GORGY RULA
Sinuportahan ni Kathryn Bernardo at ng halos buong pamilya niya ang special screening ng MMFF 2025 official entry na UnMarry ng Quantum Films at Cineko Productions.
Co-producer din ng pelikula ang ina ni Kathryn na si Min Bernardo.
Ang dami nilang nanood sa Cinema 1 ng Vertis North, Quezon City, noong Miyerkules, December 31, 2025.
Hindi gaanong matao noong araw na yun dahil aligaga na ang mga tao sa paghahanda sa New Year’s Eve.
Pero parang nag-reunion ang pamilya ni Kathryn sa dami nila para sumuporta sa first movie co-production ni Mommy Min.
Read: REVIEW: UnMarry is mature, sensitive look at the end of love
KATHRYN CLUELESS ABOUT MOMMY MIN'S CO-PRODUCTION VENTURE
Sabi ni Mommy Min, hindi nila pinag-usapan ni Kathryn ang balak niyang pakikipag-co-produce sa UnMarry.
Nagulat daw talaga ang aktres nang nakita niya sa post ni Atty. Joji Alonso ng Quantum Films na co-producer pala ang kanyang ina.
“Ay, no! Hindi niya alam,” bulalas ni Mommy Min.
“Nagulat nga siya, e. Even Ria [Atayde], nagulat. ‘Ay, si Mther pala, ano…”
Bulalas naman ni Kathryn, “Oo! Nakakagulat siya! Nagulat nga din ako, e. Na-surprise.”
Masaya si Mommy Min sa resulta ng UnMarry, na nadagdagan pa ng sinehan.
“So far… nanghinayang lang ako kay Angge. Well, anyway ganun talaga. May nanalo, may natatalo,” matipid niyang sagot.
Ang tinutukoy ni Mommy Min na "Angge" ay ang bida ng UnMarry na si Angelica Panganiban, na natalo bilang best actress sa MMFF 2025 Gabi ng Parangal.
Read: Vice Ganda, Krystel Go, Manila's Finest, UnMarry big winners at MMFF 2025
NOEL FERRER
Masaya si Kathryn Bernardo na nagkita-kita sila uli ng kanyang pamilya, at nag-bonding sa UnMarry na prinodyus ng mama niya.
OK ba kay Kathryn na ipag-produce siya ng Mama Min niya ng pelikula?
“Depende! Depende!” napangiti niyang sagot.
Masaya lang siya na nagkita-kita sila uli ng pamilya niya at magkasamang nanood ng UnMarry.
Nagkasama raw sila nung Pasko, at ngayon ay bonding daw sila uli para sa pelikulang iprinodyus ng mama niya.
“Support kay Mama! Yes!” sambit ni Kathryn.
“Tapos papanoorin ko rin ang ibang MMFF [movies] after this. Kasi, inuna ko lang yung kay Mama. Kasi madami daw maganda.
“Anyway, we’re excited to see her first film na prinodyus. And of course, to support na rin sila Z [Zanjoe Marudo] and Angelica, and of course Direk Jeffrey. Excited kami lahat,” saad ni Kathryn.
Nagustuhan ni Kathryn ang movie. Puring-puri niya si Zac Sibug na magaling talaga sa pelikulang ito.
Humabol din doon ang mag-lolang Atty. Joji at Zac na kararating lang nung araw na yun galing sa ilang araw na bakasyon nila sa Hong Kong.
Read: Angelica Panganiban after Best Actress loss: "Naghanda ako ng speech, hindi ko nasabi."

JERRY OLEA
Na-inspire si Direk Jeffrey Jeturian sa comeback movie niyang UnMarry, na nagpanalo sa kanya bilang best director ng 51st MMFF.
Gusto ni Direk Jeffrey na gumawa ng marami pang pelikula.
Take note na dalawa sa mga artista ng UnMarry ay pinarangalan sa MMFF 2025 awards night.
Best supporting actor si Tom Rodriguez, at isa sa nakatunggali niya si Zac Sibug na pinagkalooban ng jury prize na breakthrough performance.
Ang iba pang artista ng UnMarry na nominado ay sina Angelica Panganiban para best actress, Zanjoe Marudo para best actor, at sina Eugene Domingo at Solenn Heussaff para best supporting actress.
Itinanghal na second best picture ang UnMarry, at nasungkit din nito ang tropeyo para sa best editing at best screenplay.
Kaya inaasam nating idirek ni Direk Jeffrey si Kathryn Bernardo sa isang pelikula na co-producer si Luzviminda “Mommy Min” Bernardo!
