GORGY RULA:
Dalawang sinehan sa SM The Block, Quezon City ang binuksan para ma-accommodate ang lahat na dumalo noong Linggo, December 21, 2025, sa premiere night ng MMFF entry ng Nathan Studios na I’mPerfect.
Talagang binigyan ni Sylvia Sanchez ng special treatment ang dalawang bidang may Down syndrome na sina Krystel Go at Earl Amaba. Pati ang walo pang persons with Down Syndrome na kasali rin sa pelikula ay nandoon.
Kahit ang kanilang magulang ay binigyan din ng importansiya na talagang pinag-red carpet din sila sa premiere night.
Sinuportahan din ito ng iba’t ibang organization kagaya ng Best Buddies, Down Syndrome Association of the Phillipines, at iba pang grupo para sa mga person with disability.
Read: Sweet, di totoong tinarayan si Esnyr; Nadine MIA sa mall shows
i'mperfect CELEB GUESTS
Kahit ang ilang celebrities na may kapatid na may Down Syndrome nandoon din. Dala ni Marco Masa ang kuya niyang may Down Syndrome para mag-bonding daw sila sa panonood ng naturang pelikula.
Namataan din namin doon si Ara Mina na isinama rin ang kapatid niyang babae na meron ding Down syndrome.
Andoon din ang magkasintahang RK Bagatsing at Jane Oineza na nagbida sa Cinemalaya 2024 film na Love Child, kunsaan gumanap sila bilang parents ng batang may autism.
Read: Klea Pineda, Janella Salvador get cozy amid their L.A. vacation
EARL AND KRYSTEL TURN EMOTIONAL
Pagkatapos ng screening ay hindi napigilan ng mga bidang artistang may Down syndrome na maging emosyonal. Mahigpit silang nagyakapan at umiiyak. Kaagad silang inalo ni Sylvia Sanchez.
Niyakap si Krystel na patuloy sa pag-iyak. Masyadong overwhelmed daw silang lahat at biglang nagsuka na si Krystel. Sinalo ni Sylvia ang suka ng dalaga para hindi madumihan ang sinehan.

Iyak din nang iyak si Earl. Ipinaliwanag nina Sylvia at Direk Sigrid Andrea Bernardo na ganun daw talaga ang persons with Down Syndrome; hindi nila napipigilan ang kanilang emosyon. Minsan ay nahihimatay sa sobrang excitement, o kaya nasusuka.
Bago pa pala nagsimula ang red carpet ay meron ding isang may Down syndrome na nagsuka rin sa kanilang standby area.
Kaya ang daming napabilib sa producer pati kay Direk Sigrid, at mga co-actors sa kanilang pagtitiyaga na alagaan at alalayan ang mga artista nilang may Down syndrome.

Read: Derek Ramsay, nagbakasyon sa U.K. kasama ang anak na si Lili
JERRY OLEA:
Habang aligaga si Sylvia Sanchez sa pagpapatahan kina Earl Amaba at Krystel Go, pati ang iba pang artistang may Down syndrome, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Direk Sigrid Andrea Bernardo.
Garalgal ang boses niyang nagpapasalamat sa lahat na involved sa kanilang pelikula, mula sa production staff, co-actors at sa magulang ng persons with Down Syndrome.
Nagpapasalamat si Direk Sigrid na nabigyan siya ng pagkakataong maipakita ang kakayahan ng mga taong ito na may kapansanan.
Aniya, “Mahirap po yung ginawa naming project, pero dahil po marami pong naniniwala sa kanila, marami pong naniwala sa vision ko.
“Kaya gusto ko rin po magpasalamat sa lahat po ng staff ko na talaga pong nag-alaga po sa mga actors namin. Kahit po hanggang post-production, inalagaan din po sila.
“To my actors, I know you are overwhelmed right now, and I’m just very, very happy and proud of you guys.
“Nakaka-proud na makita kayo sa malaking sinehan. Sobrang nakaka-proud kayo. And ganap na kayong artista!
"Sana, baunin niyo lahat na mga natutunan nyo dito, sa mga susunod nyong projects, sa mga susunod nyong mga director. Sana, baunin niyo lahat ang mga natutunan niyo,” saad ni Direk Sigrid.

Read: Ang dahilan kaya raw nag-selfie ang driver ni Catalina Cabral
DIREK SIGRID THANKS CAST
Buong puso siyang nagpasalamat sa mga premyado at veteran actors na pumayag sumuporta sa mga artista nilang may Down syndrome.
Aniya, “To my senior actors na iba rin yung pagtitiyaga niyo sa akin, maraming salamat po dahil nagtiyaga rin kayo dito sa mga artista nating mga bida.
“Pumayag kayong maging supporting actors, as simple as that.
“Ang lalaki niyong mga pangalan, pangarap ko kayong makatrabaho. Pero pumayag kayong maging supporting actors.
“At dahil sa inyong pagtatrabaho at pagtitiyaga sa kanila, sobra kayong nakaka-touch. Marami pong salamat.”
Read: Paolo Ballesteros's giant Christmas décor catches fire
NOEL FERRER:
Naiiyak na si Direk Sigrid Andrea Bernardo na ibinahagi rin ang pelikulang ito kay Andy, na may Down syndrome rin. Si Andy ang unang Jiro nang gawan ni Direk Sigrid ng teaser ang I’mPerfect noong 2017.
Unfortunately, pumanaw na itong si Andy. Dumalo sa premiere ang nanay ni Andy na si Maris.
“I’m just so grateful sa lahat din po na tumulong sa akin mula pa po nung 2017. Lalo na po kay Andy, our first Jiro.
“Thank you, Andy, wherever you are… for guiding us.
“I did not give up on this project. I just want to thank you. Thank you sa nanay ni Andy.
"Maybe eto yung time siguro. It wasn’t the right time before. Andy paved the way for me to push this project. So thank you, Maris. Thank you for trusting your son. He’s such an inspiration.
"Finally, it’s here. Its for you guys. It’s for everyone. Ibinibigay ko sa inyo ito lahat. Marami pong salamat,” madamdaming pahayag ni Direk Sigrid.
Nagpasalamat silang lahat sa suporta ng MMFF Executive Committee na siyang nag-sponsor nitong premiere night.
Sa simula pa lang ng activities para sa promo ng 51st MMFF ay talagang tinutukan na ng buong Execom ng filmfest.
Pati ang pagkuha ng sponsors, kagaya ng Geely Philippines, na siyang nagbigay ng bagong kotse sa kanilang Golf tournament na ginanap sa Wack Wack Golf and Country Club noong December 9.
Suportado rin ito ng beneficiaries ng MMFF kagaya ng Mowelfund, Film Academy of the Philippines, The Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at FDCP.
