JERRY OLEA
Dumalo sina Chanda Romero, Yayo Aguila, at Aga Muhlach sa opening night ng Bagets The Musical noong Enero 23, 2026, Biyernes, sa Newport Performing Arts Theater, Newport World Resorts, Pasay City.
Sina Chanda, Yayo, at Aga ay kasama sa OG cast ng 1984 Viva movie na Bagets, na idinirek ni Maryo J. de los Reyes mula sa panulat ni Jake Tordesillas, at ni-line produce ni Douglas Quijano aka Tito Dougs.
Ang limang bida na nag-perform sa Bagets The Musical noong Friday night ay sina Andres Muhlach bilang Adie Muhlach, Ethan David bilang Arnel Lauchengco, Noel Comia Jr. bilang Gilbert Bautista, Milo Cruz bilang Tonton Martinez, at Sam Shoaf bilang Topee Bonnin.

Isinunod ang mga apelyido ng limang pangunahing karakter sa OG Bagets stars na sina Aga Muhlach, Raymond Lauchengco, Herbert Bautista, William Martinez, at JC Bonnin.
Yung eskwelahan na nilipatan ng mga bagets ay isinunod naman sa pangalan ni Vicente del Rosario Jr. o Boss Vic na Chairman at CEO ng Viva Communications, Inc.
Pagkatapos ng pagtatanghal ay pinaakyat sa entablado sina Chanda, Yayo, at Aga.
Nagyakapan ang mag-amang Aga at Andres, at napaiyak ang anak.
Read: Cast ng Bagets movie at musical, magtatagpo ang landas

YAYO AGUILA
Nakachikahan namin afterwards si Yayo, at tinanong namin siya kung napaiyak ba siya sa Bagets The Musical.
“Napaiyak ako sa likod nung nakita ko si Andres, umiiyak!” bulalas ni Yayo.
“Sa backstage… pero sobrang ganda. Parang hindi nga ako makahinga nung… parang overwhelming, kasi inakyat ka pa. ‘Anong gagawin ko diyan?’
“Tapos nakita ko yung mga anak-anakan ko like si Andres, si Ethan, si Noel. Sobrang proud ako sa kanila.
“Tapos kanina, sabi ko sa mga friends ko, parang hindi ko ma-imagine na magagawa ko yung kumakanta, sumasayaw, umaarte. Tapos nagme-memorize ka ng blocking mo.
“Grabe, ang galing nila! Sobrang proud ako sa kanila.”

Sa pelikulang Bagets ay gumanap si Yayo bilang Rose, ang love interest ni Tonton (William Martinez). Sa musical, ang gumanap na Rose ay ang taga-teatro na si Yani Lopez.
Kumusta si Rose?
“Ang nice nung eksena, 'no? May nagsabi rin sa akin kanina, hindi naman siya spoiler, pero sinabi niya, ‘Alam mo ang ganda ng eksena nung sa yo, tapos nung namatay ka.’
“Kasi dun umikot yung change ng character [ni Tonton], andun yung heart.
“Natuwa ako, tapos na-meet ko siya sa likod. Kasi, friend siya ng anak ko. From Ateneo.
“Tapos parang naiiyak-iyak pa siya kanina nung na-meet niya ako. So sabi ko, nakakatuwa naman.”
First time ni Yayo na napanood si Yani na mag-perform. Kaibigan ito ng bunso niyang anak na lalaki.
“Sobrang happy ko. Sobrang ganda! Thank you talaga na nangyari ito,” sambit ni Yayo.
“Kasi nung umpisa, nung onset ng promo nito, nung may mga lumalabas nang articles na gagawin ito, marami akong naririnig na, ‘Hmph, paano yon? Puwede ba yon?’
“Tapos ang galing… ang galing ng mga areglo ng songs, wala akong masabi. Pati ang lyrics.”
Kabilang sa mga awit sa two-act Bagets The Musical ang "Growing Up," "Telefone (Long Distance Love Affair)," "Build Me Up Buttercup," "So It’s You," "Take On Me," "Farewell (To You My Friend)," "State of the Nation," "Loving You," at "Just Got Lucky."
Read: Andres Muhlach, napaluha sa stage debut via Bagets, The Musical

