JERRY OLEA
Apatnapu’t limang (45) pelikula na ang nag-open sa local cinemas ngayong 2026 — 25 noong Enero, at 20 ngayong Pebrero.
Lima sa mga iyan ay gawang-Pinoy — A Werewolf Boy noong Enero 14, Spring in Prague noong Pebrero 4, The Loved One noong Pebrero 11, Batang Paco at The Lotto Winner ngayong Pebrero 18, Ash Wednesday.
BATANG PACO
Bida sa Batang Paco sina Empoy Marquez at Ai-Ai de las Alas.
Co-stars sina Mon Confiado, Ynez Veneracion, Chichi Rita, Cassy Lavarias, Richard Quan, Alma Concepcion, Lara Morena, Natasha Ledesma, Kookoo Gonzales, Gerard Acao, Josh Ivan Morales, Kim Rodriguez, Jovi Vargas, at Quentin Molo.
Idinirek ito ni Rechie del Carmen mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa. Ang producer ay si Ana Abiera del Moral ng MiVida Productions.

Pahayag ni Mon sa mediacon noong Enero 29, 2026 sa Pandan Asian Cafe, Sct. Limbaga St., Quezon City: “Very challenging yung pagkakasali ko dito sa Batang Paco.
“Dahil siyempre, alam ng lahat, yung image ko, yung character ko — strong, laging kontrabida. Pero dito, comedy. Di ba?
“Ang maganda kasi, aside kasi siyempre ang kasama ko dito ay ang Comedy Queen, Miss Ai-Ai, at ang highest-paid actor o comedian na si Empoy.
“Ha! Ha! Ha! Sobrang overwhelmed ako dahil gustung-gusto ko iyong pagkasulat ni Manay Gina. Kasi, black comedy siya.
“Hindi siya yung typical na slapstick na nagbabatukan kami, o dini-distort namin yung mga mukha namin para magmukha kaming katawa-tawa.
“Ang nakakatawa dito kasi, yung sitwasyon, e. And dahil doon sa character ko na I guess, yung character ko ang pinakaseryoso, dahil bago ito sa akin, kontrabida pa rin ako dito…
“E, parang yung reflection ng comedy, bumabanda sa akin, e. Parang isang seryosong character, ilagay mo sa maling mundo, o maling mga tao.
“Nakakatuwa dahil, kumbaga, very challenging talaga. Kumbaga, bago siya sa akin.
“Kasi kung serious actor ka, minsan yung emosyon ang lagi mong driver sa acting mo. Pero dito, timing. Timing ang pinakaimportante sa lahat.
“So very challenging talaga.”
Ang apat na banyagang pelikula na nag-open sa local cinemas ngayong Ash Wednesday ay Hamnet, Whistle, Crime 101, at Gangsters.

GORGY RULA
Ayon sa nakuha naming impormasyon sa aming reliable source, umabot daw ng PHP55M ang kinita ng The Loved One noong weekend.
Ang suwerte dahil nag-Valentine’s Day noong Sabado, kaya nasa labas talaga ang mga tao para makapag-celebrate ng araw na yun.
Dati naman talaga ay magandang playdate ang Valentine’s Day kaya pinag-aagawan ang ganitong playdate.
Ang maganda pa, pagkatapos ng Valentine’s Day ay nag-Chinese New Year naman noong Martes, at holiday pa ito.
Kaya nasa labas na naman ang mga tao, at marami ang nanood sa mga sinehan.
Kaya ang laki raw ng itinaas ng kita ng The Loved One.
Ayon sa Viva Films, tumabo na ng PHP95M ang The Loved One sa loob ng pitong araw.

Ngunit ayon naman sa aming reliable source, nasa PHP73M ang total gross ng reunion movie nina Anne Curtis at Jericho Rosales, kung saan kabilang sila sa executive producers, as of February 17.
Okay na ito, lalo na’t maganda naman ang nakukuha naming feedback sa pelikula na may special participation si Catriona Gray.
So far, ito ang highest-grossing Pinoy film ng taong 2026.
Simula Pebrero 20, Biyernes ay ipapalabas itong The Loved One sa iba’t ibang states ng USA.
Sana, maganda rin ang kalalabasan ng nag-showing ngayong Miyerkules na The Lotto Winner kung type mo ang drama, at ang Batang Paco para sa mga mahihilig naman sa comedy.
NOEL FERRER
Sa Pebrero 25, Miyerkules, ang 40th anniversary ng People Power Revolution sa EDSA.
Dalawang pelikulang Pinoy ang magso-showing sa araw na iyon, ang Until She Remembers at Wonderful Nightmare.
Bida sa Until She Remembers sina Charo Santos-Concio, Boots Anson Roa-Rodrigo, at Barbie Forteza sa direksiyon ni Brillante Mendoza.

Tampok naman sa Wonderful Nightmare sina Kim Molina at Jerald Napoles, sa direksiyon ni RC de los Reyes.

Nasa March 4 playdate ang Sisa ni Hilda Koronel, sa direksiyon ni Jun Robles Lana.

Nakapuwesto sa March 11 ang A Special Memory nina Carlo Aquino at Bela Padilla, sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng.

Nasa March 18 playdate ang Songs for Selina starring Mica Javier, Rachel Coates, Rachel Alejandro, Audie Gemora, JayR, Gian Magdangal, and Leanne Mamonong, sa direksyon ni Dean Rosen.

Nakatakda sa Marso 25 ang showing ng Graduation Day nina Jeric Gonzales at Elizabeth Oropesa, sa direksiyon ni Dante Balboa.

Nasa April 4, Black Saturday, playdate naman ang I Fell, It’s Fine nina Rhian Ramos at Glaiza de Castro, sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo.

Pinost na online ang trailer ng EDJOP starring Elijah Canlas and Jodi Sta. Maria. Five years in the making ito, at inaasahang ipapalabas sa mga sinehan this year.

Maraming pang ibang Pinoy movies na ikinakasa ang playdate this year.
Looking forward na tayo sa mga kalahok sa indie filmfest na Sinag Maynila at Cinemalaya.
Patuloy nating suportahan ang mga pelikulang Pilipino!
