JERRY OLEA:
Gusto ni Hilda Koronel na nasa bahay lang siya at tahimik kung walang siyang trabaho. Mas nagbabasa siya kesa nanonood ng pelikula o serye.
Mga thriller daw ang gusto niyang basahin, hindi iyong romantic things.
Bakit? “Wala lang. Para hindi ako naiiyak! Ha! Ha! Ha! Ha!” pahayag ni Hilda bago mag-special screening ang pelikula niyang Sisa noong Pebrero 26, 2026 sa Cinematheque Centre sa Intramuros, Manila.
May mga nakapila pa ring admirers sa kanya?!
“Never mind! I don’t care! Ha! Ha! Ha! Tapos na ako doon,” pahayag ng beteranang aktres.
“Tapos na ako. Ayoko na. I’m done.”
Galit ba siya sa boys?
“Ay, hindi! I love boys! Don’t get me wrong. But after so many husbands, I’m done. Napagod na ako,” pagsisiwalat ni Hilda.
“Ayoko nang magluto uli, di ba? Parang iyung role na iyon, magluluto ka, magluluto ako, maggo-grocery ako, magpaplantsa ako. Tama na iyon!”
Ang mister ni Hilda na si Ralph Moore ay pumanaw noong 2023. Ang first husband niya na si Jay Ilagan ay nakahiwalayan niya noong 1973, at pumanaw si Jay noong 1992.

HILDA KORONEL ON BEING SINGLE AND INDEPENDENT
Pinapairal ni Hilda ngayon ang self-love. Isa siyang halimbawa ng matibay na babae. Empowered. Palaban. Hindi kailangan ang lalaki para mabuhay.
“Kahit ano ang pagdaanan niyo, women can do anything especially now,” pagmamatwid ni Hilda.
“Hindi katulad noong araw na medyo mahirap pa para sa mga babae. We’re always [in the] background, or quiet, or housewife, or tahimik ka lang diyan.
“Ngayon, hindi na. Palaban na ang mga babae. Iba na. Presidente, we had a president na babae. Andaming prime minister na babae.
“I mean, iba na ngayon ang mga babae. Palaban na kami. And they can do anything. Women can do anything.”
Read: REVIEW: Hilda Koronel exceptional in Sisa
Maliban kay Hilda, ang mga babaeng tampok sa Sisa ay sina Jennica Garcia, Tanya Gomez, Angellie Sanoy, Barbara Miguel, Jorrybell Agoto, Janina Mendoza, at Isabel Lamers.
Nasa cast din ng Sisa sina Romnick Sarmenta, Nico Antonio, Kobie Brown, Kuya Manzano, Jess Evardone, Timothy Castillo, Shun Mark Gomez, at Raffy Tejada.
Sa direksyon ni Jun Robles Lana, ang Sisa ay palabas na sa local cinemas umpisa noong Marso 4, Miyerkules.
Read: Hilda Koronel: "We were very poor. I grew up in the slums."
NOEL FERRER:
Nakakalungkot na iyong early films ni Hilda Koronel, either malabo ang kopya o wala na.
“Iyun na nga. Especially mga Lea Productions film namin na nasunog. Sayang yun. Marami yun, e!” bulalas ni Hilda.
“Mga Cadena de Amor [1971], Villa Miranda [1972], mga ganun. Andami naming magandang Lea films na medyo wala na.
“Buti nga yung Santiago! [1970], nakaabot pa, right?”
Si Fernando Poe Jr. ang bida sa Santiago!, at pinag-ingatan ni FPJ ang pagpe-preserve ng kanyang mga pelikula.
“I was so happy to see that,” pakli ni Hilda.
ON FILM INDUSTRY
Ano ang masasabi niya sa kasalukuyang estado ng Pinoy movie industry?
Napabuntong-hininga si Hilda, “Ahh, I don’t know. I hope hindi siya maapektuhan masyado ng AI [artificial intelligence].
"But streaming is definitely, you know, mahihirapan ang pelikula because of the streaming services.
“So I don’t know. I hope hindi tayo masira with that.”
Ano ang maipapayo niya sa Pinoy filmmakers at movie producers?
“Well, that they keep making good films like Sisa. Para naman magpunta pa rin ang mga tao sa mga sinehan,” tugon ni Hilda.
“We need more quality films. Sana naman, maengganyo sipa na gumawa pa na maganda ang content.”
Read: Hilda Koronel good friends with Amy Austria; no overlap with Jay
GORGY RULA:
Para sa next movie project ni Hilda Koronel, nagkausap na sila ni Direk Adolf Alix Jr. para sa pelikulang pagsasamahan muli nila ni Bembol Roco.
Gumanap sina Bembol at Hilda bilang Julio Madiaga at Ligaya Paraiso, respectively, sa pelikulang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag (1975) na idinirek ni National Artist Lino Brocka.
Nagkasama rin sina Hilda at Bembol sa Hayop sa Hayop (1978) at Babangon Ako’t Dudurugin Kita (1989) na idinirek din ni Lino Brocka.
Meron din sanang pelikula noon si Direk Adolf na tatampukan nina Hilda, Nora Aunor, Gina Alajar, at Lorna Tolentino.
“Iba pa yon,” sabi ni Hilda. Nagkasama sina Nora at Hilda sa mga pelikulang Nakaw na Pag-ibig (1980) ni Lino Brocka at Beloved (1985) ni Leroy Salvador.
Sabi ni Direk Adolf, inaayos pa iyong movie project na in-offer niya kay Hilda.
“Nabasa naman niya, nagustuhan niya. So, timing-an lang po,” sey ni Direk Adolf.
“May tinatapos pa rin akong teleserye, iyong Hating Kapatid, na magtatapos na sa March.”
Ang huling pelikulang syinuting ni Direk Adolf ay Faney na tribute film kay Nora Aunor.
Bida roon sina Laurice Guillen at Gina Alajar.
“Ilalabas namin ang Faney this year, sa birthday ni Ate Guy. Magra-run na siya. Kasi noon, di ba, special screenings lang. So inaayos namin.”
