JERRY OLEA
Nauumay na ba ang subscribers ng Netflix Philippines sa mahahabang Pinoy teleserye?
Yung 2025 Philippine remake ng K-drama na It’s Okay To Not Be Okay ay 80 episodes dapat, pero binawasan ng 15 episodes.
Pinagbidahan ito nina Joshua Garcia, Anne Curtis, at ng sakdal husay na si Carlo Aquino.
Co-stars nila ang mga de kalibreng artista rin na sina Michael de Mesa, Maricel Laxa, Agot Isidro, Enchong Dee plus Francis Magundayao, Xyriel Manabat and Kaori Oinuma.
Habang tumatagal ay lalong hindi nagiging OK ang rank nito sa Top 10 TV Shows ng Netflix PH.
Read: Karla Estrada, payag nang magpakasal ang anak na si Daniel Padilla

Ang What Lies Beneath (100 episodes) ay nag-umpisang mag-streaming sa Netflix PH noong Oktubre 17, 2025, samantalang ang Roja (80 episodes) ay Nobyembre 21, 2025 nag-premiere sa naturang streaming platform.
Exciting kung makokopo nila ang Top 2 slots sa Top 10 TV shows list.
Nanguna ang What Lies Beneath for nine consecutive days, mula Oktubre 19, Linggo, hanggang Oktubre 27, Lunes.
Hindi na ito nakabalik sa top spot afterwards.
Nag-No. 1 ang Roja for five consecutive days, mula Nobyembre 23, Linggo, hanggang Nobyembre 27, Huwebes.
Noon ay naglalaro sa third hanggang fifth place ang What Lies Beneath. Ang Roja ay hindi na naging topnotcher mula noon.
Kaya hindi nangyari na ang Roja at What Lies Beneath ang nasa Top 2 spots.
Ang huling episode ng What Lies Beneath ay nakatakdang mag-streaming sa Marso 3, 2026, samantalang ang finale episode ng Roja ay mag-i-streaming sa Marso 10, 2026.
Disyembre 21, 2025 first time na naligwak sa Top 10 TV shows ang What Lies Beneath, samantalang Enero 9, 2026 ang unang araw na natanggal sa Top 10 TV shows ang Roja.
Enero 17, 2026 ang unang araw na nalaglag pareho sa Top 10 TV Shows ng Netflix PH ang Roja at What Lies Beneath.
Ang mga sumunod na petsa na ligwak pareho ang Roja at What Lies Beneath ay Enero 23-26, Enero 29-31, Pebrero 2-4, at Pebrero 6-10.
Suma tutal ay 16 days nang naglaho pareho sa Top 10 TV Shows ang What Lies Beneath at Roja.
Read: Izzy Trazona reunites with SexBomb Girls at Get Get Aw! Rawnd 4
PINOY TV SHOWS ON NETFLIX THIS 2026
Ini-announce na ng Netflix Philippines ang mga TV show na mag-i-streaming this year.
Abril 17, 2026 ang premiere ng The Master Cutter, starring Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Wala pang release date ang Someone, Someday nina Kathryn Bernardo, James Reid, at Maja Salvador, ganoon din ang BuyBust: The Undesirables (9 episodes) nina Anne Curtis at Gerald Anderson.

Disyembre 3, 2026 ang premiere ng anthology na Paskong Pinoy (4 episodes). Bida sa "A Perfect Christmas" episode sina Barbie Forteza at Enchong Dee.

Tampok sa The Last New Year in Boracay ang mga taga-TGIS na sina Angelu de Leon, Bobby Andrews, Polo Ravales, Rica Peralejo, Ciara Sotto, Michael Flores at Bernadette Allyson.

