JERRY OLEA
Pakiwari ni Direk Jeffrey Jeturian ay mas nag-mature siya bilang filmmaker sa MMFF 2025 official entry niyang UnMarry kung saan bida sina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo.
“Mas marami akong inputs dito na mas malalim,” sabi ni Direk Jeffrey bago ang premiere screening ng UnMarry noong Disyembre 20, Sabado, sa Trinoma, Quezon City.
“Although commercial film siya pero… yun na nga. Kasi, nag-mature ako as a filmmaker.
“Siguro kasi, ang tagal-tagal kong hindi gumawa ng pelikula, tapos nang ginawa ko ito, excited ako at inspired ako.”
Read: MMFF 2025 Box-Office Update: Call Me Mother umalagwa sa first day
Before UnMarry, ang last movie na idinirek ni Direk Jeffrey ay ang Cinemalaya 2013 film na Esktra, kung saan bida si Vilma Santos.
“Mapili kasi ako sa ano, e. Ayokong gagawa ng pelikulang ikahihiya kong ginawa,” natatawang sambit ni Direk Jeffrey.
Kailangan, pang-award ang bawat movie niya?
Mabilis na tugon ni Direk Jeffrey: “Hindi naman. Kasi sa akin, OK lang naman ang commercial film basta maganda ang pagkagawa.
“Basta’t paghusayin mo ang pagkagawa, kahit na commercial or art film yan, OK sa akin.”
UNMARRY CHARACTERS
Nasa cast din ng UnMarry sina Eugene Domingo, Tom Rodriguez, Solenn Heussaff, Zac Sibug, at Nico Antonio.
Sa istorya ng UnMarry, meron bang ibinase sa personal na karanasan ni Direk Jeffrey?
“Wala naman kasi I never got married. Single ako tapos LGBTQ pa,” pagmamatwid ng premyadong direktor.
“But inilalagay ko iyong sarili ko sa sitwasyon nung mga characters sa script. E, empath ako as a person.
“So, alam ko kung ano yung nararamdaman ng mga characters doon sa script.”
Nakatanggap ba siya ng offer sa VMX (dating Vivamax)?
Napangiti si Direk Jeffrey, “Dati. Pero may kasabay din. Naka-oo na ako pero may kasabay, kaya yung kasabay ang inuna ko.”
Ang 51st MMFF Gabi ng Parangal ay gaganapin bukas, Disyembre 27, Sabado, sa Dusit Thani Hotel, Makati City. May livestream ito umpisa 8:00 P.M. sa Facebook page ng TV5.
Read: Angelica Panganiban, pang-Best Actress sa MMFF 2025?
NOEL FERRER
After UnMarry, gusto ni Direk Jeffrey Jeturian na gumawa ng marami pang pelikula.
“Kasi, natuwa ako sa paggawa ko ng pelikulang ito. Na-miss ko ang paggawa ng pelikula,” sabi ni Direk Jeffrey.
“Na-inspire ako nung ginagawa ko itong UnMarry, kaya gusto ko pang gumawa ng marami pang mga pelikula.”
May mga partikular bang artista na gusto niyang maidirek sa pelikula?
“Depende sa script. Script kasi ang tingin kong bible ng paggawa ng pelikula,” sambit ni Direk Jeffrey.
“So based sa script, saka namin iisipin kung sino ang puwedeng i-cast.
“Pero of course, siyempre pag magaling ang artista, 50 percent lang yung trabaho ng direktor.”
Read: Jeffrey Jeturian on "kamalditahan, sinakluban ng sako" stories
GORGY RULA
After Ekstra, gusto ni Direk Jeffrey Jeturian na maidirek muli si Vilma Santos. May na-pitch na siyang project, di ba?
“Pinapanood ko sa kanya yung play na Grace. Kasi parang puwede sa kanya iyong role nung mother superior,” pagsisiwalat ni Direk Jeffrey.
“Pero nothing came out of it.”
Sa mga young actress, sino ang bet niyang hubugin?
“Si Maris [Racal], nagagalingan ako. At saka si Sue Ramirez, nagagalingan ako,” pagtatapat ni Direk Jeffrey.
“Ang unang teleserye ni Maris, sa akin. Yung Ningning [Hulyo 2015-Enero 2016]. Silang dalawa ni Marco Gumabao, yan ang una nilang teleserye.
“Di ba, magaling siya?”
Naidirek ni Direk Jeffrey si Sue sa teleseryeng Hanggang Saan (Nobyembre 2017-Abril 2018), kung saan kasama rin si Maris.
Nakatrabaho rin ni Direk Jeffrey si Sue sa sitcom na Oh My Dad! (Oktubre 2020-Abril 2021) sa TV5.
“Sina Sue at Maris, parang si Angelica Panganiban — magaling sa drama, magaling sa comedy!” bulalas ni Direk Jeffrey.
“Actually ang magagaling, yung marunong sa comedy. Kasi pag drama, natural lang ang atake nila.”
Paborito rin ni Direk Jeffrey si Jodi Sta. Maria na idinirehe niya sa morning drama series na Be Careful with My Heart (Hulyo 2012-Nobyembre 2014).
Read: Ultimate MMFF 2025 Guide: MTRCB Ratings, Parade of Stars, Premiere Nights
