JERRY OLEA
Kagaya sa premiere ng Manila’s Finest noong Disyembre 15, 2025, Lunes, sa Robinson’s Manila, dumagsa ang fans sa red-carpet premiere ng Rekonek nitong Disyembre 17, Miyerkules ng gabi, sa Trinoma, Quezon City.
Present sa premiere ang actor-producer na si Gerald Anderson at leading lady niyang si Charlie Dizon, ganoon din ang mag-asawang Carmina Villarroel at Zoren Legaspi plus kambal nilang sina Cassy at Mavy.
Namataan din namin doon sina Bela Padilla, Alexa Miro, Kokoy de Santos, Soliman Cruz, Vance Larena, Raf Pineda, Dom Corilla, Donna Cariaga, producer Dondon Monteverde, at Direk Jade Castro.

Maikli ang papel ni Soliman sa Manila’s Finest at Rekonek, pero parehong markado.
Kung sa Manila’s Finest ay tinilian ang pa-topless ni Piolo, sa Rekonek ay ang six-footer namang si Dom ang thirst trap sa eksenang naka-boxer short lang siya. Yum yum yum!
May pa-underwear si Abed Green pero dedma lang ang audience.
Read: Ultimate MMFF 2025 Guide: MTRCB Ratings, Parade of Stars, Premiere Nights

"SPREAD THE GOOD NEWS"
Sabi ni Carmina matapos ang screening: “Grabe! Nakakatuwa, kasi kumbaga hindi naman sinasadyang i-resolve yung mga problema pero dahil sa nawala yung internet, na-resolve yung problema.
“So, thank you, please spread the good news! Sana tulungan niyo po kaming i-promote yung aming pelikulang Rekonek. Ang ganda, di ba?!”
Pahayag naman ni Gerald: “Sana po ay nagustuhan niyo at sana po ay tulungan niyo kami i-share sa mga family niyo, mga kapitbahay niyo. Sana, manood kayo ulit, isama niyo po ang buong barangay.
“And we just want you guys to have a feel good this Christmas. Sana, ma-inspire namin kayo.
“Sana, mag-detox din tayo sa social media. Puwede naman pala. And sana po, nag-enjoy kayo sa bawa’t perspective ng bawa’t kuwento namin.
“So, Merry Christmas, Happy New Year. Sana po, ngayong Pasko ay makasama niyo ang pamilya niyo.
“At sana po, manood kayo ng MMFF. Lahat po ng entries are all beautiful movies, pero siyempre, uunahin po natin ang Rekonek.”

Nagpasalamat si Cassy sa mga kaibigan niyang dumalo sa premiere ng Rekonek, at nakiusap ding suportahan ang lahat ng MMFF official entries.
Nagbiro si Zoren sa wife niyang si Carmina kung in-allow ba nito si Cassy na mag-move out sa kanilang tahanan in real life.
Kasama rin sa cast ng Rekonek sina Andrea Brillantes, Gloria Diaz, Kelvin Miranda, Angel Guardian, Ellie Cruz, Peewee O’Hara, Josh Ivan Morales, Prince Carlos, Meann Espinosa, Tabs Sumulong, Eric Fructuoso, Jorrybell Agoto, Bon Andrew Lentejas, Karl Medina, Toniyuh, Fonzi, Gigi Locsin, Sunshine Teodoro, at iba pa.

