GORGY RULA
Gustong linawin ni Lorna Tolentino ang tungkol sa partisipasyon niya sa I’mPerfect, official entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025.
Sinabi kasi ng co-star at producer na si Sylvia Sanchez sa media conference nung Linggo, December 14, 2025, na ibinigay ni Lorna ang talent fee nito para sa pelikula.
Ang Nathan Films ng pamilya ni Sylvia ang co-producer ng I'mPerfect.
Sabi ni Sylvia: “Nagpasalamat na din po ako, dahil si Ms. LT, yung TF niya nilagay niya dito.
“Ang CMB Film Services, ayun, hindi nagpabayad ng ilaw, binigay din niya dito.”
Read: ABS-CBN artist, nag-apologize kay MVP dahil sa kuda ng ilang Kapamilya
LORNA TOLENTINO CLARIFIES TALENT FEE IN I'MPERFECT
Nilinaw ni LT sa PEP Troika na hindi buong talent fee niya ang kanyang ibinigay, kundi nagpabawas lang siya para ang ibang bahagi ay ilagay sa production.
Kaya meron naman daw siyang natanggap na talent fee.
Saad ni Lorna: “Meron naman po akong tinaya, pero konti lang.
"As part of investment din po dito sa pelikulang ito. Because naniniwala po ako na talagang ito ay merong tusok sa puso ng lahat.
“Yung istorya, yung experience with them… unang-una rin kasi, katulad ni Sylvia, meron siyang kaibigan, relatives… at siguro naman din po tayo may mga kaibigan din.
“Ako rin po ay meron ding kapatid na with autism and retardation, at alam ko po yung sinasabi ng lahat na… maraming experience, e.
“But para sa akin, yung experience ko with actors here, yung pinaka-very true, totoong-totoo, pure, at saka very ‘being’ kung sasabihin natin sa pagiging aktor.
“Yun ang sine-share niya sa amin lahat—yung pagmamahal, lahat ng positive na hindi mo mararamdaman na kahit meron kang problema, pag kasama mo sila, happiness at joy lang ang ibibigay nila sa yo.”
Nung nakausap namin ulit si Lorna pagkatapos ng mediacon, inulit din niya na konti lang ang na-invest niya sa I'mPerfect.
Gusto lang daw talaga niyang matuloy at mapasama siya sa magandang proyektong ito.
Kaya sa halip na magpatawad siya sa kanyang talent fee, ibinigay na lang niya ang dapat na itinatawad sa production, na hindi raw ganun kalaki.
Read: Zsa Zsa Padilla, isasauli ang Aliw Lifetime Achievement Award
NOEL FERRER
Si Lorna Tolentino rin ang nag-push na maging part ng I’mPerfect si Janice de Belen.
Ginagampanan ni Janice sa pelikula ang papel bilang si Yaya Claring, at hindi raw talaga major role. Pero mahalaga at malaki ang koneksiyon niya sa dalawang bidang may Down syndrome na sina Earl Amaba bilang Jiro, at Krystel Go bilang si Jessica.
Kuwento ni Janice: “Hindi talaga ako kasama dito. Wala talaga! Wala sa radar nitong si Sylvia Sanchez.
“Pero nung nasa U.S. kami for the MIFF earlier this year, kami, magkakasama kami. Pero si LT ang madalas kong nakakasama.”
Ang tinutukoy ni Janice ay nang dumalo sila ni Lorna sa Manila International Film Festival noong Marso 2025 sa Los Angeles, California.
Sila ang nag-represent ng pelikula nilang Espantaho, at nandoon din si Sylvia para sa pelikula nilang Topakk.
NO SMALL ROLES, ONLY SMALL ACTORS
Kuwento pa ni Janice: “Ang sabi niya [Lorna] sa akin, ‘Isasama na nga kita.’ Sabi ko, ‘Saan?’ ‘Basta, isasama na kita.’
“Kasama namin si Ibyang [Sylvia]. Meron siyang pinakita, sabi niya, ‘Ipakita mo.’
“Pinakita ni Ibyang sa akin, alam mo, naiyak ako talaga.
“Sabi ko kay Ibyang, siyempre may murang kasama. Sabi ko kay Ibyang, ‘Gusto ko, kasama ako diyan!’
“Tapos sabi niya, ‘Gusto kitang isama, pero maliit lang yung role.’
“Siyempre, dahil quotation queen din ako, sabi ko sa kanya, ‘There are no small roles, only small actors.’ Naipasok ko yung sarili ko sa pelikulang ito.”
Na-in love na nga raw siya sa film project na ito, lalo na sa persons with Down syndrome na co-actors nila dito sa pelikula.
Saad pa ni Janice: “Sabi ko sa kanya, ‘I feel in love with the project.’ Because it was worth falling in love with, di ba?
