawawala. Andudun pa rin siya. Andun yung respeto.
“Una namin kasi sa lahat, respeto muna yan e. Respeto yan sa isa’t isa, and I think… true friendships, pinagkakatiwalaan mo, nirerespeto mo yung tao.
“Kapag nirerespeto mo yung isang tao at pinagkakatiwalaan mo, then kaibigan mo yan,” saad ni Eric.
Read: Eric Quizon talks about solid friendship with Nanette Medved
TRUE FRIENDS IN SHOWBIZ
Para kina Direk Joel Lamangan naman at Jim Pebanco, mabibilang lang daw sa daliri ang itinuturing nilang totoong kaibigan sa showbiz.

Ayaw lang sabihin ni Direk Joel kung sino itong mga itinuturing niyang totoong kaibigan sa showbiz. Isa raw ito sa sikreto sa buhay niya na gusto niyang i-treasure.
“Mabibilang lang sa limang daliri ko yung totoong kaibigan. Meron sa showbiz, merong hindi,” pakli ni Direk Joel.
“Pag showbiz, iba yung pakikipagkaibigan. Alam mo naman yun e. Mararamdaman mo naman yun.
“Alam mo namang walang ganun kalalim. Pero meron akong mga kaibigan sa showbiz na malalim. Malalim ang pagkakaibigan.
“Pag ikaw ay matagal na sa showbiz, mararamdaman mo naman kung sino ang mga taong ito, hindi naman ito malalim na pagkakaibigan sa akin. Mababaw lang.
“Malalaman mo naman yun, e.
“Napakatanga ko naman! Apat na dekada na ako rito, hindi ko pa alam kung sino ang totoo at sinong hindi?!
“Kaya nakikita mo at nakakahalubilo mo, dapat makihalubilo ka lang sa isang paraang hinihingi ng pagkakataon.
“Alam mo na yun pag matagal ka na sa showbiz,” sabi pa ni Direk Joel.
Ganundin si Jim Pebanco na konti lang daw ang maituturing niyang totoong kaibigan sa showbiz. “Konti lang, kasi hindi naman ako masyadong maikot,” sey ni Jim.
“Mabibilang lang sa daliri ko, at meron din akong konting kaibigan outside showbiz na sinasabi nga ni Eric na kapag hindi kayo magkita, pag magkita kayo parang kahapon lang.”
Read: Vice Ganda, bakit ayaw personal na makilala ang kanyang scholars?
