GORGY RULA
Nagpasiklab ang Kapatid artists sa OPM Countdown Show na Vibe na ginanap sa bago nilang MVP Studio noong Sabado, April 25, 2026.
Maganda at napakalaki ng state-of-art broadcast studio na ito na gagamitin dapat sa Wilyonaryo ni Willie Revillame.
Ilan sa nag-perform sa kanilang major vibe party noong Sabado ay sina Elmo Magalona, Dylan Menor, Salbakuta, The Juans, Earl Agustin, Lily, at Prettier Than Pink.
Nag-promote na rin doon ang cast ng A Secret in Prague at My Bespren Emman.

Nagbigay ng video message si Mr. Manny V. Pangilinan na nasa Singapore noong araw na yun.
Ani MVP: “Maligayang bati from Singapore and congratulations to the team that built your new studio. Very impressive. Your show were very good tonight.”
Dito na gaganapin ang Vibe na araw-araw napapanood.
STAR WORX LAUNCH
Pero ang isa sa kaabang-abang ay ang major launch ng Star Worx sa Mayo 5, Martes.
Maaring dito gaganapin ang pagpapakilala sa mga kabataang ilulunsad bilang mga Star Worx talents sa ilalim ng management ni Mr. Johnny Manahan.
Nasa social media account na ng Star Worx ang pasilip sa mga bagong mukhang ilulunsad nila.
At nagkakaideya na ang iba kung sinu-sino ang mga kabataang ito.
Abangan natin ang launching ng Star Worx sa Cinco de Mayo.
Read: TV5, pinasilip na ang artists na kabilang sa Star Worx
JERRY OLEA
Goodbye, Artista Academy? Hello, Star Worx!
Labing-anim na pangalan ang lutang sa Facebook posts ng Star Worx PH bilang new kids on the block.
Andiyan ang mga pangalang Marthena, Nico, Adam, Keish, Amo, Rahil, Car, Spence, Nat, Chan, Celyn, Pat, Kait, Sel, Steph, at Wayne.
Paano na ang Artista Academy 2026?
Noong Pebrero pa sana ipapalabas sa TV5 ang reality show na Artista Academy, hosted by Julia Barretto and Xian Lim.
Sa pagpapalit ng mga nagpapalakad sa Kapatid Network at pag-entra ni Mr. M with Star Worx, naisantabi ang Artista Academy.
Ayon sa source ng PEP Troika, malamang na ipalabas ng Viva ang bagong Artista Academy sa kanilang streaming platform.
Take note na meron pang walong Next Gen Stars ang Viva, kung saan kabilang sina Icee & Gabbi Ejercito, Rob & Ryan Walcher, Vito Quizon, Jaime Yllana, Ashley Diaz, at Jac Abellana.
Read: Anak ng mga artista, inilunsad ng Viva bilang Next Gen Stars
NOEL FERRER
Welcome na welcome news ang pagtuklas ng mga bagong artists.
Malaki ang panalig ko sa pamumuno ni Mr. M kaya exciting ang development na ito, maliban sa praktikal na katotohanang makakalikha ito ng maraming bagong trabaho dahil marami ngayon sa ating industriya ang jobless.
Sana, tangkilikin ito ng mga manonood, at sana may matuklasan ngang bagong talents na kukunek sa bagong henerasyon at magsisilbing magandang huwaran sa mga Gen Z… at broad audiences pa.
