JERRY OLEA
Isa si Jeffrey Jeturian sa mga naikunsiderang magdirek ng MMFF 2025 official entry na Manila’s Finest kunsaan bida si Piolo Pascual.
“Parang marami kaming kino-consider na direktor,” pag-amin ni Direk Jeffrey bago ang premiere screening ng pelikulang Unmarry noong Disyembre 20, Sabado ng gabi, sa Trinoma, Quezon City.
Read: MMFF 2025 official entries: Horror, comedy, drama, thriller
“So kinakausap na rin ako. Pero ang nangyari kasi, kasabay nitong Unmarry. E, nauna na ang Unmarry. Kaya hindi na ako puwede doon.”
Bida sa Unmarry sina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo. Kasama sina Eugene Domingo, Tom Rodriguez, Solenn Heussaff, Nico Antonio, at Zac Sibug.
Kilalang metikuloso si Direk Jeffrey. Binusisi rin niya nang husto ang Unmarry. Inabot siya minsan ng 36 shots?
Natawa si Direk Jeffrey, “Ay! Hindi naman, hindi naman. Ha! Ha! Ha! Ha! Pag napanood niyo, malalaman niyo naman na worth it iyung sinasabi niyong 36 shots.
“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Pero hindi naman totoong umaabot ng 36 shots. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Read: Angelica Panganiban, pang-Best Actress sa MMFF 2025?
Thirty-five shots lang?! Umabot ba ng take 30 sa ibang eksena?
“Ay! Hindi totoo iyon, hindi totoo iyon. Hindi totoo iyon, kasi, ang gagaling ng mga artista ko, bakit ako aabutin ng take 30?”
JEFFREY JETURIAN HOPES FOR GOOD BOX-OFFICE RESULTS
Pam-best picture ba itong Unmarry? Natigilan si Direk Jeffrey bago sumagot, “Depende kung magustuhan ng jurors… Actually, lahat depende sa jurors kung ano ang taste nila.”
Sa acting, palaban talaga si Angelica?
“Hindi lang si Angelica. Iyung buong cast. Mula kay Zanjoe, kay Tom Rodriguez, kay Solenn. Si Uge. Pati doon sa bata, si Zac, na bagung-bago,” sambit ni Direk Jeffrey.
Ano ang napo-foresee niya sa MMFF 2025? Aariba ba ang Unmarry sa takilya?
“Siyempre, excited kaming lahat. Kasi we came up with a film na tingin namin, magugustuhan ng mga tao,” tugon ni Direk Jeffrey.
“So sana, mag-word of mouth. Tapos bumalik iyong investment ng producers para makagawa kami ulit ng iba pang pelikula.”
HOW UNMARRY WAS BORN
Ibinahagi pa ni Direk Jeffrey kung paano nabuo ang konsepto ng pelikulang iprinodys ng Quantum Films, ang film company na pag-aari ni Atty. Joji Alonso.
“Kay Atty. Joji iyan. Three years ago pa iyan. Tapos iba-iba pa ang casting niyan,” pagsisiwalat ni Direk Jeffrey.
“Iba-iba pa ang direktor. Until this year, nung kinausap niya ako, kung gusto ko bang idirek itong film na ito.
“Ang condition ko naman, kung magustuhan ko ang script, gagawin ko. E, nagustuhan ko. Parang nakita ko, puwedeng paglaruan. Puwedeng pagandahin, ayun.”
Paano nabuo ang casting?
“From the start, si Angelica na ang Celine. Tapos, namili na lang kami ng puwede niyang maging leading man.”
Kumusta ang chemistry nina Zanjoe at Angelica?
“Automatic yung chemistry nila. Kasi familiar sila sa isa’t isa. Magkaibigan sila,” sey ni Direk Jeffrey.
“Komportable sila sa isa’t isa. Kaya iyung interaction nila, natural na natural. Kapadung-kapado nila iyung bawat isa.”
