JERRY OLEA
Pagpupugayan si Sue Prado ngayong Abril 20, 2026, Lunes ng hapon, sa Diligence Chapel ng Loyola Memorial Chapels & Crematorium, Commonwealth Avenue, Quezon City.
“Open mic for anyone who wants to share a story, sing a song, recite a poem or just join us in fellowship to celebrate the life of an awesome artist but more importantly, a beautiful soul,” Facebook post ni Sheikh Apollo Abraham.
In-organize yan ng mga kasamahan ni Sue sa teatro, sabi ng manager niyang si Ferdy Lapuz nang makatsikahan ng PEP Troika sa lamay kahapon.
Read: Colleagues, film industry organizations pay tribute to Sue Prado
SUE PRADO'S MOTHER STILL NOT CRYING
Nakausap din namin saglit ang mommy ni Sue na si Corazon Mera. Nagpasalamat si Mommy Corazon sa mga dumamay sa kanila.
Pinatotohanan ni Mommy Corazon ang sinabi ng panganay niyang si Guia Antonette “Annie” Mera na hindi pa siya makaiyak sa pagpanaw ni Sue.
Hindi pa niya mai-release ang dalamhati sa kanyang puso.
Nagkomento si Mommy Corazon sa isinulat naming article kung saan sinabi ni Guia na cardiac arrest ang cause of death ni Sue.
Ani Mommy Corazon, “Maganda yung sinulat mo, kaya lang, hindi ako maganda sa picture.”
Read: Sue Prado's cause of death revealed by family
Paliwanag namin kay Mommy Corazon, haggard na kasi siya sa pagod noong kunan namin siya ng picture last Friday night.
Halos 11:00 P.M. na siya noon at pagod na sa pagharap sa mga nakipaglamay. Kaya sinabihan namin na kunan namin uli siya ng picture habang maaga pa at hindi siya mukhang haggardo versoza.
Pagtatapat pa ni Mommy Corazon, hirap pa siyang matulog. Wala rin siyang ganang kumain.
Tapos ay sinabihan niya kaming tikman iyong ensaymadang Mylene’s.
“Masarap yan. Yayamanin!” bulalas ni Mommy Corazon.

NOEL FERRER
Dumating sa wake/urn viewing kagabi ang grupo ng pelikulang Desperada sa pangunguna nina Direk Louie Ignacio, line producer Dennis Evangelista, at mga bidang sina Robb Guinto at Yasser Marta.
Itong Desperada ang huling pelikula na syinuting ni Sue Prado.
Kalahok ito sa Sinag Maynila 2026 filmfest noong Marso 23 hanggang Abril 1.
Kasama rin sana si Sue sa next movie ni Direk Louie, yung The Flying Red Balloon na mag-uumpisa ang shoot sa Taiwan before the end of the month.
Nasa wake din kahapon ang presidente ng AKTOR-League of Filipino Actors, ang alaga kong si Iza Calzado.

Nag-abot pa sila roon nina Direk Dolly Dulu, at Therese Malvar na mina-manage din ni Ferdy Lapuz.
Base sa posts ni Ferdy ay dumating din sa lamay sina Dingdong Dantes, Alessandra de Rossi, Mercedes Cabral, Soliman Cruz, Mark Lapid at Tanya Garcia, Direk Zig Dulay, FAP Director General Paolo Villaluna, Agot Isidro, Joel Saracho, Tanya Gomez, Marife Necesito, Direk Joel Lamangan, Jim Pebanco, Direk Pepe Diokno, Pen Medina, Elora Españo, at iba pa.
Pahayag ng ate ni Sue na si Guia Antonette Mera sa mga nagmamahal sa yumaong kapatid: “Maraming-maraming salamat po. Hindi ko sukat-akalain na ganito karaming tao…
“Napaka-cliché nito pero uulitin ko, ganun pala yun. Na kapag maraming nagmamahal sa kapamilya, saka sa kaanak mo na nawala, mao-overwhelm ka.
“Hindi lang bilang artista, bilang activist, bilang may adbokasiya — nao-overwhelm ako. Maraming-maraming salamat.”
Read: Actress Sue Prado dies at 44
GORGY RULA
Si Sue Prado ang unang talent na hinawakan ni Ferdy Lapuz bilang manager. Siya rin ang unang pumanaw sa mga alaga niya.
Pagbabalik-tanaw ni Ferdy: “Nagkita kami sa set ng Bahay-Bata ni Eduardo Roy noong May 2011 sa Manila. Naka-nars siya.
“Ay! Si Sue Prado. Sabi ko, siya ang tumalo kay Maria Isabel Lopez sa Kinatay sa best supporting actress.”
Nagwagi si Sue na best supporting actress sa 33rd Gawad Urian para sa pelikulang Kinatay.
Kinabog niya sina Dimples Romana ng In My Life, Gina Alajar ng Dukot, Gina Pareño ng Bakal Boys, Glaiza de Castro ng Astig, Jea Lyka Cinco ng Hospital Boat, Maria Isabel Lopez ng Kinatay, at Miriam Quiambao ng Kimmy Dora: Kambal Sa Kiyeme.
Pagpapatuloy ni Ferdy: “So, hindi ko naman talaga kilala si Sue noon. Sino kaya ang Sue Prado na nanalong best supporting actress sa Urian, di ba? Ahh siya pala yun, sabi kong ganun.
“Ipinakilala ako ni Edong. Tapos nakaganyan lang siya, nagte-text. Sabi ni Edong, ‘Walang manager yan!’ sabi niya. ‘Gusto mong i-manage kita?’ sabi ko. ‘O, sige.’
“Tapos nagpalitan lang kami ng number. Ganun lang.”
Panganay na alaga ni Ferdy si Sue kaya andami niyang pictures at memories sa premyadong aktres.
“Noong namatay ang nanay ko noong 2023, nagulat ako, noong first day, nandoon siya,” lahad ni Ferdy.
“Ambilis niya, nagulat ako. Saka mahilig yang kumain. Mahilig mag-take out, magbalot. Lalo pag birthday ko. ‘Sa katawan mong yan, ang lakas mong kumain!’
“Iyon ang maganda sa kanya, yung metabolism niya. Saka masaya siya, saka gusto niya talagang magtrabaho.”
Read: More tributes for late actress Sue Prado; wake details announced

SUE PRADO'S WISH
Hindi pinapakialaman ni Ferdy ang pagiging outspoken ni Sue sa mga isyung panlipunan. Alam daw ni Sue ang limitasyon.
Nagustuhan ni Ferdy ang sinabing wish ni Sue sa storycon ng The Flying Red Balloon noong Abril 11: “Yung totoo? Mamatay na si Trump! Seryoso! Gusto ko talaga, tumahimik na iyung mundo.
“Di ba? Kasi especially, yung Pilipinas ahhmm… wala tayong proteksyon, e. Di ba?
“Ang nanggugulo talaga, silang mga malalakas na bansa. O, anong nangyari sa Pilipinas? Naiipit tayo, di ba?
“Gusto lang naman nating mabuhay nang maayos, e. Pero it’s been becoming hard.
“Kahit na gusto nating maging maayos na tao, dahil nag-aagaw-puwersa itong mga malalaking ito, yung mga malalakas… di ba, tayo, gusto lang mabuhay nang disente. Naiipit tayo.
“So that’s what I really wish for. Tumahimik na sila.”
