JERRY OLEA
Best actor si Vice Ganda sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 para sa pelikulang Call Me Mother na idinirek ni Jun Robles Lana.
May ikinakasa na bang entry niya sa MMFF 2026?
“Nakailang meeting na rin naman kami,” tugon ng Unkabogable Star noong Abril 27, 2026, Lunes ng gabi, sa Romulo Cafe, Sct. Dr. Lazcano St., Quezon City.
“Nagbe-brainstorm kami every now and then. Nakailang meeting na kami…
“Bongga yung ka-collab ko this time!”
May bali-balita o isinusulong na maka-collab niya…
Napangiti si Vice, “Hindi ko alam. Hindi ako masyadong nagbabasa lately. Basta, isa siyang pasabog na collab.”
Bago ang makaka-collab niya? First time?
“Yeah, oo. E, kasi yun din naman… siyempre antagal ko na rin namang nagso-solo movie,” sey ni Vice.
“So excited din yung mga tao na makita kung sino yung ibang puwede ko pang makasama sa pelikula.”
VICE GANDA: "HAPPY, HAPPY BIRTHDAY, BOSSING!"
Ngayong Abril 28, Martes, ay kaarawan ni Vic Sotto.
May birthday greeting ba siya para kay Bossing Vic?
“Happy, happy birthday, Bossing! I love you for life! Gusto mong magka-movie tayo, Bossing?”
Nagka-encounter na ba sila ni Bossing Vic?
“Last Christmas! Last Christmas, oo, holiday season last year. Last December lang sa Hong Kong, nagkita kami,” sagot ni Vice.
“Same hotel kami. Kasama niya si Sir Val Sotto. Family daw sila.”
Read: DongYan, Vic-Vice movies inihahanda para sa MMFF 2026?
box-office hero
Si Vice ay isa sa pararangalan ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) sa Eddys 2026 sa Hulyo bilang Box Office Hero ng nakaraang taon para sa pelikulang Call Me Mother.
Ang iba pang honorees ay sina Maricel Soriano para sa Meet, Greet & Bye, Kim Chiu at Paulo Avelino para sa My Love Will Make You Disappear, at Richard Gutierrez para sa Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.
GORGY RULA
Nag-guest ang Mister Pampanga 2026 candidate na si RJ Perkins sa Eat Bulaga! noong Abril 23, Huwebes.
Kaugnay sa pagiging chubby ni RJ, nagbiro ang host na si Tito Joey de Leon, “Saka hindi na uso yung abs. Wala na nga yung abs, e.”
Nang sabihin ng kanyang mga natawang co-host na iba naman ang sinasabi niya, sinabi ni Tito Joey, ”Ay, ABS-CBN pala yon, sorry, sorry.”
Binatikos ng Kapamilya fans si Tito Joey dahil sa nasabing joke.
Sabi ni Vice Ganda, hindi niya yon napanood.
“E siyempre, hindi natin masasaklawan ang komedyante. Hindi rin natin masasaklawan ang reaksiyon ng mga taong makakarinig ng joke,” pagmamatwid ni Vice.
“So, that’s life. Di ba? E, komedyante si Sir Joey… nag-joke siya. E, trabaho niya yun. Nagdyu-joke siya.”
Read: Joey de Leon, binatikos ng loyal Kapamilya fans dahil sa "wala na nga yung abs" joke
VICE GANDA ON ABS-CBN
Ano ang sentiments niya na may pinagdadaanan na naman ang ABS-CBN, kaugnay ng sigalot ngayon sa pagitan ng Lopez family?
Ang ibang Kapamilya talents ay naglabas ng kani-kanyang saloobin…
“E, for the longest time, wala naman akong ibang puwedeng gawin kundi ipagdasal ang ABS-CBN, di ba?” saad ni Vice.
“Magmula pa noong natanggalan ng prangkisa yan, di ba? So, wala naman akong ibang puwedeng gawin kundi ipagdasal sila at suportahan sila at manatili akong kasama nila habang lumalaban sila sa mga pagsubok nila, yung ganun.