top 10 tv shows
Ang Top 10 TV Shows sa Netflix Philippines ngayong Pebrero 10, 2026, Martes:
- Jeffrey Epstein: Filthy Rich
- Unfamiliar
- Hell’s Paradise
- Undercover Miss Hong
- Bridgerton
- Can This Love Be Translated?
- Jujutsu Kaisen
- The Lincoln Lawyer
- Hero Without A Class: Who Even Needs Skills?!
- Frieren: Beyond Journey’s End
Read: Breakdown ni Mark Herras, may kinalaman sa bagong bahay nila ni Nicole Donesa?
GORGY RULA
Sinusubaybayan ko noon ang What Lies Beneath at ang Roja sa Netflix.
Pero sumuko na ako sa What Lies Beneath. Tumigil na ako, nalito na ako sa dami ng mga subplot.
May pagka-dark pa minsan ang kuwento lalo na yung sa karakter ni Janella Salvador.
Nagpaka-GL din iyung kay Mary Joy Apostol, na may pagka-tunggril pala yung pinatay na si Luisa na ginampanan ni Mutya Orquia.
Basta, ang gulo na nung nawala pansamantala si Edong (Jake Cuenca), at kina Sue Ramirez, Charlie Dizon, Kaila Estrada, at Janella na umiikot ang kuwento.
Kaya nung nagpaparamdam na ang pagbabalik ni Edong, tumgil na ako.

Ang Roja ay ilang beses ding tumitikwas ang kilay ko sa itinatakbo ng kuwento.
Nakakapagod ang pa-suspense sa walang katapusang hostage nila.
Nakatakas na nga sa resort ng La Playa Roja, aba, itinuloy pa rin ang hostage taking sa hospital na kinalalagyan nung hostage takers.
Hindi ko na ma-take ang pagka-takaw hostage ng main characters.
Maraming pagkakataon na puwede silang makatakas, puwede na ring patayin nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri ang ilang nang-hostage, hindi pa rin nila pinatay.
Ano ba?! Para humaba pa ang kuwento?
Pero itinutuluy-tuloy ko pa ring panoorin dahil gusto kong malaman kung kailan at kung paano matapos ang hostage taking na yun.
Nakakauta na rin yung twist keti twist sa kuwento.

Mas na-appreciate ko talaga ang simpleng plot na doon lang nakatuon ang kabuuan ng kuwento.
Eto lang ang kaibahan sa Netflix at sa ibang streaming services, dahil kapag nakakapanood ka ng local series o pelikula, naikukumpara mo agad ibang content, lalo na ang mga Korean na magaganda talaga.
Pero gusto ko pa ring purihin itong mga likha natin sa effort para mapaganda lang ang kanilang ginagawa.
Read: Nic Chien shuts down cheating rumors about parents' separation
NOEL FERRER
Maganda lang sa Netflix, may advance quality control na ipapa-review two weeks before airing sa free TV kaya talagang dapat magandang-maganda ang output.
Kaya excited ako sa mga ipalalabas na Pinoy content this year. At magugulat tayo dahil dapat ang mga themes ng mga palabas, mas edgy at mas cultural, mas maganda.
Dalawang pelikulang Pinoy ang nag-streaming sa Netflix Philippines sa unang buwan ng taon — ang 100 Awit Para Kay Stella noong Enero 22, 2026, at ang horror movie na Near Death noong Enero 29.
Ang 100 Awit Para Kay Stella ay sequel ng pelikulang 100 Tula Para Kay Stella. Tampok sa sequel sina Bela Padilla, JC Santos, at Kyle Echarri.
Noong una ay ginawang English ang title nito, 100 Songs for Stella. Nag-peak ito sa second place for three consecutive days, Enero 23-25.