Siyanga pala, kagaya sa premiere ng Manila’s Finest, nag-host din si Michael Sager sa premiere ng Rekonek.
Read: Zsa Zsa Padilla, isasauli ang Aliw Lifetime Achievement Award
GORGY RULA
Matagal-tagal ding naghintay sa labas ng Cinema 1 ng Trinoma ang pamilya Legaspi bago sila tinawag sa red carpet.
Noong nag-aabang lang sila, nag-picture-picture kami, at ibinulong ko kay Cassy Legaspi kung alam ba niyang host doon si Michael Sager.
“Ahh, okay po,” napangiting sagot sa akin ni Cassy, na lalo pang gumanda at mabait na bata.
STILL NO CONFIRMATION
Matagal nang nali-link ang dalawa nang nagsama sila sa noontime variety show na Tahanang Pinakamasaya. Pero wala pa rin silang kumpirmasyon kung sila na ba.
Pagdating nila ng stage, si Michael at ang co-host nito ang nag-interview sa Legaspi Family.
Ang ganda ng ngiti ni Michael nang magtama ang tingin nila ni Cassy.
Kitang-kita namang kumportable si Michael sa magulang ng kambal na Cassy at Mavy.
"Tito Z" ang tawag ni Michael kay Zoren, at "Tita Mina": ang tawag ni Michael kay Carmina.
Nagpapasalamat si Carmina dahil ngayong Pasko sa MMFF ay buong pamilya raw silang magkasamang nagtatrabaho.
Pagpasok nila ng sinehan, nilapitan ko ulit si Cassy, at binirong parang ang ganda ng ngiti ni Michael sa kanya.
“Ahh, hindi naman po!” napangiti niyang sagot sa akin.
Napaatras naman si Michael nang biniro ko rin siya nang ganun.
Sabi ko sa kanya, parang ang ganda ng ngiti niya kay Cassy sa stage a while ago.
“Napakaganda naman niya. Pinaghandaan talaga niya ‘tong pelikulang ito. Nakaka-proud.
“Merry Christmas po talaga. Salamat,” sagot ni Michael, na mukhang happy naman sila ni Cassy sa kung ano mang relasyon meron sila.
Read: ABS-CBN signs deal with ALLTV, says TV5 partnership “settled”

MICHAEL SAGER'S CHRISTMAS THIS YEAR
Sa nakaraang premiere night ng Manila’s Finest ay tinanong ko rin si Michael kung malamig ba ang Pasko niya ngayon.
Aniya, “Yung Pasko ko, sana maging malamig, kasi gusto ko po umuwi ng Canada. Malamig kasi sa weather.
“Ipinagdarasal ko pong matuloy at makasama ko yung pamilya ko. It’s been two Christmases na hindi ko sila nakasama. Sana this year, makasama ko sila.”
Sinundan ko siya ng tanong kung pati ba ang lovelife ay malamig.
“Hindi naman malamig. Napakainit ng suporta ng mga supporters, family and friends.
“Yung lovelife, naku! Work muna!” bulalas ni Michael.
Si Michael ang isa sa regular hosts ng activities ng 51st Metro Manila Film Festival.
Siya ang nakatokang mag-host sa mga premiere night na ini-sponsor ng MMFF 2025.

NOEL FERRER
Grand premiere night ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ngayong Disyembre 18, Huwebes ng 6:00 P.M. sa Gateway Cineplex 18, Cubao, Quezon City.
Inaasahang star-studded ang premiere ng horror trilogy na ito.
Bahagi ng Facebook post ng movie page: “ALL ROADS HAVE LED TO THIS.
“Evil from era is about to be unleashed. THE horror event of the year is coming, and it's an experience you won't forget
“EVIL UNLEASHED.”
Read: Mga dapat abangan sa GMA-7, TV5, Kapamilya Channel sa 2026
MMFF 2025 PARADE OF STARS
Bukas, Disyembre 19, Biyernes, ang MMFF 2025 Parade of Stars and Music Fest.
The program starts at 2:00 PM, followed by the parade kickoff at 2:45 PM.
Catch the stars as they roll through the parade route, from Macapagal Blvd. Sa Makati City ang parada ng mga bituin — Buendia Ave., Ayala Ave., Makati Ave., J.P. Rizal St. patungo sa Open Car Park ng Ayala Malls Circuit Makati kung saan may musicfest.
Ang pagkakasunud-sunod ng mga float sa MMFF 2025 Parade of Stars — I’mPerfect, Call Me Mother, Rekonek, Love You So Bad, Shake, Rattle & Roll: Evil Origins, Manila’s Finest, Bar Boys: After School, at UnMarry.
Inaasahan ang matinding trapiko bukas sa Makati.
Inaabisuhan ng MMDA ang mga motorista na iwasan ang ruta ng parada at dumaan sa alternatibong ruta.
Ang MMFF 2025 Music Fest ay iho-host nina Enchong Dee at KaladKaren aka Jervi Wrightson.
Magpe-perform sina Bamboo, Angeline Quinto, Brent Manalo, Mika Salamanca, River Joseph, at BGYO.
Can’t make it in person? Don’t miss the livestream on MMFF’s Facebook page and celebrate Filipino films wherever you are!