“Gaya ng sabi ng lahat, there was so much joy, there was so much innocence, so much pure indeed.
“And you know what? When they look at you, wala silang judgment sa yo.
“Wala silang pakialam kung sino ka, kung ano ang nakaraan mo. Wala silang pakialam kung mataba ka, payat ka. Pare-pareho yun sa kanila.
“And, if only we could see the world through their eyes, we would be better.”
Read: Kylie Padilla admits feeling jealous of sons’ closeness to AJ Raval
JERRY OLEA
First time sa kasaysayan ng Metro Manila Film Festival na bida ang dalawang taong may Down syndrome, sina Earl Amaba at Krystel Go, sa isang official entry.
Kasama rin sa cast ang mga may Down syndrome din na sina Angela Batallones, Carl Garcia, Javi Sarmiento, Jonathan Tilos, Bea Mendoza, Gio Dicen, Richelle Uy, at Royce Rivera.

Inabot ng 24 shooting days ang I’mPerfect sa Mindanao — sa hometown ni Sylvia Sanchez na Nasipit, Agusan del Norte, at sa isang rose rose farm sa Claveria, Misamis Oriental.
Hindi kasi puwedeng madaliin ang dalawang bida sa kanilang mga eksena. Maikli ang kanilang attention span kaya nalilimutan minsan ang dialogue o ang instruction ni Direk Sigrid Andrea Bernardo.
Kapag nae-excite, nao-overwhelm o may extreme emotion ang mga may Down syndrome at nahihilo o nahihimatay raw sila, kaya sa shooting ay laging may nakaantabay sa kanila.
Sabi ni Sylvia o Ibyang, OK lang sa kanya kahit abutin pa sila ng 30 shooting days dati priority nila ang well-being ng mga artista nilang may Down syndrome.
EARL AMABA'S FAINTING SPELL
Sa mediacon ng I’mPerfect last Sunday sa Gateway Cineplex 18, nakasabay ng kaibigang Ogie Diaz si Earl sa restroom.
Na-tense si Ogie nang mahilo si Earl.
“Buti na lang, may sumalo sa kanya. Bumagsak na siya sa arms nung nagbabantay sa kanya. So, itinakbo na siya palabas,” lahad ni Ogie.
“So ibinalita ko kay Ibyang. ‘Ibyang, nakakaloka si Earl. Si Earl naano, nahimatay. Nahilo!’
“Sabi ni Ibyang, walang tension, ‘Ganun talaga sila pag nae-excite.’”
Pag-amin ni Direk Sigrid: “Normal po yung hilo sa set. Yung aming safety officer, talagang grabe ang trabaho sa set.
“Pero kasi, normal po sa kanila kapag matagal na nakatayo, hindi po ganun dapat katagal.
“So, lagi po naming pinapaupo. Pero nakakaya nila. Basta may inhaler kami, OK na ulit sila. Parang walang nangyari.
“So, normal lang po sa amin yung… with them, lagi pong nahihilo. Pag mainit, nahihilo kaagad. Hindi lang po excitement, e.
“Pag nao-overwhelm, or sobra ang sayaw namin. Nahihilo. Kasi sobra din yung physical.
“So we have to understand also yung situation nila physically also.”
Aware daw ang ibang mga artista nilang may Down syndrome na nahihilo sila. Kasama nga iyon sa dasal nila, na walang mahihilo.
“Nung una, nakaka-panic, sa totoo lang po,” pagsisiwalat ni Direk Sigrid.
“Parang, 'Ohhh! Merong bumagsak!' Ganun. Pero nung tumagal, parang normal lang po sa kanila yun. Normal lang na nahihilo sila.
“Nasanay na, nasanay na rin po ang actors, kaming lahat. Relax muna, inhale, exhale. And then, game!”
Ang float ng I’mPerfect ang mauuna sa MMFF 2025 Parade of Stars and Music Fest bukas, Disyembre 19, Biyernes, sa host city na Makati City.
Magsisimula ang programa ng 2:00 P.M. sa Macapagal Avenue, Pasay City, malapit sa World Trade Center.
Ang Parade kickoff ay 2:45 P.M.
Babaybayin ng parada ang Buendia Ave., Ayala Ave., Makati Ave., J.P. Rizal St. patungo sa Open Car Park ng Ayala Malls Circuit Makati.
3:00 P.M. pa lang ay open na ang gates ng Circuit Makati Open Car Park para sa Music Fest.
Ang premiere night naman ng I’mPerfect ay sa Disyembre 21, Linggo, sa SM North EDSA, Quezon City.
Read: Zaijian at Sylvia, may special connection sa I'mPerfect co-stars na may Down syndrome