NOEL FERRER
Pumanaw na sina line producer Douglas Quijano, scriptwriter Jake Tordesillas, at director Maryo J. de los Reyes.
Matutuwa kaya sila kung napanood nila itong Bagets The Musical?
Mabilis na tugon ni Yayo Aguila: “Ay, naku! Super! Babangon sila! Babangon sila, sina Tito Dougs, Jake, Direk Maryo — they’ll be so proud. Kasi talagang…
“Kanina, parang nare-relive mo yung mga nangyari before. Tinext ko pa si Raymond [Lauchengco]. Kasi, may trangkaso siya. Dapat nandito siya.
“Kasi, hindi pa napapanood ng mga anak niya yung Bagets na movie. So, gusto talaga niya.
“Sabi ko, ‘I wish you were here para marinig mo yung mga songs mo.’ Sobrang galing.
“Pero I’m sure, makakapanood pa yon.”
Bago pa pumanaw si Tito Dougs noong 2009, binabalak na ang reunion sana ng Bagets.
Reaksiyon ni Yayo: “Oo nga, hindi kami matuluy-tuloy! Sana, after nito… marami kasing plans si Herbert, maraming plans si Aga.
“So, ipinagdadasal pa rin namin. Kasi siyempre, pareho silang busy. Sana, finally, no…
“Dati, kakaplano namin, hindi natutuloy. Baka pag hindi mo pinaplano, yun pa ang matuloy. Di ba?”
Read: Claudine Barretto accuses personal assistant of kidnapping

GORGY RULA
Ano pa ang naalala niya sa panonood ng Bagets The Musical?
Napangiti si Yayo Aguila: “Yung friendship namin. Lahat. Yung friendship na nabuo doon. Kahit naman separate yung boys sa girls, pero may mga times na magkakasama kami.
“Kasi lahat, nasa set. Parang ang saya! Kasi, tamo hanggang ngayon, magkakaibigan pa rin kami.
“Tapos nandiyan pa rin si Boss Vic. Imagine! Sabi nga kanina ni Boss Vic, 14 lang si Aga noon, 16 lang ako. Lahat kami, ganun.
“Hanggang ngayon, nandito pa kami. So, thank you talaga. Parang blessing.”
Meron ding bittersweet na alaala ang Bagets…
Tumango si Yayo: “Oo, meron. Meron din. Yung mga kaibigan ko, sila ang madaming hanash!
“Sabi, ‘Naalala mo?’ ‘Oo naman, siyempre.’ Doon kami nagkakilala, e, di ba? Oo, pero ganun talaga. Part yon. Part yun ng buhay namin.”
Magkatambal sa Bagets sina Yayo at William Martinez, at doon sila nagkamabutihan.
Ayon sa dalawang source ng PEP Troika ay inimbitahan si William sa opening night ng Bagets The Musical pero tumanggi itong um-attend.

THE ORIGINAL BAGETS
Streaming sa Viva One ang digitally enhanced Bagets movie.
Kabilang din sa cast nito sina Eula Valdez, Jobelle Salvador, at Baby Delgado bilang bagets chicks.
Ang gumanap na ermats sa movie ay sina Rosemarie Gil, Liza Lorena, Celia Rodriguez, Lita Gutierrez, at Luz Valdez.
Ang mga erpats ay sina Rodolfo “Boy” Garcia, Robert Campos, Eddie Arenas, Romeo Rivera, at Butch Bautista.
Chertits (teachers) sina Irma Alegre, Chito Licsi, Louella Albornoz, Benji Eledesma, Consuelo Osorio, Flora Gasser, Rodolfo Meyer, at Zorayda Sanchez.
Sabets sina Bembol Roco, Potenciano Guzman, Dexter Doria, Josie Galvez, Nena Perez Rubio, Aida Carmona, Malou de Guzman, at Evelyn Vargas.
Classmates sina Mon Alvir, Timmy Diwa, Racquel Gutierez, Carlos de Leon, Marites Perez, at Jun de Guzman.

BAGETS THE MUSICAL
Ang playwright ng Bagets The Musical ay si Jmee Katanyag, at ang direktor ay si Maribel Legarda.
Ang musical director and arranger ay si Vince Lim, samantalang ang choreographer ay si JM Cabling.
Ang halaga ng tiket sa Bagets The Musical ay P4,000 (SVIP), P3,500 (VIP), P2,000 (Silver), at P1,000 (Bronze).
Napanood namin ang matinee ng Bagets The Musical noong Enero 24, Sabado ng 3:00 P.M.
Ang mga gumanap na bida roon ay sina Mico Hendrix Chua bilang Adie, KD Estrada bilang Arnel, Tomas Rodriguez bilang Gilbert, Migo Valid bilang Tonton, at Jeff Moses bilang Topee.

Nakaka-distract ang bukol ni Jeff!
Naitawid ni Migo ang mga makabagbag-damdaming eksena.
Mahusay umawit sina Mico at Tomas.
Standout para sa amin si KD. Pakiwari namin, kering-keri rin niyang gumanap na Adie!
Read: Nic Chien describes how mom Lea Salonga supports his transition
