GORGY RULA
Natawa si Enrique Gil nang hiningan namin ng reaksiyon sa sinasabi ng iba na tila nakatulong sa promo ng bagong teleserye nilang A Secret in Prague ang pagkahuli kay dating Congressman Zaldy Co sa Prague, Czech Republic.
Sa advance screening ng teleserye na ginanap sa Gateway 2 noong Miyerkules, April 22, 2026, binanggit namin kay Enrique na sikat ngayon sa atin ang Prague.
Sa tingin ba niya, nakatulong ito sa A Secret in Prague?
“Sobrang timing nga, e. Parang sumakto talaga, e. Alam ko ang mga balita about Prague,” bulalas ni Enrique.
Read: President Ferdinand Marcos Jr.: “Nahuli na si Zaldy Co.”
THE SECRET OF PRAGUE
Swak na swak daw ang Prague sa kuwento nila dahil napakamisteryoso raw ng siyudad na ito.
“Yun ang sikreto talaga, e. Kaya yun yung pinili namin. It’s a very mysterious place. Napakaganda rin po talaga niya.
“At maraming, you know… it’s a place where you want to escape, you hide. Pero lahat naman ng sikreto ay lalabas din eventually,” sabi pa Enrique.
Napanood namin ang first three episodes nito sa advance screening, at mala-pelikula ang dating nito dahil ang ganda ng location.
Nagamit nila ang ganda ng Czech Republic.
Nakakamangha ang palasyong pinagkunan nila na isa sa magandang tanawin doon sa Prague.
Nag-snow pa nung nag-taping sila roon kaya na-capture ang kakaibang look nito.
Hindi lang ang Prague. Maganda rin ang location ng mga eksena nila dito sa atin.
Nag-shoot sila sa Boljoon, Cebu, na napakaganda talaga roon.
Lalo tuloy na-excite si Enrique dahil sa magandang feedback sa A Secret in Prague.
Meron na nga silang QuenDrea fans na dumagsa sa Gateway Mall 2 para suportahan ang kanilang advance screening.
NOEL FERRER
Hindi itinatanggi ni Enrique Gil na may pressure sa kanya itong pagbabalik-telebisyon niya, lalo na’t isa siya sa producers.
Kaya naman todo-promote si Enrique, na pati ang palengke tour ay pinasok niya.
Aniya: “May pressure, siguro po meron, konti yun lang. Hindi naman mawawala yun.
"Pero mas nangingibabaw po yung pakiramdam na I’m back... at excited ako na mapanood ng mga tao ito.
"The fact na mapalabas ito sa TV, hindi lang sa TV, kundi sa Netflix.
“Malaking bagay na po sa akin yun, for me, success na rin po sa akin yun.
"So, if there is more, kung maging hit po o hindi, all the more mas maging grateful po ako.
“Pero para sa akin, I really feel na it’s a success na rin po.”
Dagdag ni Enrique: “Masaya po na makabalik po ulit at makapagpasaya po ng mga tao. Na makita po uli kami ng taumbayan gabi-gabi, alam niyo yun.
“Ang gusto ko lang po to bring back the magic sa teleserye, alam niyo yun, sa TV series.
“Hindi ko naman sinabing nawala po. Pero yung lightness, yung relief na binibigay ko po dati, yun lang po ang na-miss ng mga fans sa akin. Yun lang po yung gusto kong maibalik.
“Hindi lang po yung magic na na-feel ko na medyo nawala, kundi yung magic po sa loob ko sa sarili ko po. Gusto ko rin sana maibalik din.”
Abangan natin ang pagsisimula ng A Secret in Prague sa primetime ng TV5 sa April 27, Lunes ng 8:00 P.M.
Pero mapapanood muna ito sa Netflix simula ngayong Biyernes, April 24.
Read: Enrique Gil almost quit showbiz after pandemic: "Na-enjoy ko masyado yung pagpapahinga sa bahay."
JERRY OLEA
Tuluy-tuloy pa ang taping nila sa A Secret in Prague.
Ang sabi ni Enrique Gil, marami pa silang pasabog na ang iba ay kukunan pa sa ibang bansa.
Mukhang gagastusan pa nila nang bonggang-bongga — lalo’t tatapatan nito ang Blood vs. Duty sa ALLTV2, at Sang’gre sa GMA-7.
“May mga lipad po kami out of the country soon.
“Marami pa pong mangyayari, may mga papasok na bagong characters.
“Marami po pong pasabog itong teleserye na ito. Papunta pa lang kami dun sa exciting parts,” napangiting pahayag ni Enrique.
Kasama sa cast ng A Secret in Prague sina Cedrick Juan, Kim Domingo, Edu Manzano, Arlene Muhlach, K Brosas, Benjie Paras, Mark Ian Garcia, Queenay Mercado, Eian Rances. at Ruben Maria Soriquez.

Read: Tatlong primetime series, unang mapapanood sa Netflix bago sa free TV