Read: Angelica, from most hated to favorite actress ni Direk Jeffrey
GORGY RULA
First time naidirek ni Jeffrey Jeturian si Angelica Panganiban ay para sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya. Noong time na iyon ay ginagawa rin ni Angelica ang teleseryeng Iisa Pa Lamang (Hulyo-Nobyembre 2008), at karelasyon niya si Derek Ramsay.
Isinumpa noon ni Direk Jeffrey na hindi na siya makikipagtrabaho muli kay Angelica.
Pero napahinuhod si Direk Jeffrey na maka-work muli si Angelica. Nagkasama sila sa teleseryeng Playhouse (Setyembre 2018-Marso 2019), kunsaan tampok din si Zanjoe Marudo.
Maraming good memories si Direk Jeffrey kay Angelica sa taping ng Playhouse? “Oo naman. Kasi, ibang-iba na siya noon,” mabilis na sagot ni Direk Jeffrey.
“At saka gusto rin niya ang mga katrabaho niya. Kaya hindi na siya nagmamaldita.”
Pasabog ang mga interview kay Angelica kaugnay sa promo ng Unmarry, ha?!
“Kaya nga thankful kami, kasi ang sipag niyang mag-promote,” sambit ni Direk Jeffrey.
“Tapos, interesting iyong mga interview sa kanya. Ha! Ha! Ha! Ha!”
ON IISA PA LAMANG
Nakatrabaho na ba niya si Claudine Barretto na co-star ni Angelica sa Iisa Pa Lamang?
“Hindi ko pa siya nakakatrabaho, pero may mga eksena sa Ekstra na based sa experiences ng taping nila doon sa teleserye na iyon,” pagtatapat ni Direk Jeffrey.
“Kagaya nung sinakluban ng sako para dobolan. Based iyon doon.”
Ang Ekstra (Cinemalaya 2013) ang huling pelikulang idinirek ni Direk Jeffrey, bago siya nag-comeback sa Unmarry. Bida rito si Vilma Santos bilang Loida Malabanan.
Read: TV5 shows in 2026: Wilyonaryo, The Kingdom, The Good Doctor PH
NOEL FERRER
Doon sa mediacon ng Unmarry ay nilinaw ni Jeffrey Jeturian na isa si Angelica Panganiban sa mga artistang inayawan na niyang makatrabaho.
Ayaw banggitin ni Direk Jeffrey ang pangalan ng iba pang artista na meron siyang bad experience. Iyong isang aktres na nagmaldita sa set, kagaya ni Angelica ay nagbago rin daw.
“After nung bad experience ko sa kanya, naka-work ko siya uli. Nagbago na rin,” sabi ni Direk Jeffrey.
“Naging nanay rin, nagkaanak din. Tapos nung nakatrabaho ko, ibang-iba na. Gusto ko na rin siyang makatrabaho. Kasi, ibang-iba na ang kanyang work ethics.”
Ang clue ni Direk, adaptation ng isang K-drama ang pinagsamahan nila ng nasabing aktres.
Si Anne Curtis ba ito? “Ay! Hindi!” mabilis na pagtanggi ni Direk Jeffrey.
“Si Anne, nakatrabaho ko sa The Wedding (Hunyo-Setyembre 2009). Noon pa lang, mabait na at saka mahusay. At saka may konsiderasyon sa mga katrabaho.”
Read: Cassy Legaspi at Michael Sager, nagtagpo sa premiere ng Rekonek
Ang opening day ng Unmarry ay sa Disyembre 25, Huwebes kasabay ang pito pang official entries ng MMFF 2025.
Nabalitaan namin na marami na itong block screening, na merong dadaluhan ni Kathryn Bernardo.
Ang ina ni Kathryn na si Luzviminda Bernardo ay isa sa tatlong executive producers ng Unmarry.
Ang dalawa pa ay sina Atty. Joji Alonso at Gilmer Roque.
Ang awards night ng 51st MMFF ay sa Disyembre 27, Sabado, sa Dusit Thani Hotel.
Mapapanood iyon nang live, 8:00 P.M., sa Facebook page ng TV5. Ang delayed telecast sa TV5 ay sa Sabado ng 9:15 P.M.
Kabilang sa MMFF beneficiaries ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), Film Academy of the Philippines, the Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
