JERRY OLEA
Comeback film nina Richard Gomez at Direk Lino Cayetano ang neo-Western thriller na Salvageland.
“Richard Gomez is made for cinema,” pahayag ni Direk Lino sa Q&A matapos ang screening ng Salvageland noong Nobyembre 21, 2025, Biyernes, sa Fishermall Quezon City.
“Yung opening scene na may hawak siya ng baril. Yung ending na lumilingon siya kasi hindi niya alam kung ano na ang nangyayari sa anak niya.
“Nagdedesisyon siya kung iiwan ba niya yung target, pupuntahan ang anak, o gagawin ang misyon niya?
“Sabi ko talaga, regalo sa atin si Richard Gomez and I hope he continues to make movies.
“Magaling siya sa maraming mga bagay —magsi-SEA Games pa yata in two weeks— sa lahat ng ginagawa ni Cong. Goma. Pero I hope he does more movies.”
Read: Miss Cote d'Ivoire Olivia Yacé steps down as Miss Universe Africa & Oceania
SALVAGELAND: SIMPLE BUT COMPLEX
Sa istorya ng Salvageland, gumanap sina Richard at Elijah Canlas bilang mag-amang pulis na sina Sarge at Jules, respectively.
Nasa cast din sina Mon Confiado bilang Donald, Cindy Miranda, McCoy de Leon, at Angela Morena.

Napaka-attractive para kina Direk Lino at Cong. Goma na napakasimple ng istorya ng Salvageland.
“Pag simple kasi siya, minsan mas lumalabas yung complexity ng gusto ninyong pag-usapan,” lahad ni Direk Lino.
“May nangyaring krimen. Wala namang umaangal. Walang nagsusumbong. Walang nakakaalam kung pagtatakpan ninyo.
“May kapalit na gantimpala. Mapapahamak ka pag nakialam ka pa. Ano’ng gagawin mo?
“So, sa amin, ang interesting nung konsepto, e. Yung moral question.
“Pag may nangyaring krimen pero walang naapektuhan at walang nakakaalam, ano’ng gagawin natin?
“Magsusumbong ba tayo or magsasalita? And then yun ang pinag-awayan ng mag-ama. So, sa amin, ang sarap himayin nung ganun minsan kasimple.
“Ang daming problema sa mundo, pag pinakinggan mo yung mga abogado, mga pulitiko, komentaryo — lahat, kumplikado.
“Pero minsan, ganun kasimple lang. Magsasalita ba tayo or hahayaan lang natin na ganito?”
Read: President Bongbong Marcos on Imee Marcos: "The lady you see talking on TV is not my sister."
BACKGROUND IN POLITICS
Dating mayor at ngayon ay congressman si Goma. Si Direk Lino ay dati ring mayor.
“Yung konting karanasan namin sa pulitika, parang lumawak lang nang konti yung perspektibo,” sabi ni Direk Lino.
“Na hindi usually black and white, merong gray. Hindi iyon binibigyan tayo ng rason para gumawa ng mali.
“Pero ibig sabihin lang nun ay minsan, mas kailangan nating suriin kung ano ba talaga ang tama o mali.
“Hanggang ngayon siguro bukas pa ang debate kung dapat prinotektahan niya yung kanyang anak, kung dapat ay umuwi na lang sila at tinalikuran nila yung kanilang sinumpaang tungkulin.
“Kung ginawa nila iyon, baka buo pa ang pamilya ni Sarge. Isang bagay iyon na maganda siguro tayo rin mapag-usapan.
“At siguro yun yung parang perspektibo dahil I’m sure, marami tayong naging desisyon lalo noong pandemya na ang katumbas nga minsan ay buhay.
“At tingin ko, yun yung mga bagay na... the powerful medium of cinema. Isa sa mga puwede nating mapag-usapang mga bagay.
“Parang yung blessings ng cinema, mapapag-usapan natin yung love, life, the good, the bad, the moral and immoral.”
Palabas ang Salvageland sa local cinemas umpisa Nobyembre 26, Miyerkules.
Read: Lars Pacheco speaks up amid Clyde Vivas's breakup with new girl
NOEL FERRER
Ang ganda ng cinematography ng Salvageland. Ang daming wide shots sa lugar na nilamon ng lahar.

