GORGY RULA:
Suporta sina Mon Confiado at Ynez Veneracion sa pelikulang In Thy Name na pinagbidahan ni McCoy de Leon, at ipinalabas sa mga sinehan noong Marso 5, 2025.
Co-stars muli ang mag-ex na sina Mon at Ynez sa pelikulang Batang Paco, kunsaan bida sina Empoy Marquez at Ai-Ai de las Alas.
Nanibago ba si Mon sa itsura ni Ynez nang makita niya muli ito? Sa tingin niya, mas bumagay na nagparetoke ito?
“To be honest, hindi,” sagot ni Mon sa mediacon ng Batang Paco noong Enero 29, 2026, Huwebes, sa Pandan Asian Cafe, Sct. Limbaga St., Quezon City.
“Pero noong una, medyo may mga reaction din ako katulad din nung mga bashers niya, alam ni Ynez iyon.
“Sabi ko, ‘Ang ganda-ganda mo na! Ang ganda ng ilong mo, ang ganda mo! Bakit mo pa pinagalaw?’
“Pero minsan kasi, ganoon tayo, e. Di ba? Alam ko kasi ang back story ni Ynez from… kasi, 17 years kaming magkasama.
“So iyung kanyang self-confidence ay sobrang baba.”

MON CONFIADO ON BREAKUP WITH YNEZ VENERACION
Hindi kaya siya ang dahilan kaya nagparetoke si Ynez? Kasi, iniwan niya ito.
Paglilinaw ni Mon, “Hindi ko naman siya iniwan. Hindi, hindi.”
Ay! Si Ynez pala ang nakipaghiwalay kay Mon?!
“Hindi. Ang kagandahan, alam niyo naman lahat, best friends kami. Oo, magkaibigan kami,” saad ni Mon.
“Hindi nagbago iyong samahan namin. Oo, mas nakakatuwa. Di ba, bihira iyon? Usually magkaaway, e.
“Pero ito, parang iyong punchline na ‘I love you, ex,’ nananalaytay din sa amin, e. So magkaibigan pa rin kami…"
Pagpapatuloy ni Mon tungkol sa cosmetic enhancement ni Ynez: “Mabalik lang ako doon sa self-confidence. Kaya minsan iyong tao, talagang gagawin mo lahat para sa isip mo, maganda ka. Maging confident ka.
“So kung iyon ang makakatulong sa confidence niya, e, wala tayong karapatan para i-bash siya, di ba?”
Kapag nakikita niya si Ynez, bumabalik ba iyong dati?
Napakunot-noo si Mon, “Ewan ko, parang ano, e. Parang tingin ko, 17 years ago pa rin ang itsura niya, e.
“Kasi 17 lang si Ynez noong naging girlfriend ko. Sa akin nagdalaga iyan, e.”
Read: Emilienne Vigier speaks about relationship with Joshua Garcia
NOEL FERRER:
Itinuring ni Mon Confiado na parang tunay niyang anak ang panganay ni Ynez Veneracion na si Princess Keilah.
Inaanak ni Mon ang bunso ni Ynez na si Jianna Kyler. May pinagdadaanan si Keilah. Nabu-bully sa school.
MON CONFIADO ON CARING FOR YNEZ'S DAUGHTERS
Ano ang kontribusyon o payo ni Mon bilang tatay-tatayan ni Keilah? Napabuntong-hininga si Mon, “Ahhh, malaki. Malaki po ang moral support ko. Halos araw-araw, pinapayuhan ko siya.
“Lahat ng mga puwedeng kumbaga magpatatag sa kanya. Mula sa pagdadasal hanggang sa pagmamahal ng kanyang mga magulang.
“Sabi ko nga, minsan, kahit iyong mga pinakamagaganda o iyung mga pinakamatatalino, binu-bully, e.
“So parang lalo na sa generation ngayon, sa social media, parang kalakaran na nila iyan, e.
“So dapat masanay na siya. Pero hindi ibig sabihin na magpalamon ka doon sa pangmamata, paninira, o pambu-bully sa iyo.
“Siyempre mas kilala mo iyong sarili mo, mas kilala namin siya as her parents.
“Lahat ng moral support, nandoon ako. At sabi ko nga, ‘Nasa tabi mo lang ako palagi. Lagi kitang dadamayan kahit na ano pa man iyan. Basta iyung daddy mo, nasa side mo lang palagi.’
“Para malagay lang sa isip niya na kung ano man, kung pinipintasan man siya ng mga tao, merong laging taong pupuri sa kanya all the time,” seryosong pahayag ni Mon.
Napaiyak si Ynez sa mga sinabi ni Mon, lalo na noong nakita niyang umiiyak na si Ai-Ai de las Alas.
Naintindihan daw ni Keilah ano ang naging relasyon ng ina kay Mon, pero nanatili silang magkaibigan at tumatayo na rin siyang ama sa mga anak ng aktres.

JUST FRIENDS WITH YNEZ
Hindi nakikita ni Keilah na magkakabalikan sina Mon at Ynez.
Paliwanag Mon, “Kasi sa paglaki niya, hindi niya nakita ni minsan na nag-hug kami o nag-ano as parents niya.
“Pinapaintindi ko naman talaga sa kanya magmula pa noong bata siya at nagkaisip siya na iyung pinagdaanan namin ng mommy niya, iba.
“Pero magiging proud ka rin sa amin, kasi imagine kahit may kanya-kanya na kaming buhay, meron na nga siyang kapatid sa iba.
“Pero iyung respeto at iyung pagmamahalan namin bilang magkaibigan ni Ynez, nandiyan pa rin.
“Kasi sabi ko nga, 17 years kami ni Ynez — hindi mo na iyun maaalis.