“And hopefully... siyempre kahit naman siguro kayo, di ba? Hopefully, mas gusto natin na masolusyunan kung ano man yung mga problema nila.
“Kasi, mas maraming makikinabang na mga pangkaraniwang Pilipino kung magiging mas maayos na yung sitwasyon ng ABS-CBN.
“Kasi hindi lang naman mga artista at mismong nagtatrabaho sa ABS ang nakikinabang sa ABS-CBN, e.
“The entire country has been served by ABS-CBN, di ba? Hindi lang mga programa nila ang serbisyong naibibigay ng ABS-CBN kundi marami pang ibang mga uri ng serbisyong naibigay sa lipunan ng ABS-CBN, e.
“Yung simple nga lang, di ba, na pag may mga sakuna… yung parang nawalan ng isang malaking plataporma na nakapagbibigay-alam sa mamamayan tungkol sa mga sitwasyon ng sakuna, di ba?
“Yung nagbibigay ng mga babala sa mga sakuna. Isa yan sa mga sentimyento ng mga tao na, ‘Kasi walang ABS,’ kaya hindi sila masyadong informed. Di ba?
“So, bukod sa mga taong nagtatrabaho mismo sa kumpanyang yan, maraming nakikinabang sa ABS na pangkaraniwang mamamayan.
“Na yun ang sana, dalangin natin na hindi maputol. Kasi sa ngayon, ang kailangan ng mga Pilipino ay serbisyo hindi lamang sa gobyerno kundi sa iba pang mga tao, di ba?”
Read: ABS-CBN denounces "PR attacks" vs network amid family dispute
NOEL FERRER
Nai-tape na ni Vice Ganda ang Season 2 ng LOL: Last One Laughing Philippines, na mag-i-streaming ngayong 2026 sa Prime Video.
“Mabilis lang yung na-shoot. Two months lang namin shinoot yun,” sabi ni Vice.
“I personally believe this season is a lot better and funnier than the first one. Kasi, yung first one, ako mismo nung nandun ako, parang…
“Marami ang eksenang… lalo na yung padulo, na-off na ako… Pero siyempre, I needed to respect their own brands, di ba?
“Kung ganun ang brand nila… may kanya-kanya tayong taste, e. So, at saka first season yon.
“So, marami pa kaming kailangang matutunan. So, natutunan naman namin. So, nung second season, marami na kaming naj-adjust. Na-improve.
“Kaya noong natapos yung shoot namin, mas maganda for me. Ako, personally, for me — mas maganda siya.”
Read: Chad Kinis is first Last One Laughing PH champion
LAUGHING OUT LOUD PH SEASON 2
May instructions ba sa mga kalahok sa Season 2 ng LOL PH na huwag masyadong…
“Yeah, this time, huwag nang baboy!” bulalas ni Vice.
“Kasi siyempre, nakuha rin namin ang reactions nung viewers, di ba? Yung first three episodes, tawang-tawa sila. Antagal na nag-No. 1 sa Prime yung LOL, e.
“Pero yung towards the end, parang… parang may lumampas ng level of kababuyan.”
Hindi na siguro nila alam kung ano ang gagawin?
Pag-ayon ni Vice: “Oo, at saka pagod na sila. Yung ganun, naubusan na rin siguro ng material.
"Umabot na sa palitan ng laway, yung mga ganun. Yung anuhan ng pagkain.
“Especially now, siyempre maraming... sensitive tayo sa paggamit ng pagkain, di ba, sa Pilipinas.
“Kasi maraming gutom, mahirap ang buhay. So, yung ganun. Walang nagganun this time.
"At saka parang mas prepared na sila. Kasi nga, napanood na nila kung paano siya ginagawa.
“So, pagdating nila dun sa set, prepared na sila.”
May hand ba siya sa pagpili ng participants?
“Prinesent lang nila sa akin. E, pero halos kilala ko naman sila lahat, kaya, go lang naman ako.”
Sineryoso ba niya yung sinabi na puwede siyang maging Presidente ng Pilipinas?
“Ay! Hindi! At huwag nating seryosohin yon!” sambit ni Vice.