“Patungkol sa mga imahe, isa sa mga gusto namin sana talagang pag-usapan dito pati ng magaling na cinematographer, si Moises Zee, ay yung kung paano tayo nilalamon ng mundo,” sabi ni Direk Lino Cayetano.
“Kaya napakadaming mga wide shots. Minsan iyong motor ganito kaliit lang. Nakikita mo, panay lahar.
“Nakikita mo, mga taong tumatakbo. Parang babalutin sila, kakainin ng lupa.
“Kasi parang ang metaphor nun… ay tayo, ako, estudyante, naging filmmaker, naging direktor. Tayo, estudyante, naging journalist.
“Minsan ang humuhubog sa atin, yung mundong nakalakihan natin, e.
“Paano kung mabuti tayong tao pero yung mundo, masama? Paano kung gusto natin, tuwid, pero yung hulma ng mundo ay pakaliwa or pakanan?
“Paano kung gusto natin umangat, pero yung mundo, sinisipsip tayo pababa?
“So I think yung karakter ni Elijah, and yung karakter ni Goma, dalawang mabuting tao.
“Pero yung mundong pinalilibutan nila, napakasama. Somewhere along the way, si Sarge, nagdesisyon. Sasama na lang siya sa agos.
“Pero may maganda siyang ginawa. Tinuruan niya ng tama yung anak niya. Kaya yung anak niya, lumaban sa kanya.”
Read: Adult content creator Tina Slick, na-trauma sa pang-aabuso ng ex-boyfriend

GORGY RULA
Provocative ang kuwento ng Salvageland, na binuo nina Shugo Praico at John Carlo Pacala.
Sinasalamin nito ang mga kaganapan sa bansa. Naghihimutok ang mga tao, bakit wala pang nakukulong sa mga big fish na sangkot sa katiwalian sa flood control?
SPOILER ALERT!!!
Naramdaman ba ni Direk Lino Cayetano ang frustration habang binubuo ang Salvageland? O na-inspire siya para maisapelikula ang ganitong kuwento?
“I think ito yung beauty nung cinema,” sambit ni Direk Lino. “Sana, nag-enjoy kayo. Sana, na-entertain kayo. Sana, nagulat kayo nung may binaril si Mon [Confiado]…
“Sana, naiyak kayo o nalungkot kayo nung bumagsak si Elijah [Canlas].
“Ako, tingin ko, yung pelikula, yun ang isang napaka-exciting at saka bakit importante iyong pelikula sa buhay natin.
“Kasi, pag nanonood ako ng TV, hindi ko na naiintindihan, sino ang bida, sino ang kontrabida.
“Hindi ko na minsan naiintindihan anong dapat kong isipin. Pero minsan, eto, nabibigyan natin ng konteksto yung mga simpleng bagay.
“Yung tama o mali. Ano’ng dapat inaasahan nating turo na galing sa mga magulang natin? Ano ang dapat itinuturo natin sa mga anak natin?
“So, siguro para sagutin iyon, no, parang sa akin, nabibigyan iyon ng konting liwanag ng pelikula, kung ano ba yung mga bagay na mahalaga talaga.
“Kasi pag natapos naman yung isyu na ito, may pangalawa pang isyu, e. Pag may nakulong naman, meron pa ring gagawa ng kasalanan.”
May representasyon ang kinahinatnan ng karakter ni Mon sa wakas ng pelikula.
Pagmamatuwid ni Direk Lino: “Araw-araw, puwedeng mabait tayo kahapon, at tama at mabuti. Ngayon, hindi. At masama.
“Araw-araw nagdedesisyon tayo, at ang mga desisyon na iyon ang nagsasabi kung anong klaseng tao tayo.”
Read: Elijah Canlas, aminadong "hindi okay" sa mga naririnig na balita