“At lagi, ang aming foresight kasi o ang mindset namin, hindi namin tinitingnan iyung mga pagkakamali namin noong bata kami o iyung mga pangit na experiences.
“Ang tinitingnan namin lagi, iyung mga magagandang pinagsamahan. Kaya naman ganoon iyung respeto namin sa isa’t isa.”
Read: Power tripper na aktor, ayaw nang katrabaho ng production staff
JERRY OLEA:
Paano siya napamahal nang lubos sa panganay ni Ynez Veneracion na si Princess Keilah?
“Sira ulo ako noong kami [ni Ynez], inaamin ko iyan. Imagine, nagkaroon ka ng boyfriend, 17 years,” pagsisiwalat ni Mon Confiado?
“Walang planong maganda. Hanggang 17 years, mag-girlfriend-boyfriend pa rin kayo, di ba? Siguro nabuwisit siya sa akin, di ba?
"At noong time na iyun, ayokong magkaanak, ayoko kumbaga na magkaroon ng responsibilities. Happy-go-lucky lang iyong thinking ko noon. Kasi, typical.
"Pero noong dumating si Princess Keilah, iyong panganay niya, total twist. Nagbago iyon, 180 degrees.
“Dati ayoko ng mga bata, naguguluhan ako. Pero noong napamahal ako sa anak niya, sobrang sensitive na ako sa mga bata ngayon.
“Konting makakita ako ng mga bata, naaapektuhan ako agad. So binigay niya sa akin iyung pagiging magulang, iyong fatherhood.
“Nagamit ko rin iyan sa pagiging artista ko. Kumbaga, siguro siya iyung naging parang ano ko, e, pagsisisi.
“Na hindi ako nag-anak. Hanggang ngayon, wala akong anak. Kaya siya iyung parang nagpabago ng buhay ko. Nagpabago ng pananaw ko. At nagpaseryoso sa akin bilang tao.”
Read: Ynez Veneracion not ready to settle down with boyfriend Mon Confiado
MON CONFIADO WANTS YNEZ'S DAUGHTER TO HONOR HER FATHER
Para kay Princess Keilah, mas mahal niya si Mon kesa sa kanyang biological father.
“Hindi naman. Baka hindi niya lang na-explain nang maganda. Kasi hindi naman siya sanay sa interbyu,” pagmamatwid ni Mon.
“Hindi niya sinasabi sa harap ko o sa pagkakaintindi ko na mas mahal niya ako. Mahal niya kami pareho ng biological father niya.
“Kasi in fairness to her father, siya pa rin naman iyung nagpu-provide ng kanyang schooling, ng mga pangangailangan niya.
“Kaya lang, sabi ko nga, sa amin ni Ynez, nagbago iyong track ng mga… naghiwalay din sila nung father, e.
“So iba din iyung naging track nung father niya, iba din iyung track ng buhay ni Ynez, at ako.
“Pero hindi ibig sabihin, mas mahal ako. At lagi kong sinasabi sa kanya, ‘I-text mo naman iyung papa mo. Iano mo, magpasalamat ka. Kumustahin mo. Kung hindi ka tine-text, i-text mo.’
"“So hindi ko inaalis sa kanya iyung pagiging... Kasi, mahirap din iyon, e. Sa mentally, baka maapektuhan din siya na baka akala niya, hindi siya mahal ng biological father niya.
"Mahal siya. So iyun ang ipinapamukha ko sa kanya palagi. Ako’y nandito lang bilang daddy niya.
"Pero at the end of the day, siyempre iyon pa rin ang totoong dugo niya. Di ba? Hindi mo puwedeng ialis iyon.”
MON'S LOVE FOR YNEZ
Sinabi raw ni Mon kay Ynez, siya ang karma ng aktres? Ano ang ibig niyang sabihin niyan?
Pahayag ni Mon, “Hindi, biro lang iyon. Kasi sabi ko nga, di ba, inaamin ko, for 17 years, sira-ulo ako.
"Binibiro ko si Ynez na andami na niyang naging… hindi naman madami… nagkaroon na siya ng iba’t ibang mga karelasyon maliban sa akin.
“Dahil 14 years old na si Princess,ilang taon na ang dumaan, lagi ko siyang binibiro na, ‘Baka ako pa rin ang karma mo!’
“Ang ibig sabihin nun, parang sa akin din siya babagsak. Parang ganoon. Ha! Ha! Ha! Ha!”
Posible ba iyon?
“To be honest, hindi ko masasabi nang tapos. Mahirap, e, di ba? Pero masaya kasi kami nang ganito, e,” lahad ni Mon.
“Naka-support ako kay Ynez all throughout. Minsan, iyung damuhan ng bahay niya, antaas-taas na, tinatabas ko. Kasi, baka may ahas doon! Matuklaw pa siya.”
May natitirang pagmamahal pa ba siya para kay Ynez? More than being friends…
“Sabi ko nga, hindi mawawala iyun!” bulalas ni Mon.
“Imagine, nakasama mo iyong tao nang maganda nang 17 years. Kahit nga mag-asawa, I don’t think na pag naghiwalay iyun… puro galit na lang, di ba?
“Hindi na mawawala iyung pagmamahal ko kay Ynez hanggang kamatayan.”
Siyanga pala, sa Pebrero 18 nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang Batang Paco.
Idinirek ito ni Rechie del Carmen mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa. Kasama rin sa cast sina Chichi Rita, Cassy Lavarias, Richard Quan, Alma Concepcion, Lara Morena, Natasha Ledesma, Kookoo Gonzales, Gerard Acao, Josh Ivan Morales, Kim Rodriguez, Jovi Vargas, at Quentin Molo. Prinodyus ito ni Ana Abiera del Moral ng MiVida Productions, Inc.