Yung Near Death ay isang araw lang na topnotcher sa Top 10 Movies ng Netflix PH, noong Enero 30, Biyernes.
Tampok sa Near Death sina Charlie Dizon, RK Bagatsing, Xyriel Manabat, Soliman Cruz, Joel Torre, Lotlot de Leon, Nikka Valencia, Cholo Barretto, Rosh Barman, at Manu Respall.
EVERYONE KNOWS EVERY JUAN
Noong Pebrero 5 nag-umpisang mag-streaming ang Everyone Knows Every Juan, na idinirek ni Alessandra de Rossi.
Sa istorya, nag-reunite ang magkakapatid na Sevilla sa bisperas ng first death anniversary ng kanilang inang si Juaning (Liza Lorena), at nabunyag doon ang kani-kanyang lihim.
Ang anim na magkakapatid ay sina Dok Tupe (Edu Manzano), Josie (Ruby Ruiz), Rose (Gina Alajar), Ramil (Ronnie Lazaro), Roel (Joel Torre), at ang miracle baby na si Raquel (Alessandra de Rossi).
Dyowa ni Raquel si Alfred (JM de Guzman). Kasambahay ang aning-aning na si Anna (Angeli Bayani). Hardinero si Jacob (Kelvin Miranda).
Kabilang sa mga karakter na nakigulo sina Father Johnny (Jaime Fabregas), ang trophy wife ni Dok Tupe na si Victoria (Angel Aquino), Brother Felix (Empoy Marquez), Vince (Jerald Napoles), Isay (Kim Molina), at ang tomboy na si Ruby (Ge Villamil) na dyowa ni Josie.
Introducing sa movie si Atasha Muhlach.

Limang araw nang No. 1 ang Everyone Knows Every Juan sa talaan ng Top 10 Movies ng Netflix Ph, mula Pebrero 6, Biyernes, hanggang Pebrero 10, Martes.
Read: Ogie Alcasid reveals near-death scare after choking on chicken
UPCOMING PINOY MOVIES ON NETFLIX
Sa Pebrero 19 ay streaming na sa Netflix ang Meet, Greet & Bye nina Joshua Garcia, Piolo Pascual, Maricel Soriano, Juan Karlos, at Belle Mariano.
Ini-announce ng Viva Films online na mag-i-streaming sa Netflix ang pelikulang Salvageland umpisa Pebrero 26.
Tampok sa Salvageland sina Richard Gomez, Elijah Canlas, Mon Confiado, Cindy Miranda, McCoy de Leon, at Angela Morena, sa direksiyon ni Lino Cayetano.
Ibinalita ng Netflix Philippines ang tatlong Netflix original film na kasado na ang streaming this year.
Abril 9 ang streaming ng 18th Rose nina Xyriel Manabat at Kyle Echarri.
Agosto 13 ang streaming ng Ganito, Ganyan, Ganoon nina Jodi Sta. Maria at Agot Isidro.
Setyembre 24 ang streaming ng Balaraw nina Janine Gutierrez, Agot Isidro, at Charlie Dizon.
Kung may mga parating, meron ding aalis.
Ngayong Pebrero 2026 ay bumabu na sa Netflix Ph ang mga pelikulang I Do Bidoo Bidoo: Heto nApo Sila! nina Sam Concepcion at Tippy Dos Santos, Rakenrol nina Jason Abalos at Glaiza de Castro, at Inang Yaya ni Maricel Soriano.
Ngayong Pebrero 10, Martes, ang huling araw na matutunghayan sa Netflix Ph ang Foolish Love nina Angeline Quinto at Jake Cuenca.
Kasado na ang “last chance to watch” sa Netflix Ph ng Cuddle Weather (Sue Ramirez at RK Bagatsing) sa Pebrero 13; I Can See You: Love on the Balcony (Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith) sa Pebrero 14; Crying Ladies (Sharon Cuneta, Hilda Koronel, at Angel Aquino) sa Pebrero 16; La Visa Loca (Robin Padilla at Rufa Mae Quinto) sa Pebrero 23; My Rebound Girl (Alex Gonzaga at Joseph Marco) sa Pebrero 24; I Can See You: The Promise (Paolo Contis at Andrea Torres) sa Pebrero 28; at This Time I’ll Be Sweeter (Barbie Forteza at Ken Chan) sa Marso 10.
Read: PBB big winners Brent Manalo, Mika Salamanca topbill The Secrets of Hotel 88
TOP 10 MOVIES ON NETFLIX
Ang Top 10 Movies sa Netflix Philippines ngayong Pebrero 10, Martes:
- Everyone Knows Every Juan
- What If This Love Disappears Tonight
- Noah
- Crawlspace
- Black and Blue
- Hotel Transylvania 3: Summer Vacation
- Death Whisperer 3
- Hotel Transylvania 2
- 96 Minutes
- 50 First Dates
